Saturday, January 20, 2018

Habag at Awa ang Itinitibok ng Puso ng mga Anak ng Diyos

Parang yung kwento ng aming pamilya ay yung kwento din nung babae na palaging kumakatok at nanlilimos sa bawat bahay-bahay sa aming subdivision para sa kanyang anak na may EPILEPSY. Sa kakapabalik-balik niya ay hindi maiaalis na pinaghihinalaan na siya at malimit ay pinagsasalitaan na rin siya ng mga nilalapitan niya. Marami sa kanyang mga nilalapitan ay itinataboy na lamang siya, "Diba natulungan na po namin kayo dati?... Sa iba na lamang kayo humingi ng tulong."

Kaya lang, kagaya ng sakit ng ate ko, ang sakit nung anak niya ay hindi naman talaga gumagaling. Yung pera na nalilimos niya ay pambili lamang ng gamot upang hindi atakihin ng pangingisay ang kanyang anak. Ang gamot na ito, hindi man talaga nakakapagpagaling ay nakakapagpaginhawa pa rin naman ng pakiramdam ng kanyang anak kahit sa buong maghapon lamang. Kaya kada linggo, kapag naubos na ang ilang pirasong gamot na napaglimusan niya ay pare-pareho ang daing ng kahabag-bahag na babaeng ito sa halos pare-parehong tao na nilalapitan niya. Wala siyang ibang magawang paraan upang magkaroon ng extra-income dahil ang ikinabubuhay lamang niya ay ang mangalahig ng basura sa tambakan ng Payatas. Gusto man niyang mangatulong ay hindi naman niya maiwan-iwan ang kanyang anak na maysakit. Kahit naman sino ay uunahin muna ang pagkain kapag kumita ng kahit konti… pero sa inang ito, kahit hindi na siya kumain, makainom lamang ng gamot ang kanyang anak ay nagiging masaya na siya. Sa ilang buwan na umabot na sa taon ng pagpabalik-balik niya sa aming pintuan ay nakita kong bumagsak na ang katawan ng inang ito. Sa kabila ng matinding gutom na nararanasan niya ay nananatiling ito ang kanyang kabusugan: ang katiwasayan ng kanyang sakiting anak.

Para sa iba, nakakasawa yung pagpapabalik-balik niya. Nangingimi siyang magsalita kasi alam niya na hindi naman dapat niya inaabala ang iba. Hiyang-hiya na siya na manglimos sa ibang tao kaya lang ay wala siyang magawa... nagdurusa ang anak niya… sumasakit ang ulo at maya’t-maya ay nangingisay. Pagod man sa pangangalahig ng basura mula sa dumpsite ay maglalakad siya ng malayo habang kalong-kalong niya ang kanyang anak kasi wala namang mapag-iwanan sa kanilang maliit na barung-barong doon sa tambakan. Pero para sa isang magulang na wala nang matakbuhan ay titiisin na lamang niya ang lahat ng masasakit na salita dahil lahat ay gagawin niya para sa anak niyang nagdurusa-- magbabakasakali pa rin siya... bubuklatin niya ang reseta mula sa doktor ng health center na malapit sa kanila at maluha-luhang ipapakita niya ito. sa sinumang naglaan ng oras para malaman ang pakay niya. Pero hindi lahat ay generous... mas marami ang nagpapaalis sa kanya. Sa mga salitang masasakit at rejection na naririnig niya ay tumatahimik na lamang siya. Sinasarili na lamang niya ang kirot sa kanyang puso dahil ang mas mahalaga ay kahit paano ay ang mairaos niya ang pangangailangan ng kanyang anak... kahit man lamang sa araw na iyon... kahit isang gamot man lamang sana ang maidelehensiya niya. Bukas at sa mga susunod pang mga araw ay ito na naman ang babakahin ng mag-inang ito.

Paulit-ulit na pagbabakasakali na tila walang katapusan at walang paroroonan. Para sa maraming tao... nakakasawa ito. Pero sa isang ina na katulad niya... hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil naniniwala pa rin siya na kahit paano ay gagaling ang kanyang anak at nananalig pa rin siya na sa kabila ng napakaraming tumangging tumulong... sa kabila ng napakaraming beses na pinagbagsakan siya ng pinto... umaasa pa rin siya na may isa sa mga pinaglilimusan niya ang maaawa at mahahabag sa kanya. Dinadasal niya na hipuin ng Diyos sa oras iyon ang puso ng sinumang may busilak na kalooban. Hindi siya napapagod umasa sa Diyos dahil umaasa siya para sa kanyang mahal sa buhay.

Ang mag-inang ito at ang iba pang kagaya nila na walang sinabi sa buhay ay ang mga totoong bata sa harap ng ating Panginoon… mga mahihina at maysakit, mga dukha at marami sa kanila ay biktima ng kaapihan. Kagaya ng mga bata ay naghahanap sila ng kanlungang kakalinga sa kanila... ng tagapag-tanggol, ng tagapakinig at ng mga taong dadamay sa kanila. Katulad ng mga bata, hindi nila kaya ang mag-isa. Tanging ang mga taong may busilak na puso na gaya ng sa mga bata ang makaka-recognized sa kanila.

Kapag tinikis at pinagdamutan natin sila… ang tinatanggihan natin ay ang “Banal na Espiritu ng Pag-asa” na naghatid sa kanila patungo sa ating pintuan. Alam ng Banal na Espiritu na kaya nating magbigay o tumulong kahit paano dahil unang-una sa lahat, ang lahat ng biyayang mayroon tayo ay sa Diyos din nagmula.

Hindi man ganap na maunawaan ng kahabag-habag na inang ito ang pagsadya niya sa atin, marahil nilalakasan na lamang niya ang kanyang nanghihinang kalooban ng panalangin niya sa Diyos, “Panginoon, sana ay hipuin Ninyo ang kanilang puso at gawin Ninyong katulad ng sa Inyo na mapagbigay din. Kayo na po ang bahalang gumanti sa kanilang kabutihan.” Kahit walang katiyakan, lubos na umaasa siya na sa pamamagitan natin ay makadarama ng kahit konting kaginhawaan ang kanyang anak. Subalit hindi ito mangyayari kapag pinagdamutan natin at ipinagtabuyan natin sila.

“Childlike” iyong puso kapag madali kang mahabag at maawa. Kapag “childlike” ka, sensitive tayo sa pangangailangan ng mga taong lumalapit sa atin. Kasi ganun ang Diyos, bago pa man tayo humingi ay alam na Niya ang kailangan natin.

Mahirap magbigay kapag takot tayong mawalan. Mahirap umasa kapag takot tayong masaktan. Yung pagiging “childlike” ay yung buong-buo ang ating pagtitiwala sa Diyos. “Childlike” yung kapag nagbigay tayo sa ating kapwa ay alam nating hindi tayo iiwan ng Diyos kahit pa na magdusa tayo dahil sa pagtulong natin sa iba. Kapag kasama mo ang Diyos ay hindi ka naman talaga nawawalan kasi ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng mga biyaya sa ating buhay.

Ano nga ba ang biyaya kapag tumulong tayo sa nangangailangan nating kapwa na may sakit at iniindang karamdaman? Sa pamamagitan nila, si Hesus mismo na maawain at mahabagin ang napaglingkuran natin.


No comments: