Saturday, November 4, 2017

Rajah



Dumating si Rajah sa aming buhay ng hindi inaasahan. Ibinigay siya ng isang matalik na kaibigan ko mula sa Tagaytay. Nung kinuha ko si Rahah ay apat na buwan na siya. Sa unang kita namin ay nasabi  kong malusog at masayahin siya dahil kumpleto siya sa mga kinakailangan niyang mga bakuna.

Sa una pa lang ay alam ko na na hindi siya kagaya ng mga ordinaryong aso... napansin namin na si Rajah ay nakakagawa ng mas maraming tunog na kakaiba sa ordinaryong tahol. Ang mga ito ang naging paraan ng pagtawag niya sa aming atensyon .

Subalit ang pang-limang buwan niya ay naging pagsubok...

Hindi lamang para sa kanya kundi maging para sa amin din. Nagsimula na siyang magkasakit. Tinubuan siya ng mga bukol sa kanyang bibig. Nagkakasugat ang kanyang katawan at nalalagas ang kanyang balahibo. Ang nanay ko ay nai-stressed na rin dahil nagsimula na siyang mangalingasaw. Nagkaroon na siya ng halitosis. Ako naman, hindi ko malaman kung paano ko ia-addressed ang mga reklamo ng nanay ko sa akin. Galit na rin siya sa akin kasi feeling niya ay binigyan ko siya ng napakalaking problema. Nalungkot din ako. Dahil napaka-busy sa seminaryo, hindi ko alam kung paano matutulungan si nanay o si Rajah.



Buti na lang at binigyan kami ng opportunity ng aming formator sa aming seminaryo na dumalaw sa aming tahanan nung All Saints' Day. Pag-uwi ko, sa gate pa lang ng bahay namin ay naamoy ko na ang nangangalingasaw na masangsang na amoy ni Rajah. Ang amoy niya ay mistulang nabubulok na karne ng hayop. Nagmumula ito sa kanyang bibig na na tadtad ng napakaraming mouth-warts.

Kinabukasan, nagpatulong ako sa kaibigan kong si Eric na dalhin si Rajah sa UP Veterinary Hospital. Kahit sa motor lang ay ibiniyahe namin si Rajah. Sabi ng veterinarian na tumingin sa kanya, "Mahinang-mahina ang katawan ng aso... pero hindi naman ito nakakahawa sa tao."

Maraming ginawang check-up kay Rajah. Xrays na ipinaulit pa sa Dog House para makasigurado. Yung dog house along Aurora Boulevard, Quezon City, ay isa ring Veterinary Clinic na mayroong supistikadong Xray machine.

Sa lahat ng pagsusuri ni Rajah, masasabi kong napaka-cooperative niya. Siguro, alam niyang may sakit siya at alam niya ring tinutulungan namin siya. Tahimik na nakikiramdam lamang si Rajah nung kinuhanan siya ng dugo para sa kanyang blood tests. Tinitingnan pa nga niya ang procedure na ginagawa sa kanya ng doctor. Hindi siya nagreklamo nung kinuhanan siya ng blood samples sa kanyang mga namamagang paa.

Ang resulta pagsusuri: mababang resistensiya, napakababa platelet count at ang finding na maaaring kalat na sa buong katawan niya-- loob at labas-- ang mga warts niya. Mabuti at naroon din ang espesyalista sa ospital na nagbigay sa Vet ni Rajah ng mga suggestions kung paano matutulungan si Rajah.

Rare case ang sakit ni Rajah. Isa sa bawat 10,000 dogs lang daw ang nagkakaroon ng ganitong sakit na may kinalaman sa immune system. Nung tiningnan ang bloodline ni Rajah, may suspetsa ang kanyang Vet na maaaring na-inbreeding si Rajah-- maaaring ang kanyang mga magulang ay close-relatives. Pero suspetsa lamang ito, hypothesis pa lamang kasi naging malulusog naman ang mga kapatid ni Rajah. Ang mga doctor ni Rajah ay mas naka-focus kung paano matutulungan si Rajah. Sabi nila, ang warts ni Rajah ay malinaw na manifestation lamang na may hindi magandang kondisyon ng kaloob-looban ni Rajah. Ang mouthwarts ay senyales o sintomas lamang ng totoong sakit at kondisyon ni Rajah. By this time, maaaring kumakalat na sa kanyang baga at internal organs ang epekto ng kanyang sakit. Ang tanging pwedeng gawin ay i-boost ang kanyang immune system. Subalit naka-depende pa rin sa health ni Rajah kung magrerespond siya sa mga gamot at kung kakayanin ba niya ito dahil may katagalan ang gamutan. Umaasa ang doctor ni Rajah na kapag naabot na niya ang wastong gulang ay maaari na siyang mag-undergo ng vaccination kung saan mula sa kanyang katawan ay kukunin ang anti-dote para sa kanyang sakit.

Nung hapon na iyon ay hindi nakuhanan si Rajah ng sample ng kanyang mouthwarts kasi bagsak ang kanyang platelet counts. Kapag ipinilit ang procedure na ito ay maaaring maging madugo, hindi mag-heal agad at maaaring maging cause pa lalo ng infection. Binigyan na lamang ako ng Doctor ng vial na may formalin, usually daw ay natutuyo lang ang mga warts at eventually ay nalalaglag ng kusa at kung sakaling mangyari ito ay doon sa vial na iyon ilalagay ang wart sample para masuri at mapag-aralan ng mga espesyalista. Kung malakas lamang sana ang condition ni Rajah ay pwede naman sanang operahin na agad ang mga mouthwarts niya kaya lang sa kondisyon niya, mas malaki ang chance na hindi ito makabuti sa kanya.

Mukhang 'Auto-immune Disease' ang sakit ng aking dog pero masyado pang maaga para mag-conclude. Katulad ng mga nakikita kong pasyente sa mga hospital, may idea ako na ang ganitong uri ng disease ay mahirap malagpasan. Naka-depende ito sa resistensya ng pasyente at maaaring mag-recur kapag bumagsak uli ang resistensya ng may sakit nito. Parang sakit na Lufus na ang sariling anti-bodies ng katawan ang umaatake sa pasyente. Parang tao rin pala ang mga aso. Kapag may sakit ay nakakaramdam din ng panghihina at iniinda rin ang pananakit na nararamdaman. Siguro, nararamdaman ni Rajah ang pag-aalala namin sa kanya kung kaya kahit masama ang pakiramdam niya ay naging cooperative siya kapag binibitbit ko siya going sa Veterinary Hospital.

Bagamat ganun man kalungkot ang mga findings, magiliw pa rin ang Vet niya sa amin. Binigyan pa rin niya kami ng pag-asa. Hinimas-himas niya si Rajah bago kami umuwi matapos ang maghapong nakakapagod na pagpapasuri.


Actually, hindi naman kami ganun ka-well-off para magpa-ospital ng aso. Talagang matinding sacrifice talaga ang pagpapa-ospital sa kanya. Ganun din, matinding sacrifice din sa aming budget ang mabili namin ang mga gamot ni Rajah.

Sinikap naming mabili ang mga resetang gamot ni Rajah. Sa unang gabi matapos ang kanyang check-up ay pinainom na namin siya agad. Subalit sa ilang araw na inilagi ko sa aming tahanan, napansin kong hindi pa rin bumubuti ang kalagayan ni Rajah. Lalo siyang nangangati at lalong nagsusugat. Nalalagas din ang kanyang balahibo. May mga gabi na naririnig ko si Rajah na tila umiiyak habang nagkakamot siya. Naawa kami sa kanya. Halos magsugat na siya sa kaka-kamot niya.



Hindi ako nakatiiis kaya nagbakasakali ako na i-message ang Vet niya. Sinabi kong kating-kati si Rajah at halos nagkakasugat na sa panay-panay na pagkamot niya. Sinabi ko ring natatanggal ang kanyang mga balahibo. Guess what... sumagot ang Vet niya at nagpadala pa ng pangalawang reseta. Nakakapang-lumo nga lang kasi ayon sa kanya, maaaring totoo nga ang aming hinala na merong ngang Auto-immune disease si Rajah.



Hindi ko alam kung bakit kami nagkatagpo ni Rajah. Aminado naman kami na nahihirapan kami sa kondisyon niya. Mahal ang mga gamot, mahal ang mga tests, at isa pa, yung pag-aalaga kay Rajah ay mahirap talaga dahil sa condition niya. Pero naniniwala kami na bigay pa rin siya ni God para sa amin kaya dapat namin siyang kalingain. Kung mamamatay man siya, siguro mainam na yung natural cause. Unless siguro na sabihin ng Vet niya na kailangan na siyang patulugin ay tsaka pa lang namin iko-consider ang mabigat na desisyon na iyon.

Struggle din kasi on my part yung hanapan ng time at sasakyan si Rajah para madala si Rajah sa hospital. Pero umaasa palagi ako na magpo-provide si God ng mga kaparaanan para mairaos ang mga immediate needs ni Rajah. Buti na lang ay andiyan ang kaibigan kong si Eric para iaangkas kami ni Rajah at samahan kami ng buong maghapon sa Veterinary Hospital. Siguro naman ay magkakaroon kami ng December break from our seminary... sana ay mahintay ako ni Rajah para makapag-pa-check-up uli kami sa Veterinary Hospital.

Kung tutuusin, napakaikling panahon pa lamang ng pagsasama namin ni Rajah. Kasi naman, most of the time ay nasa Seminaryo ako. Pero sa maikling panahon na iyon, naramdaman namin yung pagmamahal niya para sa amin. Siguro kung wala lang siyang sakit... maaaring mas marami pang maibigay na paglilingkod sa amin si Rajah. Madali siyang matuto, malamang kung malusog lamang siya ay marami siyang tricks na matututunan. Malamang kung malakas lamang siya, mas magiging masaya sana siya sa piling namin.

Kaya lang dahil sa sakit niya, kinakailangan siyang i-isolate para hindi makahawa sa iba niyang kapwa aso. Ito ang nagbibigay kalungkutan sa bawat isang dog owner... ang hindi mo makasamang ipasyal ang iyong minamahal na aso.

Ewan ko... hanggang ngayon ay umaasa pa rin kami na gagaling si Rajah. Umaasa pa rin kami na isang araw ay eepekto ang lahat ng mga gamot na iniinom niya. Katulad ng kanyang Vet, umaasa rin kami na bubuti rin ang kondisyon ni Rajah isang araw.


=====
Pahabol:

Namatay si Rajah noong Dec. 9, 2017 sa ganap na 8:30 ng umaga. Sa halos dalawang buwan na kanyang pakikibaka sa kanyan sakit ay sumuko na rin ang kanyang katawan: halos naubos na ang kanyang balahibo, nagkakasugat-sugat na ng tuluyan ang kanyang katawan, mas tumindi ang kanyang mouth halitosis, namaga na ang lahat ng kanyang mga paa, at nung mga huling araw niya ay palagi na lamang siyang nakahiga. Nawala na ang gana niyang kumain at tuwing madaling araw ay umiiyak siya. Sa mga huling sandali na iyon ay hindi siya iniwan ng aking nanay na naging nanay na rin ni Rajah.

Maraming salamat sa mga Vets niya: Dr. Ole na tumingin kay Rajah mula pa nung ipinagbubuntis pa lamang siya ng kanyang mommy; and Dra. Carina na hiningan namin ng second opinion mula sa Veterinary Hospital.

Maraming salamat din sa aking friend sa Scouting na sina: Scouters Vince Panganiban, Jr., at Eric Gadon na tumulong sa akin para mai-travel si Rajah. Gayundin, nagpapasalamat din ako sa sa aking kaibigan na si Seminarian Feliciano Gutierrez, ibinigay niya sa akin si Rajah.

Ang sabi ng aking nanay, "Bago siya malagutan ng hininga ay tinawag pa niya ako... kahit nakahiga na lamang siya ay pinilit pa rin niyang ikawag ang kanyang buntot kahit na nanghihina na siya. Nang tinawag ko ang pangalan niya 'Rajah, kamusta ka na?',  pinilit niyang itaas ang kanyang ulo at kahit mahina ay tumahol pa rin siya... tapos nun ay humiga na siya at umalulong na tila may matinding sakit na nararamdaman... iyon na pala iyon dahil pagkatapos niyang umalulong ay nalagutan na siya ng kanyang hininga. Nagpasalamat lang si Rajah, tapos ay namatay na siya..."

Rajah, kahit saan ka man naroroon ngayon... alam ko na magkikita rin tayo balang araw. Hanggang sa muli mahal naming kaibigan na itinuring naming bahagi ng aming pamilya...


#denmar1978 #dog #Rajah #mouthwarts #papillomavirus



No comments: