Friday, April 12, 2019

Prayer for Healing

God, I am praying for the healing of those who are sick
Grant perseverance to those who are suffering excruciating pain
Grant comfort to those who are gasping for breath
And a restful sleep to those who are so tired of their daily battle.

http://lifebeforedeath.com/wp-content/uploads/Cancer-Patient-Letha-Expressing-Pain_Kerala-India.jpg

God, please be present to every sick patient and to every terminally ill
Let their Guardian Angels bring their prayers unto You
Hear their cries and be merciful to their heart's desire
Journey with them from this sickness towards their recovery.

https://www.lifecrust.com/wp-content/uploads/2016/05/Angelo-Merendino_Waiting-for-Oncologist.jpg

Lord, I am pleading that You allow their bodies to recuperate...
Do not allow their soul be withered by their sufferings
Lord, may the cross You bear become their saving cross
Heal them with Your nailed hands, embrace them with Your love.

https://i.dailymail.co.uk/i/pix/2014/01/27/article-2546646-1AFEFD0200000578-334_964x640.jpg

Saturday, April 6, 2019

Pagtitiis Dahil sa Pag-ibig


pic source: https://weheartit.com/entry/41381929
Hindi lahat ng tungkol sa pag-ibig ay puro kaligayahan lamang. Malimit, masakit ito. Punong-puno ng pait. Punong-puno ng paglimot sa iyong sarili para maibigay mo ang lahat-lahat sa minamahal mo. Yung kahit ikaw na lamang ang paulit-ulit na masaktan ay gagawin mo para sa kanya. Kahit pa paulit-ulit siyang nagkakasala sa iyo ay tinatanggap mo na lamang ang lahat dahil mahal na mahal mo siya.

Sa bawat pagkakamali niya ay paulit ulit mo rin siyang pinapatawad. Pero sa bawat pagpapatawad, ang pasensya mo naman ang nasasagad. Sa matagal na panahon, pakiramdam mo, 'nanadya na siya.' Halos hindi naman siya nagbabago. Pakiramdam mo, wala na siyang paki-alam sa nararamdaman mo. Para sa kanya, sapat na yung umuuwi siya sa iyo. Para sa kanya, dapat magpasalamat ka na lang dun.

pic source: https://www.chobirdokan.com/wp-content/uploads/sad-boy-alone-crying-images-wallpaper.jpg
Hindi mo na alam ngayon kung talaga bang mahal ka pa ba niya? Hindi mo na alam ngayon kung ginagamit ka lamang niya. Hindi mo na alam kung nababaliw ka na ba o nabubulagan. Hindi mo na alam ang nangyayari sa kaloob-looban mo. Magkahalo na kasi ang pangamba, yung pag-asa na magbabago siya, at yung takot na iwan ka niya. Ikaw na lang ang palaging nagpapaubaya. Ikaw na lamang ang palaging umuunawa sa kanya para matapos na lang ang gulo na namamagitan sa inyo na palagi namang siya lang din naman ang nagsisimula. Para sa kanya, ikaw ang palaging mali. Para sa kanya ikaw ang palaging may pagkukulang. Sa hindi mabilang na pagkakataon, ikaw na lamang ang palaging sumusuko kasi hindi naman siya magpapatalo. Basta ang alam mo, ginagawa mo ang lahat ng ito dahil napakahalaga niya para sa iyo.

Malimit ang bigat na pinapasan mo sa iyong kalooban ay sumasabog din. Alam mong kinakailangang marinig ka rin niya para malaman niyang nasasaktan ka na. Sinusubukan mong mangatwiran para kahit paano ay maipagtanggol mo ang iyong sarili... pero mas lalo ka lang nasasaktan. Hindi ka makaganti kasi nagbabanta na naman siyang lalayasan ka na naman niya. Sa isang salita mo pa lang, ang tugon ay pag-ganti. Hindi na naman uuwi ng ilang araw. Magpapalamig ng tensyon kapiling ng iba. Alam mo na hindi ka dapat ginaganito. Pinagtataksilan. Paulit-ulit na sinasaktan. Alam mo na dapat ay minamahal ka niya kasi nagsumpaan kayo na magmamahalan ng tapat. Pero bakit nagkakaganito? Matapos ang napakaraming taon bakit kayo humantong sa ganito? Sa madilim na bahaging ito ng iyong buhay, wala kang mapagsumbungan. Malimit, tinitiis mo na lamang ang lahat. Ang mga pasa. Ang lahat ng mga masasakit na salita. Ang lahat ng mga pasakit niya sa iyo. Lahat ay pang araw-araw na bangungot na iyong kinakayang pasanin.

Sa paglipas ng mahabang panahon, nawala na ang ngiti sa iyong mukha. Lahat ng ligaya ng inyong mga pangako sa isa't-isa ay naging pagluha at hinagpis. Araw at gabi ikaw ay tumatangis. Patuloy na nagdarasal sa Diyos na baguhin ang puso ng minamahal mo.


pic source: https://isorepublic.com/photo/praying-in-church/
Alam mo, naririnig ng Diyos ang lahat ng mga dusa mo. Alam niya ang bigat ng iyong puso. Sa bawat pag-iyak mo ay naroon si God at nakikinig. Kung sumuko ka man ay nariyan pa rin si God para saluhin ka Niya. Kahit paulit-ulit kang mabigo at masaktan ay paulit-ulit ka ring kakanlungin ni God. Kumapit ka lang sa kanya... sa anumang desisyon na gagawin mo ngayon, idasal mo kay God na bigyan ka Niya ng lakas para mas makayanan mo pa ang lahat.

Kung iiwan mo siya... nariyan si God at hindi ka Niya pababayaan. Makakapagsimula kang muli at mabubuo mo unti-unti muli ang iyong sarili. Subalit kung mananatili ka pa rin sa kanya, nariyan pa rin si God... hindi ka Niya iiwan. Dadamayan ka Niya sa mabigat na krus na iyong pinapasan.

Ang bawat pagtitiis, ang bawat paghihirap, at ang bawat pagdurusa natin ay isang malaking alay na maihahandog natin sa Panginoon. Ibigay mo sa kanya ang lahat ng masasakit sa iyong buhay. Ialay mo sa kanya ang lahat ng iyong mga pagdurusa. Idasal mo sa kanya sa oras na ito na hipuin Niya at baguhin ang puso ng taong nakakasakit sa iyo. Idasal mo kay God na turuang magmahal din ang taong iniibig mo. Na turuang magbukas ng puso. Na hilumin ni God ang kanyang sugatang pagkatao. Na turuan siya ni God na mahalin kang muli. Na patawarin ka sa anumang pagkukulang na nagawa mo. Sa bawat laban mo na palaging talo ka at walang lakas na masasandalan... hayaan mong ang Diyos ang maging tagapagtanggol mo.

Sabihin mo sa Diyos, "Panginoon, wala na po akong matakbuhan pang iba... iahon mo naman po ako mula sa lahat ng paghihirap ko. Turuan mo ang aking puso na mas magmahal pa upang patuloy akong magpatawad at umibig ng higit pa."

Thursday, April 4, 2019

Dr. Benedict M. Lazatin, MD



Doc Lazatin  with the St Luke's, QC, Catholic Chaplaincy Servers
Isa si Doc Benedict Lazatin sa mga hinahangaan kong doctor. Paano ba naman, mula nung dumating kami sa pribadong hospital na kung saan kami nagmi-ministry ay siya yung isa sa mga naunang nagmagandang loob sa amin.

Kahit paika-ika dahil sa inabot niyang stroke, hindi siya pumapalya na mag-serve bilang isang Lector. Kapag magbabasa na siya, tatayo siya gamit ang kanyang baston at tutunguhin ang lectern. With conviction ay babasahin niya ang 1st reading. Kapag nagbasa siya ng Salmo, nararamdaman ko na tumatagos sa kanyang puso ang mga mensahe nito. Maraming pagkakataon na dalawang beses o higit pa na siya ay nakakasimba sa buong maghapon. Linggo-linggo ay matiyaga siyang dumadalaw sa iba't-ibang religious congregations na tinutulungan niya. Halos lahat ng tinutulungan niya ay mga naging pasyente niya dahil marami sa kanila ay mga naoperahan niya ng walang bayad. May regular schedule siya sa isang clinic sa Pampanga, para paglingkuran nya ng walang bayad ang mga may sakit niyang kababayan.




Doc Lazatin (right) with Fr Luis, Roman Catholic Chaplain.
Doc Lazatin is wearing his favorite polo given by Nuns.

Napaka-simple niya. Siya yung doctor na walang sariling sasakyan. Nagko-communte lang siya araw-araw. Halos bilang lamang sa aking mga daliri kung ilang piraso kanyang mga polo na isinusuot niya. "Bigay kasi ito ng mga Madre," ito yung kalimitang pagbibida niya sa amin. Tapos may mga nakadikit na maliliit na krusipiho na bigay naman daw ng mga Pari. Sa ilang taon naming pagkakasama sa hospital, ni hindi ko nga siya nakitang naka-doctor's laboratory gown. Pero kapag nagra-rounds siya sa hospital, napapalibutan siya ng mga resident doctors. Masaya niyang ipinapasa sa kanila ang lahat ng kanyang mga kaalaman tungkol sa Cardiology. Lahat ng pagkakataong nagkakasalubong kami sa corridor ng hospital, buong pagpapakumbaba siyang nagmamano sa akin… ako naman e hiyang-hiya kasi hindi pa naman ako pari. Ito yung madalas niyang sinasabi sa akin, "Brother Dennis, kasi ang ibinibigay mo sa pasyente ay si Jesus… samantalang ako, yung konting kaalaman ko lang para guminhawa ang mga pasyente ang naibabahagi ko sa kanila."



Doc Lazatin with his friend, a Taong Grasa (street urchin),
with a Quezon City  Police admiring his humanitarian act. 

Ang sigurado ako kay Doc Lazatin, mas proud siya na sabihin niyang "Mahal ako ng Diyos," kesa ang mga katagang, 'Doctor Ako.' Sa edad nyang 68, mas interesado na siya sa mga paksang may kinalaman sa pag-ibig ng Diyos, sa pagpapatawad, sa pagtulong sa kapwa, at sa pagbibigay ng pag-asa sa mga nangangailangan nito. Maraming nakakaantig ng puso siyang ginagawa. Normal na sa kanya ang magpakain ng mga taong grasa, ang paliguan sila, ang bigyan sila ng konting pera para makabili sila ng kailangan nila. Kapag napansin niyang may sakit sila ay inaabutan niya ng mga gamot. Bihira sa kanila ang nakakakilalang doktor siya, ang alam lang nila, mabuting tao si Doc Lazatin. Yung anak niyang si Luke, andaming kwento ng mga kabutihan ni Doc. Kapag Noche Buena ng Pasko, sa kalagitnaan ng gabi habang sakay lamang sila ng taxi ay inaabutan nila ng mga pagkain ang mga natutulog sa lansangan. Minsan naman ang mga pulis ng Quezon City, nakikita siyang nagpapakain ng isang taong grasa. Nung makita ko ito sa Facebook, talagang naluha ako kasi nabatid kong talaga palang busilak ang puso ni Doc Lazatin. Napaka-bait pala niya talaga. Talaga namang nakaka-inspire kasi isinasabuhay niya ang salita ng Diyos na araw-araw niyang naririnig at isinasapuso.


Renewed person siya. Aminado siya sa kanyang mga naging pagkukulang sa Diyos. Aminado siya sa kanyang mga naging pagkakamali bilang isang asawa ng mga ina ng kanyang mga anak. "Pero alam mo, kahit ganun ang nangyari, nagpapasalamat ako dahil naging mabubuti ang lahat ng mga anak ko," bilang Tatay ng kanyang mga anak, ito yung kanyang ipinagmamalaki. "Kaya ako, kahit may edad na, I'm still working for them kasi meron pa akong mga anak na hindi pa nakaka-graduate sa pag-aaral." Regular silang nagbabonding, kahit paisa-isa, ng kanyang mga anak. Kapag na-heart to heart talk mo siya, ito ang isa sa mga nababanggit niya, "Wala na akong maitatago pa. Ang buhay ko ay isang open book. Mag-search ka lang sa internet makikita mo yung lahat ng mga naging kaso ko (Tax Evation)."


Sa biglaang pagpanaw nya nung March 27, marami ang nabigla. Ayon sa findings, Heart Attack ang ikinamatay niya. Mag-isa siyang inatake sa bahay niya. Ilang araw pa bago ang kanyang kamatayan, kami na kalimitang nakakasama niya sa St. Luke's ay napansin ang panghihina niya. May mga times na nakatingin siya sa malayo. Nung huling kumain kami e masaya lamang niya kaming pinagmamasdan. May isang okasyon din na napatungko siya sa lamesa ng Sacristy at nakatulog na hindi naman niya kalimitang ginagawa. Malamang, sa ilang araw na iyon na huling pagkakataon naming nakasama si Doc Lazatin ay meron na talaga siyang iniindang sakit na nararamdaman pero ipinagpapasa-Diyos na lamang niya. Naalala ko na minsan, nung nag-usap kami, nasabi niya sa aking pagod na siya. Pero, si Doc, kapag nasabi na niya ito, kapag naihinga na niya ito, e tsaka naman babawi siya ng ngiti sabay sabi sa akin, "Anyway, habang buhay pa tayo, gawin natin ang lahat para mapaglingkuran natin ang Diyos." Tapos malulungkot siya, "Pero pakiramdam ko... kulang pa ang lahat ng mga nagawa ko para suklian ang nagawang kabutihan sa akin ng Diyos."  

Sa kanyang pagpanaw, hindi lamang ang mga kasamahan niyang mga doctor ang nagdalamhati. Lalo na ang lahat ng kanyang mga natulungan. Mga matatandang pari at madre na naging pasyente niya. Mga Seminarista na sinuportahan niya. Mga mahihirap na pasyente na pinagaling niya. Mga pamilya ng mga pasyente na natulungan niya. Marami ang nakiramay at naghatid ng kanilang huling pamamaalam. Katulad ng iba, ako rin ay naiyak.





Requiem Mass for Doc Lazatin.

Ngayon, kapag kakain na kami sa labas, lalo na dun sa mga restaurant na palagi naming pinupuntahan, palagi ko siyang maa-alala. Kasi naman, para sa akin, ako ay namatayan ng isang kaibigan na nagbahagi ng kanyang sarili sa akin. Yung concern niya sa akin hanggang ngayon ay ramdam na ramdam ko pa rin. "Sir!" ito yung sinasabi niya sa akin kapag pakiramdam niya ay binabale-wala ko yung reminders niya tungkol sa aking allergy… "Mag-ingat ka sa mga kinakain mo kasi fatal ang allergy… huwag ka nang mag-hipon… heto, mag-manok ka na lang…" 



Requiem Mass for Doc Lazatin.

'Salamat Doc Benny Lazatin. Sa maikling panahon ay andami mong naituro sa akin tungkol sa mga medical terms, tungkol sa mga lagay ng mga pasyente, at tungkol sa iyong naging buhay na punung-puno ng tagumpay, kabiguan, pag-asa, at pananampalataya. Nasaan ka man ngayon, sigurado akong kasama mo na si God. Ngayon, alam kong nakakapagpahinga ka. Mahal ka naming lahat!'


#denmar1978