Wednesday, February 13, 2013

Pebrero 14


ang pinakamasarap marinig ay ang salitang "Mahal Kita"
subalit mas masakit pala ay kung hindi mo pala ito nararamdaman
pilit mang ikubli ng aking mga mata ang katotohanan
hindi naman maitago ng aking puso ang mapait na katotohanan

marahil... may iba ka na ngang mahal...
kaya hindi ka na sumipot sa ating huling usapan
kakain pa naman sana tayong magkasabay sa karenderya
ng goto at iinom ng malamig na softdrink na pareho nating naiibigan

ayan umulan na...
sumabay pa sa pagtulo ng aking luha at sipon ang nakasimangot na panahon
tila nakikidalamhati sa akin habang binabasa ko ng paulit-ulit
ang text mo na ang sabi mo pa na 'ikaw ay darating' last year
nagbakasakali ako ngayong taon baka kasi nagbago na ang pasya mo...
baka sumipot ka na kasi ngayon...

matatapos na ang araw ng mga puso...
ni 'ha', ni 'ho' ay wala pa rin
heto ako: nag-go-goto mag-isa
nagso-softdrinks ng dahan-dahan umaasa na darating ka
at taktak ng taktak nitong nakaka-asar na paminta
habang nakatingin ang aking mga mata sa mga taong nagdaraan
barado... ayaw lumabas itong paminta
UMMM! panira ka ng moment!

Toink! tumalsik yung takip...
gumulong-gulong sa sahig...
nakaka-inis na talaga...
napuno tuloy ng paminta yung goto ko
tumutulo na nga ang luha ko
eto't naghahabol pa ako sa takip na tumalsik

Sige habol sa takip...gulong, gulong, gulong...
singhot-singhot...emote-emote
bad-trip mabibitin pa ata ang pag-re-reminisce ko
"Kuyang panot? umiiyak ka ba?" sabay abot sa akin nung tissue. concern?
Nadakma ko din yung takip sabi ko 'Um! huli ka balbon!'
sabi ko sa takip, 'pahamak ka talaga!' at dagli-dagli akong tumayo.

BOG! nauntog yung ulo ko sa ilalim ng kanyang mesa
"naku sorry." nangalahati yung goto niya... nagka-sabog-sabog
tumumba yung softdrinks nya... natapon...sandaling bumula at naubos ang laman
balik ako sa sakit ng ulo ko
nakakita talaga ako ng 'estrelya' (stars)
pero sabi ko kunyari, "a...okay lang ako."
natawa yung girl... walang ngipin.
"okay ka lang? sure ka?" tumawag siya ng serbedora para paki-punasan ang lamesa nya
sabi ko sa sarili ko, 'cute siya a...' natulala ako sa kanya
"masakit ba? umiiyak ka nga ba?" urirat niya.
"Hindi..." singhot, "yung paminta kasi..." sabi ko sa kanya
sabay pahid ng luha ko...

"O eto may patis at meron ding sili" inabot nya sa akin
"Sa kabilang table ako, dun o..." sabay turo...
tumingin siya..."ang layo naman ng narating mo..." sabi nya
"kasi naman itong takip ng..." napangiti na lang ako... napangiti din siya.

May nagtext sa celfon nya...
Message: 'Hindi ako makakarating...' nalungkot siya
sabi ko, "wala ka ring ka-date?"
Tumango lang siya...
"Lagi namang ganito
Puro pangako..."
sabay buntong hininga siya.

Kinuha ko yung bowl ng goto ko at yung softdrinks ko
Lumipat ako sa table nya
"Puro paminta naman yan..." sabi nya...
"penge nga..." walang kiyeme...sabay lagay sa goto nya
"nakakainis kasi itong kausap ko." nagtatampo
sweet siya magsalita... pero sabay sandok din sa goto ko...sandok, sandok, sandok.
kaya lang mukhang nang-aasar itong gumagaralgal na electric fan
natiyempong umihip at sumabog sa mukha nya ang paminta
napaubo tuloy siya... UBO!... UBO, UBO, UBO...pa-demure... ubo...ubo...ubo
nakatingin lang ako sa kanya habang sumisipsip ng softdrinks... napapangiti
napatingin siya sa akin
namumula ang pisngi niya...
teka... lumuluwa na ang mata...
nabubulunan ata?

kinuha nya yung softdrinks ko
...ininom... lagok, lagok, lagok
"haaayyyy...."
natawa kaming dalawa
"yung paminta..." sabi nya
"oo... yung paminta..." tango ko...
HATSING! sabay pa kaming dalawa bumahing
grabe... wagas na wagas.
talsik pati ang laway at sipon...
napangiti kami, sabay pahid ng tissue.
"sorry." sabay kami.
"knock on wood!" nagkasabay uli kami.
sabay katok sa lamesa... sabay pa rin.
"sorry talaga." talagang sabay na sabay.
tawanan... hahahahaha!
at iyon ang simula ng mahaba-haba naming kwentuhan...
na lagi naming binabalikan limang taon na ang nakararaan...


ito yung kwento nung nakatabi ko na mag-asawa kanina doon sa gotohang nakainan ko. advance valentine's day celebration daw nila. si boy ay panot... si girl naman e bungal... comedy nga talaga silang dalawa. naglolokohan sila: 'buti e hindi ka sinipot ng boyfriend mo.' sabi ni boy sa girl. 'e kesa naman sa iyo... hoping ka pa rin sa ex-girlfriend mo.' tawanan silang dalawa... ganun daw talaga sila magreminisce laging may asaran... para daw silang laging nagliligawan at ngayon nga e may dalawang anak na sila... karay-karay pa rin nila sa gotohan na napupusuang kainan nila. Napatawa nila ako kaninang hapon. 



Happy Valentine's Day!




Den Mar
















1 comment:

vince30 said...

hahahahaha, ansaya pati aq napatawa sa kwentong ito.mamimiss ko ang blog o,hehehe pag uwi m alam ko marame k blogssssssss.bukod sa pagkakauntog m.lol.Happy valentines day :)