Sunday, August 21, 2011

Ina sa Anak




Mula ng ako'y maging isang nanay
Marami akong isinakripisyo
Isinuko ko ang aking propesyon
Upang mapaghandaan ko ang aking pagbubuntis
Sa siyam na buwan ng aking pagdadalangtao
Buong ingat at pagmamahal
Na kinanlong ko ang sanggol sa aking sinapupunan
At buong kasabikan ko siyang hinintay
Hanggang sa araw ng kanyang pagdating.

Isa sa pinakamasakit sa bahagi ng pagiging ina
Ay ang pagsilang ng kanyang anak sa daigdig
Malimit hindi ito isang beses
Kundi paulit-ulit na panganganak
Subalit gaya ng maraming ina
Nalilimutan namin ang yugto ng sakit
Ang hirap sa bingit ng kamatayan ay dagling napapawi
Nung sandaling masilayan ko ang pinakamamahal kong anak.

Ibinulong ko sa kanya:
Anak, hindi kita iiwan kaylan man
Mananatili ako sa iyong tabi
Dahil mahal na mahal kita...


Lumipas ang panahon
Unti-unti kang lumalayo
Dati, masugatan ka lang
Pangalan ko na agad ang iyong sinasambit
Wala naman akong ibang gagawin
Kundi ang halikan ko lang iyong sugat
Pagkatapos noon, saka ka tatahan
At sa kahihikbi mo'y mahihimbing ka sa aking dibdib.

Hanggang sa naabot mo ang iyong mga pangarap
Hanggang sa bumuo ka rin ng sarili mong pamilya
Subalit wala kang nababanggit tungkol sa amin ng iyong ama
Ang lagi kong naririnig mula pagkabata mo pa lamang
Ay ang mga katagang "ako, ako, ako"
Na lagi mong iniiwasan kapag nagtatanong ako ng bakit
Hanggang sa tuluyan mo akong iwan.

Nung namatay ang iyong ama
Hindi ka agad umuwi
Nung nailibing na lang siya tsaka ka tumawag:
Sorry, lagi kasing busy
Masakit man ay tinanggap ko
Inisip ko kasi anak kita.

Sa talang buhay ko
Isang beses pa lamang akong humiling sa iyo ng para sa akin lamang:
Anak, may sakit ako, dalawin mo naman ako
At matapos ang matagal na paghihintay
Dumating ka, ang unang hinanap mo ay ang mga dokumento ng ating ari-arian
Dahil kinakailangan mo, ibinigay ko
At ang isinukli mo,
Itinambak mo ako sa home for the aged

Ganito siguro ang pagiging nanay
Puno ng pasakit at pagtitiis
Ibigay mo man ang lahat sa iyong anak
Sa bandang huli...
Laging may kulang at kulang pa rin para sa kanila.

Sa bahay ampunan...
Lagi akong nananabik sa iyong pagdating
Lagi akong umaasa na susunduin mo ako isang araw
Kung saan magagawa kong hawakan ang iyong kamay
At mayakap ka ng natitira ko pang lakas.

Malungkot ang mag-isa
Subalit higit na nakakadurog ng puso
Ang katotohanang pinabayaan ka ng iyong pinakamamahal sa lahat
Masahol pa sa ilang ulit na panganganak
Ang sugat na humihiwa sa aking puso at kaluluwa...

Ngayon... binibilang ko na lamang ang aking mga huling araw
Sa pagiging ulilyanin ko
Pangalan mo na lamang ang lagi kong naaalala
Na nagpapasaya at nagbibigay pag-asa sa aking masidhing pangungulila
Sa tuwing binabalikan ko ng paulit-ulit
Sa aking umaandap-andap na gunita
Noong panahong bata ka pa lamang
At marunong pang magmahal.

Anak, kahit mahirap,
Lagi pa rin kitang hinihintay
Hindi ako sumusuko, sa paniniwalang ikaw ay darating
Lagi akong umaasa na muli tayong magkikita
Upang sa huling pagkakataon
Bago ko tuluyang maipikit ang aking mga mata
Ay maibulong ko sa iyo
Ang mga katagang nais kong sabihin mo rin sa mga anak mo:
Anak, hindi kita iiwan kaylan man
Mananatili ako sa iyong tabi
Dahil mahal na mahal kita...





Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: