Monday, June 1, 2015

Summer

Tapos na ang summer
Magiging isang matamis na ala-ala na lamang
...ang napakatinding 'heat wave'
...yung mainit at maalinsangang panahon
...yung masasayang ala-ala natin
habang gumagala tayo kung kailan mag-gabi
dahil umiiwas tayo sa tindi ng sikat ng araw na mainit

Kung kelan naman tag-init
Nagiging masidhi rin ang aking damdamin
Madantay lamang ang iyong mapaglarong kamay sa aking kamay
Nararamdaman ko na agad
Ang lumuluksong tuwa
Mula sa aking naaaliw na puso

Pero tumatahimik lamang ako
Umiiwas ng paulit-ulit
At sa pananahimik ko lalo kang nahihiwagaan
Kung saan ang katahimikan ko ay tila nagiging makahulugan para sa iyo
Kung kaya ilang ulit mong pinipilit na masipat ang aking umiiwas na paningin
At makailang ulit na tinangkang ako ay bihagin ng iyong nagbabagang damdamin
Subalit pinili kong manahimik
dahil natakot akong mahayag sa iyo ang aking lihim na pag-tingin

Paulit-ulit na pagtatanggka
Hanggang isang gabi niyakap mo ako
At ako man,
Hindi na rin nakapagpigil ng aking damdamin
Gumanti ako ng yakap
Subalit kapwa tayo natigilan...

Dahil bumuhos bigla ang ulan
Kung saan ang ating nag-aapoy na pakiramdam
Ay dagling napawi ng pagluha ng kalangitan
Bigla tayong natahimik...
Dahan-dahang humulagpos ang ating mga yakap
Nagkalayo
Napaupo
At natawa sa ating sarili...

Tapos na ang tag-araw
Simula na ng tag-ulan
Wala na ang nagbabaga nating pakiramdam
Bukas makalawa, luluwas na muli ako upang mag-aral
Bukas makalawa... hindi na tayo muling magkikita

Paalam...
Sana kung totoo man itong ating nararamdaman
Makapaghintay pa sana ito
Hanggang sa susunod na tag-araw
Kung kailan handa ko nang sabihin
Na "mahal na mahal din kita." den mar














No comments: