Saturday, December 29, 2012
Dapo (Orchid)
isa lamang ako
sa mga nagtatayugang puno sa kagubatan
sa ilang dekadang nagdaan
ng bawat sandaang taong hindi ko na mabilang
ang mundo ko ay walang kulay
pagkat hindi namumunga o namumulaklak--
pawang luntiang dahon lamang
ng aking naglalakihang mga sanga
ang maiaalay ko
upang maging kanlungan
ng buong sanlibutan
maaaring may himig na laging naririnig
mula sa mga laksang ibong nakikipamugad
sa aking mga nagtatayugang mga sanga
subalit ito ay hindi para sa akin
sapagkat ito ay para sa kapwa nila
at sa mahabang panahon
na ako ay naging saksi
ng pag-iibigan ng bawat pipit (bird)
naramdaman ko kung paano umibig
kahit na ito ay sa pagtingin
hanggang sa ikaw ay dumating
sa panahong hindi ko inaasahan
ikaw ang talulot (petal) ng masamyong (mabango) bulaklak
na dinala sa akin ng malayang hangin
kumanlong ka sa aking bisig
gaya ng mga nauna na nasaksihan kong lumisan
subalit nakapag-tataka
noong panahon ng taglagas
hindi mo ako iniwan
nanatili ka hanggang sa mag-talamig
binalot mo ako ng iyong yakap
sa karikitan (cuteness) mo
ikaw ang naging kumot ko
sa pag-iisa ko
ikaw ang naging langit ko
sa unang pagkakataon
umiyak ako
nang makita kita isang umaga
na nalalagasan ng mga dahon
tila wala ka nang buhay
naghihingalo at wala ng lakas
at sa pagkalanta mo
nakiusap ako sa hamog na ikaw ay diligan
at buong pusong ako ay nagdasal
na ikaw ay sana mabuhay
lumipas muli ang panahon
tagsibol ay muling sumapit
muli kong narinig ang mga huni ng mga pipit
na ngayon ay isa-isang nang bumabalik sa aking piling
subalit ikaw ay nanatiling walang imik
natutulog pa rin habang nakahimlay
na gaya ng isang sanggol sa aking bisig
at payapang nakikinig sa aking pintig
kaligayahan ko nang ikaw ay aking masilayan
mula sa iyong pagkakahimbing ikaw ay nagising
mula sa iyong pakikipaglaban sa buhay at kamatayan
narinig mo ang aking mga pagsamo at mga panalangin
dahil sa aking pag-ibig ikaw ay bumalik
upang ako ay kapwa mo ibigin
at bilang pasasalamat inalayan mo ako ng mga bulaklak
na nagbigay kulay sa aking mundong mapanglaw.
DenMar