Friday, December 23, 2011
Kaligayahan ng Pagbibigay
Lagi kong tinatanong ang sarili
Kung bakit kung minsan
O kaya bakit madalas
Nahihirapan ako magbahagi sa aking kapwa
Kung bakit mahirap ang magbigay
Kung bakit mahirap ang magsakripisyo para sa iba
Dahil marami palang sakit sa aking puso
Mga pait na aking naranasan
Mula sa aking nakaraan
Na akin pang ninamnam hanggang sa mga sandaling ito
Na nanatili pa ring kumukurot
At umiiyak sa loob ng aking pagkatao
Saan ka nga ba naman huhugot ng pagiging bukas-palad (pagiging mapagbigay)
Kung sa iyong nakaraan, ikaw ay pinagdamutan
Saan ka huhugot nga naman ng pagmamahal
Kung lumaki ka sa isang tahanan at lugar na hindi ka inibig kaylan man
Ano nga ba naman ang maibabahagi ko sa aking kapwa
Kung wala noon sa aking puso
Ano ang maibibigay ko
Kung ang mga bagay na ito ang kinau-uhawan ko
Marami akong galit
Maraming tampo at himutok sa daigdig
Na hindi ko na malaman kung saan nagmumula
Kahit paos na-- ang mga ito ay nanatili pa ring naghuhumiyaw
At nais pa ring makipaglaban sa aking natitirang kabutihan
Dahilan upang isara ko ang aking mga palad
Dahilan upang tikisin ko ang aking kapwa
At ang pinaka-hindi makatao
Ang magtanim ng paghihiganti...
Ang umani ng makasariling katarungan
Subalit wala palang pangmatagalang kasiyahan
Mula sa mga makamundong bagay na inari kong akin
Na lahat na itinuring kong aking pinaghirapan
Mula sa aking mga tagumpay
Mula sa aking pagtitiis
Mula sa inangkin kong bunga ng aking dugo at pawis
Nang gawin kong umaga ang gabi
Upang makamit ko ang lahat ng aking inibig
Pangarap na inakala kong susi sa aking kaligayahan
At naging pader ko upang ihiwalay ko ang aking sarili
Sa aking kapwa na nagdaralita at nangangailangan
Habang sila ay walang makain
O masilungan
Kung saan man sila abutin ng gutom at dilim
Subalit sa paglipas ng panahon
Matapos magbuhay hari ako sa makasarili kong mundo
Naupos na rin ang alab ng aking inakalang kaligayahan
Sapagkat laging may kulang
Laging sumisibol ang tanong na lagi kong iniiwasan:
"Bakit hindi ako nagiging masaya sa kabila ng lahat..."
Dahil ang aking pagkatao pala
Ay hindi nilikha para sa aking sarili
Kundi para sa aking kapwa
Upang magmahal at maglingkod sa kanila
Ang buhay pala ay para sa kapwa buhay
Ang lahat ng mayroon ako ay mula rin pala sa Dakilang Lumikha
Kung kaya kung magbahagi man ako
Wala pa rin pala sa aking mawawala
Dahil ang aking ibabahagi
Ay ang mga biyaya ko lamang
Na natamasa dahil sa awa ng Dyos Ama
Sa edad kong ito... huli na kaya ang lahat?
Matapos akong matauhan mula sa aking pangungulila
May oras pa ba upang baguhin ko ang lahat?
Makikilala pa kaya ako ng Dyos na hindi ko kinikalala
At naalala ko lamang ngayong ako ay may karamdaman na
Habang ako ay nakaratay sa banig ng karamdaman
Habang binibilang ko ang patak ng likido
Na dahan-dahang dumadaloy sa linya ng aking 'dextrose'
Kung kaylan hirap na akong huminga kahit may 'oxygen tank'
Sa lalong madaling salita... habang hinihintay ko ang aking kamatayan
May magagawa pa ba ako upang sagipin ang aking kaluluwa
Kung totoo man ang sinasabi nilang dagat-dagatang apoy
Ang kintatatakutan kong impiyerno...
Kung makakahiling lang muli ako...
Kahit ngayong pasko na ito
Sana magbago ang lahat
Sana maging malakas muli ako
Sana marating ko ang nais kong mapuntahan
At makita ang mga taong matagal ko nang iniiwasan
Pero bago iyon...
Kinakailangan kong wasakin ang pader na naghihiwalay sa akin at sa kanila
At buksan ang aking puso upang magbigay ng ganap sa aking kapwa...
Mahirap
Mabigat
Masakit na para sa nahuhutok kong kalamnan
Subalit kailangan kong lumaya
Mula sa aking sariling kahinaan
Mula sa aking sariling hangganan
Ay kailangan kong lumampas
Hindi para sa akin
Sa pagkakataong ito...
Para sa aking kapwa...
Hanggang ang liwanag ng Dyos
Ay suminag sa aking puso
Upang magpatulong sa aking 'nurse' na sumakay sa aking 'wheel chair'
Dala-dala ko ang mga abubot na kaya kong kalungin sa aking kandungan
At magmistulang 'Sta. Claus' sa lahat ng mga masalubong ko
Ito pala ang sinasabing pagbabago
Nakakapag-paindak ng puso at kaluluwa
Nagbibigay ng lakas sa napapagod na katawan
At nakakapagpa-luha sa bawat ngiti at halakhak mula sa aking kapwa
Ang pinakamaganda palang pangarapin sa buhay na ito
Upang higit na maging makahulugan ang buhay ng tao
Ay ang makapag-hatid ng kaligayahan sa ating kapwa
Upang mapasaya ko ang Panginoon
Sa pamamagitan ng aking kapwa
Oo... marami nga akong pwedeng maibahagi sa aking kapwa
Pero ang pinakamahalaga pala
Ay ang maibahagi ko ang isang bagay na matagal ko nang ipinagdamot
Iyon ay ang aking sarili...
Na marunong din palang maawa sa kapwa ko nakakaawa
Na maaari rin palang magmahal sa kapwa ko kamahal-mahal...
Kahit na napagod ako...
Masaya kong ipipikit ang aking mga mata
Ang sandaling ito ay tila isang walang hanggan
Na ituturing kong kayamanan
Hanggang sa magkita kami ng Dakilang Ama
Kung hindi ko man masilayan ang bagong umaga bukas
Papanaw akong may ngiti
At may pagpapasalamat
Dahil alam ko na kung gaano kamapag-bigay ang Dyos Ama
Nang ibigay Nya ang pinakamamahal Nyang Anak
Upang tubusin ang taong katulad ko na makasalanan...
Malalaman mo palang totoong nagbibigay ka
Kung ang ibinabahagi mo ay ang pinakamamahal mo
Palagi... ito ay masakit
Dahil sa pagbibigay mo sa iyong kapwa
Kinakailangan kang magtiis
Upang ang dahilan ng iyong kaligayahan
Ay ibigay mo ng buong puso
Sa mga taong higit na nangangailangan
Subalit ang bawat nawala at ating isinakripisyo
Ay pupunan din ng Dyos na Lumikha
Nang mga pagpapala na walang patid
At kaligayahang na laging nag-uumapaw...
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment