Saturday, June 4, 2011

Batang Pulubi



Kanina, sumakay ako ng jeep
May batang lalaki ang sumampa
Amoy araw, gusgusin at tulo ang sipon
Naglahad ng sobre kung saan nakasulat
"Palimos po ng konting pang-kain."

May mga nagbigay ng mamiso sa kanyang sobre
Marami ang umismid at hindi siya inintindi
Ako naman, kahit paano may pisong iniabot din
Siguro sa pagod sa kalalakad sa init at kasasabit sa jeep
Umupo siya sa tabi ko at napasandig sa akin

Tanong ko, asan ba ang mga magulang mo
Nanduon po sa squatter, na-demolish po kasi kami
Paano ka mag-aaral, muli kong tanong
Hindi na po siguro ngayong taon kasi hindi po ako makakita ng mabuti
Kapatid ko na lang po ang ipinag-iipon ko sabay ngiti sa akin.

Akala ko'y malabo ang kanyang mata, pero umiikot pala ito
Napatingin kami lahat sa kanyang mga mata.
Lagi nga pong sumasakit ang ulo ko kasi lagi akong nahihilo, sabi pa nya
Pero hindi ko bakas sa kanyang mukha ang paghihirap na dinadama.

Hanggang pumara ang jeep, tsaka bumaba siya
Sabi ng katabi ko, kawawa naman ang bata
Sumagot ako ng magalang sa matandang katabi ko
Mas kawawa po pala tayo, kasi siya, nakukuha pa niyang tumawa.

Sabi ko sa sarili ko:
Ang mga bata nga naman
Mga anghel sa ating tabi
Nananatiling masaya
Sa kabila ng pangamba.
Sana katulad nya,
Sa kabila ng pansariling pangangailangan
Mas uunahin pa ang kanyang kapwa
Sapagkat siya
Ay may pusong higit na mapagbigay...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

1 comment:

Anonymous said...

Naway gabayan sya palagi ng ating Panginoon. at salamat sa pag bahagi kung minsan nakakalimot ako na ipagpapasalamat ang mga bagay na meron ako bagkus ay binibilang ang mga bagay na wala sa akin. pinaalala sa akin ng batang iyon na higit akong mapalad. salamat muli naway patuloy syang gabayan ng ating Panginoon