Monday, August 31, 2015

OFW


OFW
marami sa mga OFW ay nangibang-bansa hindi dahil sa gusto lang nila kundi dahil nakikipagsapalaran sila para mabigyan ng higit na mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya. kung may magandang trabaho dito sa ating bansa na may magandang pasuweldo, bakit pa nga ba naman sila lalabas para mangibang bayan?
oo, nangangarap sila pero hindi lang para sa kanila ang ambisyon na iyon kundi para na rin sa pamilya nila na kanilang iniiwan. nasasaktan sila kapag binabalewala sila kasi hindi naman sila pumunta sa ibang bansa para magbakasyon or mag-tour around the world kundi upang magtrabaho ng patas at kumita ng sapat na pera para makapag-padala sa kanilang umaasa na pamilya.
ang sabi sa akin ng tatay ko noong nabubuhay pa siya, "anak, mag-aral ka ng mabuti habang may pagkakataon ka... para hindi mo na ako gayahin na kailangan pang mag-paalipin sa ibang lahi at magtiis sa pagbibilad sa napaka-tinding sikat ng araw para lamang kumita ng pera para sa pamilya."
sa murang edad ko, doon ko nalaman na ang mga OFW ay hindi pala mga alkansya na anytime pwedeng hingian ng pera kasi naka-budget na pala iyon. kapag umuwi sila, nasasaktan sila kapag ang nagiging tingin sa kanila ay mga bangko na unlimited ang pondo dahil unang-una, mga tao sila na umuwi sa Pilipinas hindi para gumastos lamang kundi upang makasama ang kanilang mga pamilya kahit sa konting panahon lamang at makapagbakasyon para makapagpahinga mula sa mga nakakapagod nilang hanapbuhay.
swerte na lang kung may naipon sila na pampa-package ng balikbayan box, kung nakapagtabi ng konting pampagawa ng bahay, kapag may budget pa para pangkain sa labas, at panglibre sa mga kaibigan... pero ang lahat ng ito para mangyari ay kailangan ng pagtitiis sa maraming pagod sa overtime at maraming beses na pagtitipid kahit na minsan ay abutin pa sila ng gutom.
kapag araw ng remittance ng suweldo, marami sa mga OFW ay malimit hindi na inaalintana ang maubusan ng pera makapagpadala lang sa kanilang pamilya. hindi rin sila nawawalan ng pag-asa dahil andun sa kanilang lumang pitaka ang tanging pinaka-iingat-ingatang larawan ng kanilang pamilya.
ang malungkot na bahagi, hindi lahat ng OFW ay sinusuwerte sa kani-kanilang mga amo. marami rin sa kanila ang nabibigo. marami ang tumatakas dahil mayroong mga sinasaktan. meron ding nagtatago or nati-TNT, marami din ang nadi-deport, marami rin sa kanila ang nakukulong. marami sa kanila ang nagkakasakit. marami rin sa kanila ang naaaksidente... ang iba ay nababaldado at mayroon ding mga namamatay.
kahit na ganito ang sitwasyon, kapag tinanong mo sila "kung babalik pa ba sila?" ang laging sagot nila ay "oo" kasi wala pa namang ibang option or job opportunities dito sa pilipinas.
kaya tayo na nakakapagtrabaho dito sa pilipinas, maging masaya sana tayo para sa kanila kasi marami sa kanila ang nangangarap na dito rin sa pilipinas makapagtrabaho dahil gusto nilang makasama ang kanilang pamilya kaya lang hindi sapat ang kita.
tayong mga anak ng mga OFW, magmalasakit din tayo sa lahat ng mga pinaghirapan ng ating mga magulang... mag-aral ng mabuti para kapag dumating ang panahon, tayo naman ang mag-aalaga sa kanila.
ako, sampu ng aking mga kapatid, buong pagpapakumbaba kong inaamin na iginapang ako ng tatay ko na mapatapos ng pag-aaral upang malaya akong makapili ng aking kinabukasan. akala ko nga e matatawag na akong makabayan dahil mas pinili kong makapagtrabaho dito mismo sa pilipinas pero hindi pala. sa likod ng aking isipan, alam ko na ayoko palang mahirapan katulad ng tatay ko... hindi ko pala kayang magtiis katulad ng tatay ko... hindi ko pala kayang magmahal ng sobra-sobra kagaya ng tatay ko na dangang tiisin nya ang matinding kalungkutan ng pag-iisa at masidhing pangungulila para lamang sa kanyang pamilya.
ang tatay ko ay isa lamang na buhay na mukha para sa akin na sumasalamin sa milyun-milyong OFW na nakikibaka sa ibang bansa. marami silang kwento, hindi iyon kayabangan kundi iyon ay totoong buhay at totoong pakikipagsapalaran. malimit napapaiyak sila, at least, kapag nakinig tayo sa mga kwento nila ay napapagaan din natin ang kanilang mga kalooban. kapag nahawakan mo ang kanilang kamay at nahahagod ang kanilang sumasakit na likod at balikat, nababatid nila na ikaw rin ay nagmamalasakit para sa kanila.
ngayon ko lang masasabi... ang hirap pala maging OFW... kinakailangan pala na may puso ka na mapagbigay. kinakalingan din pala ay may puso ka na marunong ding magtiis... at minsan ay kailangan ding may puso ka na marunong ding lumaban para sa iyong mga minamahal sa buhay...
ang bawat pilipino saan mang panig ng mundo ay palagi niyang napapasaya ang saan mang sulok ng daigdig kung nasaan man siya. kasi ang pilipino ay likas na masayahin... likas na mapagkumbaba... likas na malikhain... at likas din sa kanya ang dedikasyon at kasipagan.
ang bawat OFW ay may lakas ng loob. ang bawat OFW ay may tibay ng pananampalataya sa Diyos... ang bawat OFW ay bayani ng kani-kanilang mga pamilya na umaasa at umiidolo sa kanila... at dahil diyan ay sumasaludo po ako sa inyo.
pagpalain nawa kayo ng Panginoon!

No comments: