Monday, January 2, 2012

Bagong Taon


Sa gitna ng dilim at pag-aagaw ng liwanag
Kung kaylan ang dalawang taon ay nagsalimbayan (simultaneous)
Kinupas ng usok ng pulbura ang kalangitan...
Kasabay ng nakabibinging putukan ng labintador
Nang liwanag ng kwitis
Nang sigawan
Nang inaakalang bagong pag-asa




Habang binubusog ang mga mata
Nang mga mapaglarong gumuguhit na liwanag
At pinupuno ng kaligayahang panandali
Ang napapanganyayang basa (lasing na) na damdamin
Kasabay din nito
Ang pagkasunog ng pera
Na maaari sanang maging pamatid uhaw
Sa gutom ng nangangalam na sikmura
Na tahimik na nagmamasid
At parang gutom na asong
Nagbubungkal
Sa basurahan
Kung saan may tira-tira
Kahit mamanis-manis na ulam at panghimagas




May mga palahaw ding maririnig
Mula sa mga sugatan ng sandali
Kung saan ang mga daliri
Ay naluray ng isang biglang pagsabog
Na hindi inaasahan
Nang wala sa panahon
At katulad ng iba...
Lilipas din ang taon
Kasabay ng paghilom
Nang bawat sugat na iiwan ng dating taon
Subalit hindi ang bakas (peklat)
Nang sakit at hapdi
Na tila habambuhay
Na magiging pasakit
At pagdurusa
Sa biktima ng kahapon




Lilipas ang sandali
Nang pagkasira ng kalikasan
Matapos mabingi ang bawat nilalang
At masindak ang sandaigdigan
Luluha (uulan) ang kalangitan
Ng asidong (acid rain) ipinalamon sa kanya
Kasabay ng pagragasa (pagdaluyong)
Ng putik (flash flood) at pinagtabasan (illegal logs)
Upang ipaunawa sa atin
Ang ating kabalintunaan
Na pinili natin
Dahil sa ating pagbubulag-bulagan
Sa mga nagaganap
Na paggahasa
Sa bawat kabundukan
Na may buhay na inagaw




Matatakpan ba ng ingay at liwanag
Ang kasalatan ng bawat pagal na nilikha
Panandaling maaaliw ba sila
Nang liwanag ng huwad na pag-asa?
Mapapatahan ba nito
Ang sanggol na walang laman ang sikmura
Na ang tanging kapayapaan
Ay ang dib-dib ng kanyang ina




Kelan tayo matututo?
Bilang tao
At bilang kapwa buhay sa ibang nilalang?
Pansariling kaligayahan lamang ba natin ang mas mahalaga
Kumpara sa nakahihigit na pangangailangan ng iba?
Ang bawat ngayon lamang ba ang ating pinahahalagahan
Paano naman ang bukas na ipamamana natin sa hinaharap?
Karapatan ba ang maging maligaya
O responsibilidad na dapat ibahagi sa kapwa?




Upang lumaki ang isang halaman
Kinakailangan ng isang kagubatan
At kagaya ng isang mumunting bata
Upang siya ay lumaki
Kinakailangan nya ang komunidad
Bahagi tayo ng isang kalikasan
Nang isang kapwa buhay na maaaaring dumating o mawala
Nasa mga palad natin ang pagbabago
Nasa puso natin ang paghahangad...





Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: