Wednesday, June 15, 2011

Metanoia




Kaninang tanghali
Grabe, antindi ng init ng araw
Sinusunog ka na nga,
Umiihip pa nang malakas ang maalinsangang hangin
Na nagpatikwas ng aking payong
Upang matambad ako
Sa nakakapasong init ng araw
Habang binabaybay ko
Ang overpass ng Guadalupe.

Habang naglalakad
Halos maligo na ako
Sa butil-butil na pawis
Na gumuguhit mula noo hanggang binti
At kumakatas na sa aking damit

Andami kong reklamo
Kulang na lang ay magmura ako
Syempre semenarista ako
Kaya hindi ko gagawin iyon
Pero ang magreklamo
Iyon na lang ang ginawa ko
At inisip ko
Sa GuadaMall, may aircon
Kaya dali-dali akong naglakad
Upang marating ko ang langit na iniisip ko.

Sa kabila ng overpass na aking binaybay
May namamalimos na bulag na mama
Sa lilim ng kanyang gula-gulanit na payong
Hindi niya alintana ang init ng maghapon
Nakaupo siya, malamang mula pa kaninang umaga
Nakalahad ang kamay na may lata
Nanghihingi ng awa
Sa kanyang paa ay may plastic ng yelo
Halos tunaw na nga
Pero parang iyon ang langit nya
Kanyang ginhawa sa gitna ng nagbabagang mundo.

Natahimik ako sa aking pagrereklamo
Ang mabilis kong mga hakbang
Ng pananabik patungo sa aircon na mall
Ay nauwi sa matinding awa
Hindi para sa matanda
Kundi para sa aking sarili
Wala pala akong inisip kundi ang aking sarili
Samantalang ang bulag na mamang ito
Ay nagtitiis
Hindi para sa kanyang sarili
Kundi para sa kanyang iniibig.

Kailan ba ako nagtiis para sa iba
Tanong ko sa aking sarili
Sa kabila ng kanyang kapansanan
Handa pa rin siyang magtiis
Ano nga ba ang naibigay ko sa sangkatauhan?
Kapag ako'y pumanaw paano kaya ako alalahanin?
Mga uod lamang ba ang makikinabang sa akin?

Sa kanyang lata, naghulog ako ng barya
Manong, sabi ko
Pambili nyo po ng yelo
Wala siyang sinabi kundi ngiti
Siguro inisip nya kagaya ako ng iba
Na nangti-trip lang sa kanya
Manhid na rin marahil siya
Sa pang-aalipusta ng kanyang kapwa
Pero sa pagkakataong iyon na ordinaryo para sa kanya
Nakanti nya ang manhid at makasariling mundo ko
Upang matunaw at muling magpakatao...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: