Friday, March 1, 2013

Luke 15: 1 - 3, 11 - 32



Narinig muli natin ang isa sa pinakamagagandang love-story sa bibliya. Nung una ko itong narinig sa wikang Tagalog e ako man ay naiyak din. Kasi ba naman, ang isa pinakamahirap na pwede kong gawin e ang magpatawad. Ito kasi yung naging struggle ko sa aking formation sa novitiate. Marami kasi akong kadramahan sa buhay na hindi ko agad na pakawalan kung saan naging kaligayahan ko ang pagtatanim ng sama ng loob sa aking kapwa.


Subalit ang Ama sa ating kwento e talaga namang hindi na nagdalawang isip. Nung makita ang ang pasaway na anak na bumalik mula sa pagpapakariwara e parang feeling ko tila huminto ang lahat sa kanya. Ang kinasasabikan niyang anak ang nakita lamang niya at naiimagine ko yung magkahalong luha at sipon na pagtakbo niya patungo sa kanyang anak. Parang mala-telenovela. Slow motion na tatakbo yung Ama patungo sa anak. Yayakapin nya yung anak. Luluha sa mga mata. Walang salitaan na maririnig… puso sa puso kasi ang nag-uusap. Tapos sasabihin ng anak… “Tay, patawarin po ninyo ako…” at sasabihin ng Ama… “Matagal na kitang pinatawad…aking Anak…”


Sabi nga ni Br. Aris. Maaaring ganito ang pagpapatawad ng Panginoon. Kahit na tayo ay nagkasala… bubusugin pa rin niya tayo ng pagmamahal. Dahil sa masidhing pagmamahal ng Diyos… maaaring tayo na lamang ang mahiya at mangimi sa kanyang ganap na kabutihan. Dito ko naunawaan kung ano nga ba ang kahulugan ng kalayaan. Ang kalayaan pala ay ang mahalin ang Diyos at iwan ang lahat para makabalik tayo sa kanya. Ang kalayaang talikuran ang ating pride upang buong pusong humingi ng tawad. Hindi pala mangyayari ang anumang pagmamahalan kung walang namamagitang pagpapakumbaba, pagyakap at pagtanggap. Nagsisimula pala ang pagpapatawad sa pagpapatawad natin sa ating sarili.


Kahit saan man tayo mapunta, alam natin na kapag wala ang nagmamahal sa atin, palaging may kulang. Marahil naaalala ng anak yung tatay niya kasi kapag tumitingin siya sa gabing madilim sa kalangitan, nakikita nya ang larawan ng kanyang ama na ipinipinta ng mga tala sa kalangitan. Naaalala niya ang mga sinabi sa kanya ng kanyang ama na kapag may problema siya, huwag siyang matakot at tumingin lang siya sa mga tala sa kalangitan dahil siya ay nakatingin lagi sa kanya. Sa pagbasa ngayon, naramdaman ko ang masidhing paghihintay ng ama. Marahil, sa pangungulila ng ama, habang siya ay nakatingin din sa mga tala, lagi niyang sinasabi:


Naghihintay sa bawat sandali
Dinadasal na ikaw ay muling sa aki'y bumalik
Bawat landas ng iyong bakas
Sinusundan ng puso kong sa iyo'y nagmamahal.

Saan man ikaw abutin ng dilim aking anak
Sa pagbuhos ng ulan sakaling manlamig
Tumawag ka lang ako ay darating
Ako ay darating...

Tutunawin ng pag-ibig ko
Ang galit na namumuo sa iyong puso
Hahawiin ng pag-ibig ko
Ang ulan na bumubuhos sa iyong sugatang puso.

At kung sakaling 'di-tumigil ang ulan
At kung sakaling maging bagyo ang ulan
Mananatili ako sa iyong piling
Isisilong kita sa yakap ko.

Naghihintay sa bawat sandali
Dinadasal na ikaw ay muling sa aki'y bumalik
Bawat landas ng iyong bakas
Sinusundan ng puso kong sa iyo ay… nagmamahal.

Masarap palang isipin na kapag tayo ay nabigo… ay mayroon pa ring kaisa-isa na tapat na nagmamahal sa akin. Na sa kabila ng aking mga kakulangan at pagkakasala e meron pa rin palang tatanggap sa akin… na mayroon palang mga bisig at kanlungan akong uuwian at matatawag kong aking tahanan. Na kahit saan man ako mapadpad at abutin ng panahon e meron pala sa aking naghihintay sa aking muling pagbabalik. Masarap pala ang pakiramdam ng may Ama…ng may Diyos na sa atin ay nagmamahal. Na bago ko pa masambit ang katagang “patawarin mo ako,” ay yayakapin na ako ng buong higpit ng isang lumuluha dahil sa pagmamahal na Ama at sasabihin sa akin mula sa kaibuturan ng kanyang nagmamahal na puso, “matagal na kitang pinatawad... aking pinakamamahal na anak.”




Den Mar

No comments: