Wednesday, October 8, 2014

Si Maria, Ina ng Simbahan— ang Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo



Napaka-hulugan ng salitang binitiwan ng ating Panginoong Hesukristo habang siya ay nakabayubay sa krus. Sa gitna ng kanyang tinitiis na sakit ng kanyang pagpapakasakit ay heto, nakuha pa rin niyang isipin ang kapakanan ng kanyang ina. Mayaman sa kahulugan ito at sana maging bukas tayo sa pag-unawa sa mga kahulugang ito.

Una, sinabi ni Kristo kay Juan “Juan, mula ngayon Siya na ang Nanay mo…” Bakit ba kinakailangang ihabilin ang mahal na Inang Maria kay Juan? Ang sagot, dahil noong panahong iyon, para sa mga Hudyo, kapag ang mga Ina ay nabalo na at wala nang anak, sila ay wala nang ‘status’ sa lipunan. Para sa kanilang kultura kung saan malaki ang ginagampanan ng mga lalaki ang mga babae ay pangalawa lamang sa lipunan. E paano pa kung ang babae ay isang balo o walang asawa… o paano kung wala na siyang anak? Siya ay ulilang lubos na at wala nang mag-kakanlong sa kanya, wala nang mag-aalaga sa kanya sa kanyang pag-tanda at wala na ring magtatanggol sa kanya-- ang tawag sa kanila ay "Anawim" o mga kapuspalad na dukha na umaasa na lamang sa habag at awa ng Diyos.

Mula rito sa unang pagpapakahulugan… mula sa Panginoong Hesu-Kristo, natuto tayong mag-alaga sa ating mga mga magulang at gumabay sa kanila lalo pa sa kanilang katandaan. Mula nang matutunan natin ito sa loob ng ating tahanan ay natuto tayo bilang mga Kristiyano na mag-alaga sa mga ulilang lubos at natuto din tayong maging bukas palad sa lahat ng mga nangangailangan… at higit sa lahat… at natuto tayong magmahal kahit nang ating mga kaaway dahil naturuan tayo ng Panginoong Hesukristo noong nakapako siya sa Krus na magpatawad.

Pangalawa, kay Inang Maria, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Babae… Siya na ngayon ang iyong anak.” Babae… bakit nga ba babae? Kapag sinabing babae sa ating Pilipinong kultura, sabi nga, basta babae “pinagkakapitagan,” “nirerespeto” at “minamahal.” Mula rito, maliliwanagan natin na itinaas ng ating Panginoon ang dignidad ng mga kababaihan. Sabi ko kanina, sa kulturang Hudyo ang mga babae ay pangalawa lamang sa lahat ng bagay, pero sa tinuran ng ating Panginoon, itinaas nya ang dignidad ng mga kababaihan at ginawa niyang kapantay sa dignidad ng mga kalalakihan sa mata ng Diyos na siya mismong manlilikha.

Palalimin pa po natin ang ating pagkakaunawa. Subukan natin ngayong pagtahi-tahiin ang mga maliliit na detalye na sinabi ko sa inyo:

Si Hesus ay ang ating Panginoon.
Ang kahulugan ng Panginoon ay Diyos
Si Hesu-Kristo ay ang Anak ng Diyos na isinugo ng ating Diyos Ama
Kung anak si Hesu-Kristo ng Diyos Ama

si Maria naman ang kanyang Ina at si Maria ay Ina ng Diyos Anak
Kung gayon, si Hesus ay ating kapatid dahil sa Diyos Ama (by adoption through Jesus Christ)
In short, si Maria na Ina ng Diyos ay Ina rin natin na lumalapit sa kanya.


Tanging babae lamang ang maaaring maging Ina. At sa mga naging ina, si Maria lamang naging Ina ng Diyos. At bilang pagkilalala natin kay Maria bilang Ina ng Diyos, gayahin natin si San Juan… dahil naging mapagmahal siya kay Inang Maria. Pero bukod pa po doon, ano pa ba ang ginagampanan ng “Babae” na pinatungkol kay Inang Maria?

Sabi nga ni Anghel San Gabriel, si Maria ang “Napupuno ng grasya at pinagpala Maria sa babaeng lahat” kasi nga si Maria ang Ina ng Diyos na si Hesuskristo. Bilang Ina ng Diyos, si Maria rin ang Ina ng simbahang itinatag ni Kristo. Sa sinabi ng Panginoon Jesus kay San Juan, “Kilalanin mo ang iyong Ina” maiintindihan natin na kinakatawan ni San Juan tayo na mga mananampalataya. Na kapag sinabi ito ng Diyos, “Tanggapin mo ang iyong Ina” makikita natin ang ating mga sarili sa katayuan ni San Juan. E kung andon tayo sa paanan ng krus… ano ang isasagot natin? Tatanggapin mo ba ang ulilang lubos na si Maria bilang iyong ina?

Opo, napa-intimate ng moment. Ang pinakamamahal na Ina ng Diyos ay inihahabilin sa ating mga kamay. Ayon sa Bibliya, si Maria ay “TATAWAGING PINAGPALA NG LAHAT NG SALING-LAHI.” At kung tatanggapin natin siya, tayo rin ay tatawaging pinagpala sapagkat si Maria ay NAPUPUNO NG GRASYA. Ano nga ba ang grasya na sumasakanya: Ang kanyang anak na si Hesu-Kristo na ibinabahagi niya sa atin.


Kung tinatanggap po natin si Maria, tinatanggap po natin siya bilang Ina. Dahil siya po ang Ina ng Diyos nating si Hesu-Kristo, siya rin po ang Ina ng ating simbahan.  Dahil kay Inang Maria, noong bago pa lang itinatatag ang simbahan, ang simbahan ay hindi ganap na naulila. Naroon ang mahal na Ina hanggang sa dumating ang Banal na Espiritu Santo (Paraclete) na isinugo ni Hesu-Kristo. Sa mga mahahalagang yugtong ito, unti-unting naunawaan ng mga Apostol na hindi kaylan man iniwan ni HesuKristo ang simbahang itinatag niya. Hanggang sa ngayon ang Simbahan ay hindi naulila sa Panginoong Hesukristo at nanatiling matatag ang simbahan sa kabila ng maraming pagsubok dahil si Maria bilang Ina ng simbahan ay naging katuwang sa pamamagitan ng kanyang taimtim na pagdarasal.

Bilang Ina ng simbahan… gayahin po natin ang ating mahal na ina—sa kanyang pagiging pala-dasal… sa kanyang pagsunod sa Diyos… sa kanyang pagiging bukas-palad sa mga kapwa niya nangangailangan. Ang mga Pilipino po ay maka-ina… kaya huwag po tayong mahiya na lumapit sa ating Inang Maria dahil ang mahal na Inang Maria ang maghahatid sa atin patungo sa ating Panginoong Hesukristo (Through Mary to Jesus).

Pangatlo po, ano nga po ba ang laging habilin ng Mahal na Inang Maria sa ating mga anak niya? Ang lagi niyang sinasabi, “Pray the rosary.” Kapag dinasal po natin ang rosaryo, makikilala natin si Kristo. Actually nga po, ang rosaryo po ang maituturing kong summary ng buhay at pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo. Nasa bawat misteryo ng rosaryo ang bawat mahahalagang yugto sa kabanata ng buhay ng ating Panginoon—mula sa pagkasilang, kamatayan at hanggang sa katuparan ng kanyang banal na misyon na naging dahilan ng ating kaligtasan.

At ngayon po saan po tayo dinadala ng pagro-rosaryo? Kasama ni Maria, dinadala po tayo ng pagrorosaryo patungo sa Panginoong Hesukristo-- mapa-joyful mysteries, mapa-sorrowful mysteries, mapa-glorious mysteries, at mapa-mystery of light. Yun din ang ating buhay… may masaya, may malungkot… at syempre hindi nawawala ang kaluwalhatian at tagumpay.

At ngayon sa ating panahon… napag-usapan na rin naman natin ang mystery of light… dinadala tayo ng pagro-rosaryo kasama ni Inang Maria patungo sa Eukaristiya kasi binanggit ito sa third mystery ng mystery of light na nagsasabi ng: “the institution of the Eucharist.” Ibig sabihin po nito, pinapaalalahanan tayo ni Inang Maria dahil siya ang Ina ng ating Simbahan na bukod sa pagdarasal ng rosaryo, tayo rin po ay palaging magsimba upang palagi rin nating makadaupang palad ang kanyang mahal na anak na ating Panginoong HesuKristo sa pamamagitan ng pagtanggap ng Eukaristiya.

Tandaan po nating lagi na kapag tinanggap natin si Maria bilang ating Ina… tinatanggap din tayo ng ating Panginoong HesusKristo bilang kanyang mahal-mahal na kapatid.

Maligayang kapistahan po ng Ina ng Santo Rosaryo. Sabihin po nating lahat, “Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Kristo… Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay….”


AMEN. 


=============
John 19:25-27

25 ¶Now there stood by the cross of Jesus his mother, and his mother’s sister, Mary the wife of Cleophas, and Mary Magdalene.


26 When Jesus therefore saw his mother, and the disciple standing by, whom he loved, he saith unto his mother, Woman, behold thy son!


27 Then saith he to the disciple, Behold thy mother! And from that hour that disciple took her unto his own home.


=============
denmar

No comments: