Den Mar
PAMPERS
ang tatay ko...
nangibang bansa ng matagal na panahon
bata pa ako ng iniwan nya
nung bumalik siya ay malaki na ako
sabi ng nanay ko
kapag gagawa ng sulat sa tatay ko
hindi pwedeng malulungkot ang isulat
kasi... kapag nasa ibang bansa
ang maliliit na problemang natatanggap
e, nagiging malaki at nakakapagbigay ng pag-aalala
akala ng tatay ko
tuwing umuuwi siya
e, okay ako
akala nya malakas ako
ang akala nya...
napalaki ako ng nanay ko na matapang at walang takot
pero ang totoo
wala akong pinagkaiba sa ibang bata
na laging umiiyak sa isang sulok na walang nakakakita
dahil katulad nila
ako rin ay naghahanap ng isang ama
ang pinakahuling uwi ng tatay ko
ang masasabi kong pinakamalungkot
'paralyzed siya...' naaksidente kasi
imbalido... hindi makagalaw
hindi niya matulungan ang sarili niya
hindi ko alam kung paano ko siya tutulungan
dahil first time ko lang din
na nakita ang aking ama
na lagi kong iniisip na matatag at malakas
na may sakit at karamdaman
habang inaalagaan ko siya
nalaman ko
na wala rin pala siyang pinagkaiba sa ibang ama
... na naghahanap din lagi ng kanyang asawa at anak
sa buhay pala na ito...
okay lang pala ang mag-iyakan
okay lang din pala na magpakita ng kahinaan
okay lang din pala na mabigo at masaktan
kahit kung minsan...
okay lang din pala ang mapagalitan at mapagsabihan
habang nasa ospital
marami kaming napag-usapan ng tatay ko
marami kaming mga binalikan
akala ko mas marami akong dapat panghinayangan
pero hindi, biyaya pala ito ng Diyos
dahil binigyan kami ng tatay ko ng chance
na makapag-heart to heart talk
kahit na sandali na lang ang natitirang buhay ng tatay ko
sa ilang taong pag-aalaga namin sa tatay ko
marami kaming back-subjects na natutunan
naging mas malaya kaming magpahayag ng aming sarili
dahil OFW ang tatay ko
ito na marahil ang pagkakataon na makapag-bonding
kung saan
mas nakilala ko ang tatay ko
at mas nakilala niya ako
ito na ang panahong nayayakap ko na ang tatay ko
at laging nasasabihan ng 'I love you...'
kaya lang hindi lang ganuon kasaya ang 'setting'
kasi naka-wheel chair na ang tatay ko
hindi makalakad at hindi makagalaw
at mas madalas
nakahiga siya sa kanyang hospital bed
naka-suwero... naka-cateter
maraming gamot na iniinom
at maya't-maya ang mga hindi matapus-tapos na mga laboratory tests
malungkot... kasi nakita ko siyang manghina ng tuluyan
nakita ko siyang pumayat
nakita ko siyang mangamba... at matakot
malimit... may pagkakataong mainit ang ulo
malimit... din umiiyak at nag-aalala
sabi ko sa kanya, "tay, relax ka lang...
kami na ang bahala...
kami namang mga anak mo ang mag-aalaga sa inyo ngayon..."
ang huling habilin nya sa akin
"sundin mo kung saan ka dinadala ng iyong puso...
dahil ang hinahanap nito
ay ang tanging makakapag-pasaya
sa iyo ng buong-buo.."
hanggang sa siya ay binawian ng buhay
sa huling hininga niya
mga pangalan naming mga anak niya
ang kanyang madalas na sinasambit
ngayong wala na ang tatay ko
siguro ang magpapaalala sa akin sa kanya
ay yung mga baby wipes at PAMPERS
kasi ako ang tigalinis niya
sa tuwing siya ay nadudumi
ako rin ang tigapaligo niya
kung naiinitan siya
Tay... paalam na po
nasaan ka man ngayon...
maraming salamat sa lahat ng iyong ala-ala
alam kong nasa piling ka na ngayon ng ating Poong Maykapal
at nawa'y manahan kang maligaya kasama Niya.
Happy Father's Day po
Kung nasaan man kayo... nandito lang po kami. den mar
===
picture from:
Wow. I have no words. A father had this tombstone designed and made for his wheelchair-bound son depicting him 'free of his earthly burdens.'
No comments:
Post a Comment