Sunday, September 28, 2014

Dakilang Mangingibig



Paano ko matatalikdan ang isang pagmamahal?
Na sumibol mula sa aking kawalang malay
Kung saan nagkaroon ng kaganapan ang pag-big
Na hinugot mula sa sinapupunan ng pag-iisang dibdib

Ang pagmamahal na ito ay bunga ng pagpapakasakit
Nang isang pinakatatangi na sa akin lamang ay umibig
Sa kabila ng paulit-ulit kong mga pagkakamali
At napakaraming beses na pagsugat sa pag-aalay ng kanyang sarili

Paano ko makakalimutan ang gaya n'yang dakilang mangingibig?
Na kahit hindi niya kaylan man nabanaag ang pag-asa sa akin
Ay pinili pa rin niya akong yakapin at pikit-matang tanggapin
Sa kabila ng mga kataksilan ko ay nagagawa pa rin niya akong patawarin

Ito ang tumunaw sa panlalamig ng aking puso...
Na dumurog ng ganap sa ganid na pagkatao ko
Ang ibigin pala ang pinakamagandang nangyari sa akin
Dahil sa busilak n'yang pag-ibig... naging kapwa rin niya ako na mangingibig

Tanging sa piling niya matitiwasay ang aking pusong nahihilahil
Kapag kayakap ko siya hindi na ako matitigatig ng anumang pagsubok na sisilaw sa akin
Maaaring isang araw... sa isang iglap ay madapa at mapasadlak akong muli
Subalit alam ko na may dakilang mangingibig na muling hahango sa akin

Wagas na pagmamahal ang bumago sa aking puso
Na daluyan ng pag-ibig, pagpapatawad at pagsuko
Tanging pagmamahal lamang ang nagpatahan sa aking pagkabigo
Nang buuing muli ng pagmamahal ang nagugulumihan kong pagkatao. denmar

No comments: