Sunday, February 10, 2013
Rebelde: Mula sa Ama
ang puso mong naghihimagsik
ay nagpupuyos dahil sa galit
mula sa kaapihang tiniis
na ngayon ay iyong sinisingil
lumaki ka na nga aking anak
naging hutok ka na at malakas
subalit pinalaki ka lamang ng armas
at nang iyong malagim na pinanghahawakan
nais mo ngayon ay ang dugo
bilang kabayaran sa iyong pangako
at bumalik ka ngayon bilang berdugo
na walang habas at walang puso
nasaan na ang batang inalagaan ko?
na umiiyak ng pahikbi sa bisig ko
na ang simpleng kaligayahan ay ang makapaglaro
sa piling ng mga kaibigan sa malaya niyang mundo
nilisan mo na ngang ganap ang iyong kabataan
mula ng tumakas ka sa sinapit nating karahasan
habang umiiyak kang palayo sa aking malamig na bangkay
sumumpa kang babalik para sa aking katarungan
anak... hindi ako matahimik sa kabilang buhay
bakit pinili mong maging isang anghel ng kamatayan?
alam kong nakakapagod na ang walang humpay na pakikipaglaban
maari bang huminto ka muna at ramdamin mo ang kapayapaan
wala sa ating mga kamay ang buhay ng ating kapwa
ang katarungang hinahanap mo ay nasa Dakilang Lumikha lamang
nung ako ay pumanaw at wala kang nagawa
iyon ay ang pagsasakripisyo ko upang magkaroon ka ng bagong buhay
hindi mo napansin na lumipas na ang panahon
nagawa mo na ang lahat at tapos na ang misyon mo
subalit heto ka pa rin: uhaw-na-uhaw sa sariwang dugo
na para sa iyo ay naging mahalimuyak na samyo (scent)
at ngayon... sa huling sandali ng iyong agaw-buhay na hininga
habang nakahandusay ka at walang laban dahil naubusan ka na ng bala
sinusundo na kita upang isuko mo na ang iyong laban
dahil alam kong pagod ka na... dahil alam kong nais mo nang mamahinga
magpatawad ka na aking anak dahil ito na ang hangganan ng buhay
isuko mo na lahat ng iyong mga mapait na ipinaglalaban
ipikit mo na ang iyong mga mata... mamaalam ka na sa digmaan
hayaan mong kalungin kitang muli gaya ng ikaw ay bata pa.
Den Mar
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment