Sunday, June 26, 2011

Paglisan




Sa buhay na ito
Wala tayong gustong masaktan

Kaya lang...
Ang nangyayari
Sa bawat pagtitiis natin
Tayo naman ang nasasakatan.

Malimit...
Humahantong sa wakas ang maraming bagay
Nakakasawa na rin kasing magtiis
Hindi lang dahil baka nawawala na ang ating pagkasarili
Kundi baka ang bagay na nais natin ay hindi para sa atin.

Kailangan palang palayain ang maraming bagay
Lalo na iyong mga bagay-bagay na hindi sa atin nagpapahalaga
Silang mga hindi rin sa atin nagmamalasakit
Ewan ko ba,
Kung bakit ba natin sila pinag-aaksayahan pa ng oras
O sabihin na lang natin,
Kung bakit pa ba naman natin sila binibigyan pa ng marami pang pagkakataon?

Kung bakit sa marami nilang pagkakamali
Sa paulit-ulit na pagsugat nila sa ating pagtitiwala
Sa paulit-ulit nilang pagbali ng kanilang mga pangako
Sa paulit-ulit nilang pananakit sa ating pagod na pagod na kaluluwa
At pambubugbog sarado sa ating martir na katawan
Tila hindi tayo nadadala...
Paulit-ulit din tayong nagpapatawad
Paulit-ulit nating kinakalimutan ang nakaraan
Kahit ang bakas ng pasa at sugat
Ay naghuhumiyaw mula sa kaibuturan ng ating pagkatao
Ang simpleng sagot
Dahil minahal talaga natin sila
Minahal ng higit pa sa ating sariling buhay.

Paglaon ng mahabang panahon
Matapos ang mahabang pisi ng pagpapasensya
Maiisip natin...
Kung bakit kailangang pag-aksayahan ng pagmamahal
Ang taong hindi naman sa atin nagmamahal
Samantalang maraming iba dyan na uhaw na uhaw
At sabik na sabik
Sa ating mailap na pag-ibig.

Siguro, isang bagay lang
Kung maisip man natin silang iwan
Sila rin ang nagturo sa atin
Upang tayo ay mag-isip ng ganito:
Tapos na ang panahon para sa kanila
Kailangan harapin naman natin ang ating sarili
Kailangang bigyan naman natin ngayon ng pagkakataon
Ang ating nahintong buhay dahil sa kanila
Na muling matikman ang kaligayahan
Na ipinagkait nila
Matapos ang matagal na pagpapaka-martir
Matapos ang matagal na pagbubulag-bulagan
Matapos ang matagal na pagbingi-bingihan
Matapos ang matagal na pagtitiis at pag-papakamanhid
Panahon na upang hanguin ang ating sarili
Mula sa impiyernong pinagsadlakan nila sa atin
Matapos ang mga pangako nilang hindi natupad na bumighani sa atin
Na nauwi sa pagkaalipin at paghamak sa ating buhay na nagpakasakit.

Ito rin naman ang hinahanap nila
Ang mag-isa at mabuhay ng wala tayo
Dahil kung nais nila tayo
Pahahalagahan sana nila tayo
Hindi lang ngayon dahil tayo ay lilisan na
Kundi noon pa man nuong kailangan natin sila.

Ang pinakamaliit na detalye sa ating buhay,
Corny man sa pandinig
O kahit hindi man nila matandaan,
Ay sana, kaya man lamang nilang i-respeto.

Isang araw magigising tayo mula sa bangungot ng kahapon
Mula sa pagiging biktima ng sakit kalooban na dulot nila
Sasabihin nating naka-move-on na tayo
Kaya lang nung nag-move-on tayo
Hindi na sila kasama
Dahil sa pagkakataong ito,
Mas nais na natin ang maging malaya.


===
Epilogue:

Pagpapatawad

Sa bandang huli...
Pagpapatawad ang patutunguhan ng lahat ng galit
Kung saan sisibol muli ang pagmamahal
Na magpapalaya sa atin
Sa ating pagkaalipin sa ating mga hinanakit

May mga landas mang matinik sa ating buhay
Na nakakatakot balikan
Dahil nagdulot ito ng masidhing trauma at pagkabahala
Kung saan ang mga bakas ng bawat yapak
Ay ipinangako natin sa ating sariling kaylan man ay hindi na babalikan

Subalit may mga pangako ring kailangang tuparin
Mga pangako ng pagmamahal na sa kalaunan ay kumupas at nawalan nang kahulugan
Kung saan sa pagkakataong hinihingi ng panahon
Kung kailan kumatok muli sa ating naghilom na pagkatao
At lumayang kaluluwa
Ang pananariwa ng nakaraang ating iniiwasan

Pilit man nating ikubli
May mga pagkakataong muling tumitibok ang ating pusong nasugatan
Sinasabi na sa pagkakataong ito
Handa na akong muling umibig
At magmahal ng higit sa kaya kong gawin
Dahil sa pagkakataong ito
Mas mapagpatawad na ako
Kaya ko nang makita ang kagandahan sa aking iniibig
Dahil kaya ko nang panghawakan
Nang lubos ang aking sarili

Kaya ko nang sabihin ito:
Mahal kita
Sa kabila
Nang mga pasakit
Mo sa akin

Kaya kong baguhin ang sarili ko
Alang-alang sa iyo
Hindi ako martir
At lalong hindi ako santo

Nagkataon lang
Na ikaw ang inibig ko
Sa mga kahinaan mo
Aalalay ako
Sa mga kahinaan mo
Uunawa ako
Hihintayin kitang magbago
Sasabay ako sa bawat hakbang mo
At kung ikaw ay mahulog muli at magkamali ng paulit-ulit
Sa pagkakataong ito...
Makailang beses ding sasaluhin kita at hindi iiwan
Hindi ako magsasawa
Hindi ako magsisisi

Mas mahal na pala kita ngayon
Nang higit sa aking sarili





Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: