Saturday, June 7, 2014

Si Mang Jose


Yung mga kamamatay pa lang ay wini-welcome agad ni God ang kaluluwa sa heaven. Mula kay God, magkakasunod na dumaan sa harapan ni Mang Jose (na bagong salta rin sa heaven dahil kamamatay lang din nila some few seconds ago) ang tatlong kaluluwa na nauna sa kanya. Umiiyak sila.

Nagtaka si Mang Jose kung bakit sila umiiyak. E, kasi naman kilala nya yung naunang tatlo-- yung una ay scientist, yung pangalawa ay presidente ng isang bansa, at yung pangatlo ay teacher. Lahat sila ay inilibing ng marangya. Lahat sila ay tanyag samantalang siya, isang ordinaryong Mang Jose sa iilang tao na nakakakilala sa kanya. Halos hindi kilala ng lipunang ginalawan niya dahil isa lamang palaboy sa lansangan na laging nanlilimos sa harap ng simbahan.

Isang gabi, may batang biglang tumawid habang may isang rumaragasang sasakyan. Pinilit niyang sagipin ang bata. Naitulak niya ang bata palayo sa sakuna subalit nahagip siya ng sasakyan... gumulong siya sa lansangan. Ang mas masaklap pa ay dinurog ng kasunod pang sasakyan ang kanyang mga hita at paa. Sa biglaang pangyayari, namanhid ang kanyang katawan. Tanging ang mga kapwa niya pulubi ang bumuhat sa duguan niyang katawan habang ang mga sasakyang bumundol sa kanya ay dagling tumakas... ni hindi man lamang siya tiningnan kung buhay o patay na ba siya.

Sa pampublikong ospital ay isinugod siya. Hindi agad naasikaso dahil maraming mga kapwa pasyente na naroon na pawang may kalunos-lunos ding kalagayan. Sa tagal ng pag-aantay, wala pa rin siyang pakiramdam. Hindi niya maramdaman ang kanyang bali-baling mga hita at paa. Sa matagal na gamutan na nakuha sa pakiusapan at kabutihang loob ng mga doktor na tumingin sa kanya, inamin na rin nila sa huli kay Mang Jose na tuluyan na siyang nalumpo... naapektuhan ang gulugod (spinal column) mula sa kanyang beywang pababa hanggang mga paa... dahil dito, hindi na muli siyang makakalakad.

Hindi sumuko si Mang Jose. Gumapang siya at naghanap ng kahoy... nilagyan niya ito ng maliliit na gulong at nagpatuloy sa panlilimos. Isang araw, nagkita silang muli ng bata na kanyang isinalba sa muntik na pagkakabundol. Nagpasalamat ang bata at inaming gusto nitong sumama sa kanya dahil wala na raw ang mga magulang niya. Inamin din ng bata na parehong nakakulong ang mga magulang niya dahil parehong lulong at parehong may kaso tungkol sa droga.

Sa paglaon ng panahon, naging isang masayang pakiramdam para kay Mang Jose ang tawagin siyang Tatay ng bata. Naging isang matamis na salita ito na nagbigay ng bagong kahulugan para sa kanyang hindi maunawaang buhay. Naging mabuti siyang ama-amahan at dahil sa kabutihan niya nadagdagan pa ang mga batang palaboy na nagpakupkop sa kanya. Itinuring ni Mang Jose silang mga sarili niyang anak. Sila ay minahal niya kahit walang pera. Sila ay ipinanlimos niya para mabuhay. Ang lagi niyang sinasabi habang kumakain sila ng kaunting napaglimusan... "mag-aaral kayong lahat... pipilitin kong pag-aralin ko kayo kahit sa kahuli-hulihan kong hininga."

Umulan man o umaraw... si Mang Jose ay patuloy na nanlimos... pinilit na magpakatatay sa mga batang inampon nya at natutunang mahalin. Kahit murahin, duraan, at kahit alipustahin ng mga taong pinagbabakasakalian niyang paglimusan, hindi siya natinag magmakaawa dahil alam niyang may umaasa sa kanya. Inspirasyon nya ang mga bata... inspirasyon nya ang mga taong nahahabag sa kanya... Ang kakarampot na baryang pinaglimusan ang naging pantawid-gutom nila kung saan unti-unti rin silang nakabuo ng pag-asa sa buhay. Sa kasalatang nararanasan, abot hanggang langit pa rin ang ang pagpapasalamat niya sa Diyos dahil sa kaligayahang kanilang nadarama.

Hanggang sa siya ay nagkasakit. Dinala sa ospital... hindi makabili ng gamot dahil hirap na hirap sa buhay. Walang ipon... pero andaming mga anak-anakan na nagmamahal. Dahil sa awa sa mga batang paslit na kanyang mga anak-anakan, ginawa ng mga doktor at nurses na may mabubuting puso ang lahat ng pwede nilang maitulong at maibigay ng libre para lamang mabuhay si Mang Jose. Dahil ang bukambibig ni Mang Jose, "kailangan kong mabuhay kasi walang mag-aalaga sa mga anak-anakan ko." Pinilit niyang gumaling subalit sa katagalan ng gamutan, sumuko na rin ang kanyang katawan... binawian na rin siya ng buhay.

Ang kanyang bangkay... dinala sa isang hindi kilalang morge. Hindi nakuha ng kanyang mga nagluluksang batang inampon dahil walang pambayad at pampalibing. Ang mga batang paslit na naulila, naroon sila sa labas ng punerarya umaga at gabi.... umiiyak at nagluluksa hanggang isang araw, kinuha sila ng DSWD dahil wala na sa kanilang mag-aaruga.

Samantala, upang makabawi naman ang punerarya sa pagkakalugi sa kanya, ibinenta ang bangkay niya sa isang eskuwelahan. Sa anatomy class na-dissect siya ng na-dissect... binulatlat ang kaloob-looban... hiniwa ng paulit-ulit... nagkulay adobo na dahil sa pagkakababad sa formalin. Nang pagsawaan, ibinalik na sa morge dahil napudpod na ang kanyang lamang loob.

Sa kamay ng negosyante, pinag-isipan pa rin siyang pagkakitaan. Binihisan ng damit na galing sa ukay-ukay. Isinadlak sa hiram na kabaong. Sa isang sulok ng garahe itinambak habang nilagyan ng tolda, mesa at upuan ang sugalang bubuhayin niya bilang isang bangkay. Sa sugalan, hindi man lamang siya tinapunan ng tingin at panalangin ng mga manunugal na hayok na hayok na manalo sa pakikipagsapalarang walang kasiguraduhan. Ang mga walang pakialam na manlalaro... gabihin man o umagahin man sa labananang walang nananalo kahit na matuyuan man ng pawis o magkasakit sa bato dahil hindi na magawang umihi o tumae kahit saglit dahil sa pagkakaalipin nila sa pagsusugal ay walang pakialam dahil sila ay naliligayahan sa langit ng kanilang sugalan. Napansin lamang nila si Mang Jose nang ang bangkay niya ay mangamoy na kasabay ng pag-alingasaw ng mga tuyot-na-tuyot na mga bulaklak at pagkamatay ng kandila na matagal nang hindi napalitan man lamang. At katulad ng mga naunang bangkay kay Mang Jose, tatawag lang ang negosyante at tila oorder lang ng goto sa isang mamihan at tsaka didispatsahin ang kaawa-awang bangkay ni Mang Jose kapag dumating na ang bagong order kung saan tuloy muli ang ligaya habang nanlilimos ng panalangin, pag-alala at habag ang ang mga bangkay na walang nakakaalala na isinasadlak ng mga walang kaluluwa sa sugalang iyon. Ang malansang bangkay ni Mang Jose na tila sinusundo na ng mga langaw at bangaw... nang nagsimula nang uurin, tsaka pa lamang inilibing sa isang limot na libingan... itinambak kasama ng kapwa niya bangkay na hindi kilala ng sinuman.

Sa harap ng Diyos, umatungal din siya ng iyak. Humagulgol.

Lumapit sa kanya ang Diyos, "Bakit ka umiiyak, hindi ka ba masaya at narito ka na malapit sa aking piling... hindi ka ba masaya dahil narito ka na sa aking tahanan?"

Sumagot si Mang Jose, "Kasi po, wala naman akong nagawang matino nung ako ay nabubuhay pa sa lupa... wala nga po akong maibabalik sa Inyo... hindi tulad ng mga nauna sa akin na pawang magagaling at pawang may mga saysay ang kanilang mga naging buhay. Kung sila ay may rasong umiyak, lalo na siguro po ako... ako na walang ginawa kundi ang umasa sa iba... ni hindi ko man lamang natulungan maging ang aking sarili..."

Tumugon ang Diyos, "Anak doon nga kita minahal. Kung saan sa kawalan mo lagi mo akong inaalala. Kung saan sa kahirapan mo, lagi ka pa ring nagpapasalamat. Lahat ng mga pagdurusa mo ay buong puso mong sa akin ay inalay. Oo, hindi ka nga kasing-talino tulad nila pero sa kakitiran ng pag-unawa mo, kailan man ay hindi mo ako pinagdudahan... ni hindi mo ako sinisi... ni hindi mo ako sinubok... Bagkus, nagpakumbaba ka dahil inibig mo ako ng buong-buo. Ikaw na inaakala nilang mahina at hindi pinagpala ang nagmahal sa Akin ng buong puso sa kabila ng iyong pagiging kapus-palad."

Niyakap siya ng Diyos. Nakita ni Mang Jose na tumulo ang luha ng Diyos. Ibinulong sa kanya ng Diyos, "Dahil diyan... inibig kita. Inibig kita hindi lang dahil sa sa inibig mo rin ako kundi dahil nananalig ka ng buong puso sa pag-ibig ko... at higit sa lahat, minahal kita dahil ibinahagi mo rin ang pag-ibig ko sa iba." den mar


===
Afterwords

Iba talaga magmahal ang isang dukha
Palibhasa...
Wala halos siyang pagmamay-ari
Kung ano ang kanyang ibinibigay
Ay iyon ding para sa sarili na lamang sana niya

Wala siyang sobrang kumot
Kung kaya 
Kapag ibinigay niya ang kanyang tanging kumot para sa iyo
Siya ang magtitis magbata (endure) ng ginaw o lamok sa pagsapit ng dilim
Kung ibibigay naman niya sa iyo ang kanyang kakainin
Siya ang magtitiis ng matinding gutom at pagka-uhaw
Ang lahat ng ito ay kanyang tinitiis
Dahil ang lahat ng ito ay kanyang gagawin
Nang walang kapalit o anumang hinihintay

Dahil ang kanyang dalisay na hangarin 
Ay ang tanging rason na mapasaya ka lamang. den mar

No comments: