Saturday, December 17, 2011

Kawalan



Tinuruan ako ng aking kawalan upang lumuha
Upang tumangis sa mga bagay-bagay na wala ako
Oo... kinaa-awaan ko ang aking sarili
Sapagkat nakakaramdam ako ng pagka-inggit
Nakita ko at nadama kung paano ang kawalang kinalalagyan ko
Ang magtakwil sa akin at gumawa ng pader na hadlang
Sa pagitan ng mga gaya kong inaapi nang mga makapangyarihan....

Naramdaman kong maawa sa aking sarili
Hanggang sa ang kawalang ito ang siya ring magturo sa akin
Upang sa ibang bahagi ng aking buhay
Ay makilala ko ang aking sarili
Na may mga bagay na mayroon din pala ako sa kabila ng aking kawalan
Na nakaukit na pagpapala mula sa aking Panginoon
Na ngayon ay niyayakap kong biyaya at inaangking meron ako
Sapagkat ito ay dalisay na bumubukal mula sa aking puso at kaluluwa...

Buong buhay na pagtitiis...
Manaka-nakang pagluha...
Sandaling pagtatampo at galit...
Na mabilis na pinapawi ng aking pagpapatawad...
at nag-uumapaw na pagmamahal...
Kung kaya kahit na sa matindinding karukhaan
Kaya kong humalakhak mula sa kaibuturan ng aking puso
Nang walang pagtatangi
O bahid ng pagkukunyari...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: