Saturday, December 31, 2011

Kamatayan



Ang buhay ay tila putungo lagi sa kamatayan
Sa bawat hakbang lagi natin
Mula ng ating pagkasilang
Nang tayo ay lumaki
Mula sa ating kabataan

Hindi man natin namamalayan
Subalit tayo ay napapaalalahanan
Kapag may nababalitaan tayong pumanaw
Kapag may kalamidad na rumagasa
Sa tuwing may nawawala
Mga bagay na naluluoy ng panahon
Mga bagay na ibinabaon sa hukay
Nang kamatayan at ng kahapon...

Sa bawat gabi ng bawat burol
Naroon ang mga matang lumuluha
Mga pusong nangungulila
Dahil nawalan ng pinakamamahal sa buhay

May mga panalanging inihahandog
Para sa mga katawang nagtitiis ng pagpapakasakit
Habang nakakaramdam ng hirap ng paghihingalo
Para sa huling hininga patungo sa kamatayan

At may nanatiling lumalaban din para mabuhay
Pilit tinatakasan ang hagupit ng kamatayan
Ang iba ay biktima ng mapait na karanasan
Upang sapitin nila ang malagim na katapusan

Oo, lahat tayo ay mamamatay
Pagkat ang kamatayan ay totoong hangganan ng buhay
Subalit ang buhay ay marapat nating pasalamatan
Mula sa Dakilang Lumikha na dahilan ng ating buhay

Palalimin natin ang pagpapakahulugan natin sa ating buhay
Pagkat ang bawat buhay ay regalong may dahilan at may kaugnayan
Masugatan man tayo sa ating pakikibaka sa ating pang-araw-araw na buhay
Bumangon tayo na may pag-asa matapos mahilom ang ating mga iniindang karamdaman

Ganun naman talaga ang kahiwagaan ng buhay
Lagi tayong may mga tanong sa ating sarili
Na kalimita'y hindi natin kayang sagutin:
Kung para saan ang ating buhay kung ito'y papanaw din lamang?
Kung bakit ang kaligayahan ng tao ay panandali at paimbabaw lang?
Kung bakit tayo kinakailangang igupo ng dusa at sakit?
Kung saan patutungo ang buhay na ito?
Mga katanungang buong buhay nating hinahanap
Na ang sagot ay kalimitang...hindi natin agad masumpungan

Subalit kung ang ating buhay
Ay maging dahilan din ng ibang buhay
Maaaring magkaroon ng higit na pagpapakahulugan ang ating buhay
Isang pag-ibig ang sisibol mula sa ating tigang na kaluluwa
Na didilig sa bawat puso na masasaling nang ating buhay...





===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: