Thursday, February 13, 2014

Valentine's Date ni Lolo at Lola

VALENTINE'S DATE NI LOLO AT LOLA

valentine's day na naman
halika na aking mahal
sabay nating babalikan
ang ating masayang nakaraan

sariwain natin ang kahapon
ng magkahawak kamay
isa-isa nating balikan
ang landas na ating tinahak

kung hindi ka makakasama
dahil mahina na ang iyong katawan
kakalungin kita
gaya ng bago tayong kasal

sa matagal nating pinagsama
ito ang na-realized ko...
na hindi naman pala sa garbo ng selebrasyon
nagiging matamis ang lahat

dahil wala palang valentine's day
kung wala ka rin lang sa tabi ko
na kahit uugud-ugod na
naniniwala pa rin sa mga pambobola ko

aaminin kong muli ito
at sasabihin ng paulit-ulit sa iyo
na kung uulitin ko ang buhay ko
ikaw pa rin ang mamahalin ko

alam mong hindi ako perpekto
dahil nagkasala ng paulit-ulit sa iyo
pero dahil sa pagtitiyaga at pagtanggap mo
tuluyang nagbago ako

maaaring tayo ay bingi na
at malabo na rin ang mga mata
pero ang ating mga puso
ay nananatili pa ring nag-iibigan

Gaya ng dati, magkahawak kamay
nating sabay sambiting muli
ang matatamis na pangako
na nagbigkis sa atin sa bawat sandali:

"ikaw ang paulit-ulit kong
tanging pinaka-mamahalin
sa bawat sandali
ng aking natitirang buhay"

"ikaw ang paulit-ulit kong
tanging iibigin lamang
hanggang sa pinakahuli-hulihan
ng aking nalalabing paghinga..."


huwag kang mag-alala aking mahal
makalimutan mo man ito dahil sa iyong 'demensya'
ipapaalala kong lagi ito sa iyo
ilalagay kong lagi ang iyong kamay sa tapat ng aking puso

halika na aking mahal
sabay nating babalikan
ang ating masasayang nakaraan
dahil valentine's day na naman. denmar

No comments: