Monday, December 24, 2012

Metanoia


May mga pagkakataon
Na kapag ako ay nagigising
Sobrang lungkot ko

Kasi may mga panaginip
Na hindi ko inaaasahan

Ipinamumukha sa akin
Ang lahat ng aking mga tinatakasan

Malinaw kong naririnig
Ang mga boses na kilalang-kilala ko
Malinaw kong naaaninag
Ang lahat ng mga yugto
Nang aking inaasam
Nang aking kinakalimutan
Nang aking nais balikan

Panaginip lang ito
Pero bakit parang totoo?
Bakit nararamdaman ko
Ang naglalagablab na impyerno?

Tsaka ako tumakbo
Nang marinig ko ang mga asong gubat
Na may mga nagbabagang mga mata
Pero hindi ako makaalis sa aking kinatatayuan
Hanggang sa mahulog ako ng maubos ko ang lupa
At tuluyang lamunin ako
Nang sinapupunan ng kadiliman

Gusto kong sumigaw
Dahil sa pagkatakot at sindak
Pero walang boses na pumapalahaw
Sa aking tinig na naumid (muted)

Magdadasal ako
Nang panalanging tinalikdan ko na
Tsaka magigising ako
Habol hininga
Pawisang pawisan
Umiiyak
Mula sa bangungot
Nang aking pagtakas sa Dyos

Ganito pala yung tinatawag ng konsensya (conscience)
Kung saan nangungusap ang Dyos

Maaaring pagkatapos ng hilakbot
Nang bangungot na sa akin ay tumakot
Magrarason (reason out) na naman ako
Na hindi maaaring mangyari
Ang lahat ng ito

Kapag binabalikan ko ito
Pilit kong inuunawa ito
Maaaring ang tinatakasan ko
Ay ang aking maka-Diyos na sarili
Kung saan sa panahon kung nasaan ako
Pinalitan ko siya ng yaman at katanyagan
Nang mundo na walang kasiyahan
Dahil lagi itong gutom at laging uhaw

Ngayon nagtatanong ako
Ito na ba ang panahon ng pagbabago?
Maaaring ito ang pamamaraan ng Diyos
Upang bumalik ako sa piling Nya

Maaaring sa bawat isa
Kumakatok ang Diyos sa ating lahat
Sa iba't-ibang sitwasyon at pamamaraan
Kung saan at kailan natin Siya mauunawaan at masusumpungan