Wednesday, September 27, 2017

Martial Law: Muling Pagsulyap

Para sa marami, complicated ang Martial Law para i-judge.

Kung babalikan natin ang kasaysayan, ang pinaka-ugat ng pagpapatupad ng Martial Law ay ang lumalakas na pwersa ng Komunismo na gumagapang na sa iba't-ibang panig ng ating bansa. Lumalakas ang pwersa ng New People's Army (NPA) sa mga kanayunan na isang masamang pagbabadya sa demokrasya ng ating bansa.

Maraming nagsasabi na maraming mga kasinungalingan ang pinagtahi-tahi ni Marcos upang maipatupad ang Martial Law. Sa mga ordinaryong Pilipino, umasa sila na kapag naipatupad na ang Martial Law ay mawawala na rin ang corruption na laganap sa lipunan. Sa bandang huli, naipatupad ang Martial Law nuong September 21, 1972. Si Marcos mismo ang nag-announced ng balitang ito sa telebisyon.

Maraming naging mukha ng Martial Law---

Sa mga ordinaryong mamamayan tuloy pa rin ang buhay. Para sa iba, ang curfew ang naging pamantayan ng katiwasayang sosyal at disiplinang umiiral sa bawat mamamayan. Ang maraming infrastructure ang naging pamantayan ng kaunlaran ng ating bansa. Ito rin ang naging glorious era ng sining dahil sa patronage ng unang ginang na si Imelda Marcos.

Hindi naging maganda ang Martial Law para sa mga NPA dahil mas lalong pinaigting ang pagtugis sa kanila. Tinugis din ang mga supporters nila. At ang pagtugis sa kanila ay naging madugo. Maraming mga raliyistang napatay ay inakusahang NPA.

Sa ekonomiya, maraming mga private businesses na may kinalaman sa basic needs ng bansa ang na-sequester ng administrasyong Marcos-- radyo, TV, tubig, kuryente.... Kasabay ng mga infrastructure na ipinapatayo ay ang pangungutang ng administrasyong-Marcos sa mga malalaking pandaigdigan bangko.

Sa usaping pananampalataya, marami sigurong nagtatanong kung bakit naging aktibo ang simbahang Katoliko sa isyung Martial Law? Ito ay dahil sa mga nagaganap na paglabag sa human rights at dahil sa mga Extra Judicial Killings. Hindi pumapabor ang simbahan sa naging malawakang paglabag sa karapatang pantao at walang habas na pagpatay.

Masasabi nating 'gray area' o malabong bahagi ng ating kasaysayan ang Martial Law. Maraming nagsasabi na nakabuti ang Martial Law kasi marami ang mga na-convict na mga kriminal sa panahong ito. At may ilan sa kanila ay napatawan ng kamatayang bitay. Pero sa pagtagal ng panahon, unti-unting nabunyag ang tunay na kulay ng Martial Law.

Ebolusyon ni Ferdinand Marcos--

Sa ilalim ng Martial Law, ang mga infrasture na ipina-construct ng gobyerno, ang social discipline na nagmanifest sa mga curfews, at ang presence ng mga Militar ay nagsilbing facade lamang na inaakala ng marami na mga sensyales ng isang totoong social order. Ngunit sa paglaon ng panahon, nakita ni Marcos na ang Martial Law ay hindi lamang magandang gamitin laban sa mga Komunista kundi maganda ring gamitin para sa kanyang makasariling interes.

Sa ilalim ng Martial Law, nakinabang ng husto ang mga ‘cronies’ ni Marcos. Sila ang mga namahala sa mga na-sequester na mga properties at sila rin ang mga naupo sa mga pinakamahahalagang pwesto sa pamahalaan. Eventually, katulad ni Marcos, lahat sila ay gustong manatili at makinabang sa kanilang tinatamasang kapangyarihan.

Sa matagal na panahon, hindi pa rin natinag ang mga NPA na nagsusulong ng komunismo. Marami sa kanila ang namundok. Sa pagtugis sa kanila, marami rin ang nadamay—kapamilya, kaibigan, kakilalala... Maraming napag-bintangan. Marami sa kanila ay inosente. Marami sa kanila ay hanggang sa ngayon ay nawawala. Sa matagal na panahon ay patuloy na dumadanak ang dugo sa ilalim ng mga naghaharing militar.

Nagmistulang civil war ang panahong ito sa pagitan ng maka-kaliwa at maka-kanan. Malimit ay "news black-out." Kontrolado ang mga ibinabalita. Bagamat ganun ang sitwasyon, may mga balita pa rin namang umaabot sa simbahan. Mga magulang na nawawalan ng anak... mga anak na nawawalan ng magulang... mga kaibigan na nawawalan ng mahal sa buhay.

Maraming mga bangkay ang natagpuan na lamang sa mga liblib na lugar. Nangangalingasaw. Nakakasulasok na ang amoy. Marami sa kanila ay may marka ng mga torture. Bakas na pinahirapan muna bago pinatay. Lahat ng mga namatay ay pinagbintangang lumaban sa gobyerno.

Ang mga human rights activists, kasama na ang simbahan, ay naa-alarma dahil sa harap-harapang paglabag sa karapatang pantao. Hindi maaaring magkibit balikat na lamang ang simbahan at magbubulag-bulagan siya dahil sa walang habas na extra-judicial killings.

May pagkakataong ang mga pro-NPA tulad ng mga pamilya ng mga nabiktima at mga nadamay sa kaguluhan ay nakipagsanib pwersa sa mga pro-life na pro-human rights. Sa pagkakataong ito, nagkaisa sila at sama-sama sa paghahanap ng katarungan.

DITO NA PUMASOK ANG CONFUSION: sa isang banda, mukhang berdugo ang Martial Law; sa kabilang banda, ang NPA ay naman ay threat sa ating demokrasya; at sa pagitan nila na naggigiriang mga panig ay ang simbahan na nagsusulong ng pagrespeto sa buhay.

Nasaan Ang Simbahan Noong Kasagsagan ng Martial Law--

Sa kasagsagan ng Martial Law, huwag nating kalimutan ang ginampanan ng simbahan sa pagtatanggol sa kahalagahan ng buhay. Para sa simbahan, ang demokrasya ang pinakamagandang paraan upang pamunuan ang isang lipunan. Batid ng simbahan na ang komunismo, as a form of government, ang naglilimita sa potensyal ng bawat isang mamamayan. Subalit nanindigan ang simbahan na ang pagkakaiba sa ideolohiya ay hindi dapat humantong sa pag-abuso at pagpatay na ginawa ng pamahalaang Marcos.

Mga Nakaw na Yaman--

Habang control ni Marcos ang buong bansa, naisakatuparan din niya ang dambuhalang pandarambong mula sa mga treasure hunting at sa mga komisyon mula sa bawat infrastructure project na ipinatayo sa kanyang panahon. Akala natin, lehitimong kay Marcos ang mga kayamanang naka-freeze ngayon sa ibang bansa kasi bilib na bilib tayo sa mga kwentong gawa-gawa lamang na nasagap natin mula sa kung saan-saan.

Totoong matalino si Marcos. Marahil, kasing genius din siya ni Jose Rizal. Kaya lang unlike Jose Rizal, manipulative si Marcos. Hanggang ngayon, marami pa rin ang napapaniwala na ang kayamanan ni Marcos, lalo na ang mga gold bars, ay galing daw sa mga idinipensa niyang mayamang pamilya na nagmamay-ari ng buong Pilipinas. Subalit ang mga kwentong kagaya nito ay tila kapareho lamang ng mga mga kwento sa likod ng kanyang ilang mga World War II medals na ngayon ay napatunayan nang pawang mga kwentong barbero lamang. Sinadyang imbentuhin ang mga ito upang tumaas ang pagtingin natin kay Marcos. Subalit ngayon, dahil sa paglawak ng social-media, maaari na nating nating i-search sa internet ang mga bagay na hindi pa natin alam. Bahagi ng malawakang propaganda ni Marcos ang pagandahin din ang kanyang imahe. Para kay Marcos, siya si Malakas at si Imelda naman si Maganda.

Pro-Marcos Today--

Sa ating panahon ngayon, marami, lalo na sa mga kabataan ang gustong ibalik ang Martial Law. Siguro iyon ay dahil gusto natin ng dagliang justice upang masagot ang napakaraming problema ng ating lipunan. Maraming nagagalit ngayon sa simbahan kasi katulad nuong panahon ng Martial Law ang simbahang Katolika lamang ang nanindigan para sa buhay. At alam ng present government natin ngayon na kailanman ay hindi sasang-ayon ang Simbahan sa mga extra-judicial killings na nangyayari sa kasalukuyan dahil sa war against illegal drugs kung saan pati ang mga minors ay nadadamay at napapatay.

Forgiveness and Justice--

Kahit sa ating mga Kristiyano, marami sa atin ang umaayon sa summary execution bilang sagot sa mga corruption, kalabisan at droga na sumisira ng ating lipunan. Pero bilang Katoliko, hindi itinuturo ni Kristo ang pagpatay. Ang itinuturo ni Kristo ay “Love Your Neighbor” at “Love Your Enemy”. Totoong kailangan natin magpatawad pero kinakailangan ding mai-restore ang justice upang mapanagot ang may pagkakasala.

Nung panahon ng Martial Law, akala nila, maso-solved nito ang lahat ng corruption at ang mga lahat ng mga aktibismo laban sa pamahalaan. Lalo lamang naging agresibo ang magkabilang partido. Sa kalaunan dumami lamang ang mga biktima, marami ang nadamay dahil napagbintangan. Sa kasaysayang ito, matuto sana tayo na ang karahasan ay nagbubunga lamang ng kapawa karahasan. Sa bandang huli, si Marcos din naman pala ang lumabas na higit na umabuso sa kanyang kapangyarihan na ginamit niya upang limasin ang kayamanan ng ating bansa.

Bilang Pilipino at bilang Katoliko, “Mahal natin si Marcos,” “Pinapatawad natin siya…” pero merong isang malaking PERO… “Kailangang managot siya sa kanyang mga ginawang kalabisan.” Ito yung justice na hinahangad nating lahat. Ito yung justice na hinahabol ng bawat pamilyang namatayan… Ito yung justice na pinaninindigan hanggang sa kasalukuyan ng marami sa atin kung kaya maraming tumututol na ilibing sa libingan ng mga bayani si Ferdinand Marcos. Alam naman natin na ang totoong bayani ay totoong nagmamahal sa kanyang bayan. At alam din natin na ang totoong bayani ay nakahandang mamatay para sa kanyang bayan… subalit iba si Marcos. Ninakawan niya ang kanyang bayan sa kasagsagan ng kaguluhan. Sa una masasabi mong napakaganda ng kanyang timing dahil very well orchestrated. Pero kung iisipin, ang lahat ng ito ay kanyang na-plano. Dahil dito, nagtagal siya sa pwesto.

The Big Question: Nagtagumpay Ba Ang Martial Law?--

Sa usaping NPA, HINDI... dahil hanggang ngayon, nariyan pa rin ang mga NPA.

Noong panahon ng Martial Law, marami ang nag-aakala na sapat na ang social order. Pero ang totoong kahulugan ng curfew ay takot pala sa iba. Ang mga structure na na-construct ay karagdagang pondo na ibinulsa, at ang mga Militar na naglipana ay ang mga mumunting Marcos na kumontrol sa buhay ng bawat isang mamamayan. Ito raw ang senyales ng magandang ekonomiya. Subalit hindi maikakaila na kabi-kabila rin ang mga welga, kilos protesta, malawakang tag-gutom sa Kabisayaan, debalwasyon ng halaga ng piso at mga digmaan sa Mindanao.

Noong panahon ni Marcos, totoo namang isa sa mga nangunguna ang ating bansa sa South East Asia. Subalit ang ating ekonomiya sa panahon ni Marcos ay nakadepende sa mga utang na kinurakot pa nila. Walang laman ang ating kabang-bayan dahil nasaid na ng corruption. Ang akala natin ay umuunlad tayo sa panahon ni Marcos pero ang hindi natin alam ay iginigisa na pala tayo sa ating sariling mantika. Sa bawat pangungutang para sa infrastrusture projects, mas malaki pa ang ninananakaw kesa sa napapakinabangan ng bayan. Ang sumatotal, ang mga buwis natin ang nagbabayad ng kanilang ninakaw.

Kung kaya naman, walang nagawa ang mga sumunod na administrasyon kundi ang maghanap ng pondo kaya lalong nadagdagan na naman ang ating mga utang sa labas ng bansa. Kung maganda ang ekonomiya natin sa panahon ng Martial Law, dapat sana ay may pondo ang mga sumunod na administrasyon. At sana ay mayaman sana ang mga Pilipino ngayon. Kung walang ninakaw, sana ay wala tayong naging utang, hindi ba? May nagsasabi na kailan nga lang natin nabayaran ang mga utang ng ating bansa mula pa noong panahon ni Marcos. Ang nangyari, ginawang armas ang Martial Law ng mga naghahari-harian upang itago ang kanilang walang habas na pandarambong!

May mga desperado pa ring umaasa na pamamanahan tayo ni Marcos, pero kung totoo ito, bakit ang kapalit nito ay ang pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilya Marcos? Bakit may stringed attached? Kung hindi sila nagnakaw e bakit nanghihingi ng immunity? Kapansin-pansin na ang mga nagsusulong ng kanilang pag-angat ay ang parehong mga tao pa rin na umiidolo sa kanila noon at ngayon. History repeats itself.

Where Do We Go From Here?--

Kahit sa ating panahon, andiyan pa rin ang mga NPA. Mas marami sa atin ang umaayon sa summary execution bilang sagot sa mga corruption, kalabisan at illegal na droga na sumisira ng ating lipunan. Ganun din nung Martial Law, akala nila, maso-solved ng Martial Law ang corruption at ang mga aktibismo subalit sa kalaunan dumami lamang ang mga biktima, marami ang nadamay dahil napagbintangan. At ngayon, si Marcos pala lumalabas na totoong kalaban ng ating bansa… naging masahol pa sa pamahalaang komunismo ang Martial Law na kanyang nilalabanan.

Ang nakakalungkot… nire-resurrect natin sa ating panahon si Ferdinand Marcos. Ang ganitong klase ng kamatayan ang pinaka-kasuklam-suklam na kamatayan dahil kahit patay na siya ay patuloy pa rin niyang pinapatay ang kinabukasan ng kanyang mga nabiktima at nasaktan. Ang pangarap ng kanyang pamilya na pasinungalingan ang kanyang mga nagawang kasalanan ang patuloy na humahati sa ating bayan.

Bilang mga Kristiyano, marami sa atin ang ipinagpapasa-Diyos na lamang natin si Marcos. Kung naghahabol man sa kanya, iyon ay para narin naman sa ikapapayapa ng kanyang kaluluwa.

======

Epilogue: Ang Mga Biktima--

Walang karapatang magpahayag ng pananaw
dinudukot para i-salvage ang hindi pumapabor sa gobyerno
Pinapahirapan ng wagas...
tino-torture...
binubugbog, ginagahasa, dinudukot ang mata, pinapakain ng sariling tae at pinapainom sariling ihi
Habang dinarambong ng namumuno ang kayamanan ng kanyang bansa.

Ito yung pinanggalingan natin
Subalit hindi tayo natuto
Sa bandang huli
Uulit na naman ang kalagiman
At tayo naman ang susunod na biktima.

Hindi tayo nagiging ganap na malaya...
dahil may bahagi tayo sa ating sarili
na takot na takot na hanapin
ang inaasam-asam nating katarungan.

No comments: