Wednesday, December 21, 2011

Sakripisyo



Mahirap ipaunawa kung saan ako pupunta
Doon kasi iyon sa lugar na hindi mo magugustuhan
Dahil matinik na landas ang susundan kong mga bakas
Habang binabagtas ko ang masukal at ilang na kagubatan

Malimit aabutin ako ng dilim sa kawalan
Kung saan liwanag ng buwan lamang ang aking tanglaw
Sa umaga, nakapapasong init ng araw ang aking suuungin
O malakas na buhos ng ulan ang kailangang tiisin

Sa aking 'back pack' andun na ang lahat
Ilang pagkain at mga gamot ang aking bitbit
Hindi ito para sa akin kundi para sa aking dadalawin
Na masayang naghihintay sa akin at sasalubong pagdating

Maalikabok man ang daan o maputik kapag maulan
O ilang araw man ang aking kinakailangang lakarin
Hindi ako mapipigilan sa aking niyakap na hangarin
Upang marating ang aking mga mag-aaral na naghihintay sa akin

Sasama ka pa ba sa akin kahit abutin tayo ng sigwa?
Nang biglang pagtaas ng tubig sa gitna ng kabundukan
Kung saan ang bawat bangin ay isang pagpapa-alala
Na ang ating isang buhay ay isang pagbabahagi sa ating kapwa

Wala akong maisusukli sa iyo kung ikaw ay sumama
Dahil salat sa kayamanan ang aking mga tinuturuan
Kundi isang pamilya nang nagmamalasakit na kaibigan
Ang iyong masusumpungan dahil sa pag-ibig sa iyong kapwa.




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: