Monday, December 24, 2012
Metanoia
May mga pagkakataon
Na kapag ako ay nagigising
Sobrang lungkot ko
Kasi may mga panaginip
Na hindi ko inaaasahan
Ipinamumukha sa akin
Ang lahat ng aking mga tinatakasan
Malinaw kong naririnig
Ang mga boses na kilalang-kilala ko
Malinaw kong naaaninag
Ang lahat ng mga yugto
Nang aking inaasam
Nang aking kinakalimutan
Nang aking nais balikan
Panaginip lang ito
Pero bakit parang totoo?
Bakit nararamdaman ko
Ang naglalagablab na impyerno?
Tsaka ako tumakbo
Nang marinig ko ang mga asong gubat
Na may mga nagbabagang mga mata
Pero hindi ako makaalis sa aking kinatatayuan
Hanggang sa mahulog ako ng maubos ko ang lupa
At tuluyang lamunin ako
Nang sinapupunan ng kadiliman
Gusto kong sumigaw
Dahil sa pagkatakot at sindak
Pero walang boses na pumapalahaw
Sa aking tinig na naumid (muted)
Magdadasal ako
Nang panalanging tinalikdan ko na
Tsaka magigising ako
Habol hininga
Pawisang pawisan
Umiiyak
Mula sa bangungot
Nang aking pagtakas sa Dyos
Ganito pala yung tinatawag ng konsensya (conscience)
Kung saan nangungusap ang Dyos
Maaaring pagkatapos ng hilakbot
Nang bangungot na sa akin ay tumakot
Magrarason (reason out) na naman ako
Na hindi maaaring mangyari
Ang lahat ng ito
Kapag binabalikan ko ito
Pilit kong inuunawa ito
Maaaring ang tinatakasan ko
Ay ang aking maka-Diyos na sarili
Kung saan sa panahon kung nasaan ako
Pinalitan ko siya ng yaman at katanyagan
Nang mundo na walang kasiyahan
Dahil lagi itong gutom at laging uhaw
Ngayon nagtatanong ako
Ito na ba ang panahon ng pagbabago?
Maaaring ito ang pamamaraan ng Diyos
Upang bumalik ako sa piling Nya
Maaaring sa bawat isa
Kumakatok ang Diyos sa ating lahat
Sa iba't-ibang sitwasyon at pamamaraan
Kung saan at kailan natin Siya mauunawaan at masusumpungan