Tuesday, July 5, 2011

Punebre


Pauna: Hindi ko po isinulat ang 'Punebre' upang gayahin, kundi upang ipaunawa ang kanilang maaaring saloobin na hindi natin nabibigyang pansin. Ito ay pawang simbolismo lamang. Ang mensahe ko po ay pahalagahan natin ang bawat isa.

Sa Punebre, inaanyayahan ko  po kayo na pasukin ang madilim na mundo ng isang tao na nais nang mag-suicide.






Dismayado na ako sa maraming bagay
Nabubugnot na ako sa likaw-likaw (winding) na galaw ng buhay
Nababagot sa ako paulit-ulit na ritmo ng pagpuna sa aking pagkakamali
Na ang dulo ay pawang pagkabigo
At pagdurusa ng aking pagkatao.

Parang mailap ang tadhana
Pakiramdam ko, ako na ata ang pinakamalas na nilalang
Wala na ngang nagmamahal
Wala pa ring nagmamalasakit
At laging nagdarahop sa kahirapan ng buhay
Kaya tuwing dapit-hapong lumulubog ang araw
Lagi na lamang akong napapabuntong hininga
Napapailing habang sapo ang aking noo
Habang mag-isang tumatagay at naglalaro ng usok ng sigarilyo
Dahil pakiramdam ko'y pinagbagsakan na ako ng langit at lupa.

Gusto kong sumigaw ulit pero hindi ko na magawa
O kahit na humagulgol pa ng iyak
Subalit hindi ko na kayang gawin
Dahil wala na akong huhugutin pa
Mula kaibuturan ng aking pagkatao
Nasaid na ang mga luha sa aking mga mata
Naluoy na ang tanging pag-asang pinanghahawakan ko...

Kung bakit naman kasi
Wala man lamang ni-isang dumadamay
Lahat kayo ay nabababawan sa akin
Hindi ninyo ako maintindihan
Kaya lagi ninyong sinasabi na ako ay 'tanga'
Walang magawang matino, bagkus puro kapalpakan
Tanggap ko namang mahina ako kumpara sa inyo
Kung kaya mahirap para sa akin na magpanggap at magmagaling
Upang makasabay kahit paano sa mapanghamak ninyong mundo.

Kahit ilang ulit kong subuking umibig
Ako ay laging nananatiling bigo
Kahit sa maliliit na bagay ay lagi akong sumasablay
Sa lahat ng bagay na nais kong gawin
Ay lagi kayong may napupuna sa akin
Wala nang nasisiyahan kahit sa anino ko man lang
Lagi na lang akong tampulan ng tukso
Laging dahilan ng tawanan ang pagkatao ko
Na naggahahangad rin sana ng pagrespeto mula sa inyo.

Sayang kung nakita nyo man lang sana
Ang lahat ng aking pagsusumikap upang abutin kayo
Kung naramdaman nyo man lang sana
Ang pagmamahal ko para sa inyo
Sana nakita nyo rin sana ang langit sa aking mundo
Kahit man lang sana sa maliliit na bagay lamang
Na kaya kong gawin ng tama
Pero hindi ninyo ito pinahalagahan
Sa halip, inalipusta at ibinasura
Kasama ng pagdurog sa aking nasugatang puso't kaluluwa.

Nais ko laging sabihin na mahal ko kayo
Bilang aking kaibigan at bilang aking kapatid
Na ang tanging pangarap ko sa mundo kong kinakahon ninyo
Ay ang makita man lamang ninyo ako
Kahit na ako'y dinadaan-daanan ninyo lamang
Subalit mas pinili ninyong magbulag-bulagan
At ipamukha sa akin ng harapan na wala akong halaga.

Dahil wala na sa aking nagmamahal
Dahil wala na rin akong kakampi
Dahil iniwan na ninyo ako sa ere
Siguro... pupunta na lamang ako kay 'God'
Tutal Siya lang din naman ang nakakaintindi sa akin
Siya lang din naman ang ramdam kong nagmamalasakit
Siguro kung gawin ko man ito (ang pagsu-suicide)
Maaawa pa rin siya sa akin.

Sa isang katulad kong walang umiibig
Kung saan buong buhay ko'y
Ang nakapiling ko lamang: walang iba kundi ang hinagpis
Sapat nang wakasan ko ng tuluyan ang kalupitan ng mundo
Upang magkaroon ng kapayapaan ang sugatan kong pagkatao.

Suko na po ako, Lord...
Hindi ko na po kakayanin pa...
Hirap-hirap na po ako
Sa mundong ginagalawan ko
Nakakasawa na ang mangulila
Nakakasawa na ang umasa...

Sana hindi na lang ako isinilang
Upang hindi ko na kitilin ang sarili kong buhay
Doon sa patutunghan ko
Lilimutin ko ang pait
Papapalayain ko ang sakit
Sasabihin ko sa Dyos
Na buuin Niyang muli
Ang nagkabasag-basag
Na aking nawalang pagka-sarili
... sana maunawaan Niya ako
... sana mapatawad Niya ako.

Kahit na ako'y mapalayo pa sa inyong piling
Na hindi nagtapon kaylan man sa akin ng ga-butil na pag-ibig
Umaasa ako na doon sa tahanan ng Dyos Ama...
Doon sa kapayapaan Nya ay aking ihihimlay
Ang aking bigo at pagod na kaluluwa.




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS