Monday, February 11, 2013

Pagsubok



ito na marahil ang pinakarurok ng pagsubok ko
kung saan kinakailangang isuko ko ang lahat ng mga pinanghahawakan ko
ang bitiwan ang lahat ng mga biyayang inampon ko
para sa isang pinaka-iibig ng puso ko

ito yung sandali na mababalewala ang hinaharap
kung saan humihinto ang lahat ng buhay na gumagalaw
at sa kaningningan ng sandali tinig mo lamang ang umaalingawngaw
na tumatawag ng pahikbi sa aking bigay mong pangalan

sandali na lamang ang iyong paghihintay at darating na ako
iiwan ko na ang lahat at mananatili lamang sa iyo
masasamahan na kita sa  kalungkutang kinasasadlakan mo
upang madamayan ka man lang sa mga pagpapakasakit mo

kailanganin mang mamatay ako ng sanlibong pagkakataon
ihahandog ko pa rin ng paulit-ulit ang buhay ko para sa iyo
ikaw na nagbigay sa akin ng buhay ko hanggang ngayon
ang siyang pag-aalayan ko rin ng buhay kong ito

hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa aking kinabukasan
inaasa ko na lamang ito sa kamay ng Dakilang Lumikha
hindi ako mabibigo sapagkat ito ay hindi hangganan ng buhay
dahil isusuko ko ang lahat-lahat alang-alang sa aking minamahal.




Den Mar



1 comment:

vince30 said...

Malungkot pero nawa ang Kalooban ng Panginoon ang mangyari. Dakila ka kaya't kadakilaan rin ang kapalit ng lahat ng ito. Nawa ang desisyon mng gagawin ay maktulong upang mas lumago at yumabng p nang husto ang iyong sarili. Dalangin ko ang tagumpay ng kalooban ng Lumikha upang anuman ang mangyri masabi mo pa rin "Tama ang ginawa ko."