Thursday, June 16, 2011
Uwian
Kanina, alas kwatro ng hapon
Pagkatapos ng klase sa San Carlos Seminary
Dahil papadilim na ang langit na bumabadya ng ulan
Dali-dali kaming naglakad patungo sa MRT
Hanggang bumuhos ang malakas na ulan
Na may hanging humahampas sa aming nagiray na payong
Hanggang sa naabot namin ang mahabang pila ng MRT
Napagod ng kaunti dahil sa mataas na tinakbo
Medyo basa kagaya ng iba
Inihanda ko ang halaga na pambili ng tinging tiket
Sumabot sa bulsa kung saan may natirang bente at piso
Dose hanggang Cubao, otso hanggang Gilmore
Okay at may sobra pang piso
Sapat pa na pambili ng candy.
Pero sa dulo ng pila ng MRT
May Red Cross volunteer
Marahil buong maghapon na siyang nakatayo
Habang hawak ang lata na pang-donasyon
Hinihimok ang kapwa na maghulog
Kahit konting barya sa butas ay mag-shoot
Sabi ko matapos akong bumili ng sobrang piso ko
O, eto sa yo na ang sobrang piso ko
At nagpasalamat ang mamang Red Cross
Sinigurado akong makakarating sa patutunguhan
Ang piso kong pinagka-tabi-tabi.
Matapos ang mahabang pila sa tiket
Mahabang pila naman sa kapkapan ng gamit
Sandali lang at isinusuksok ko na
Ang aking tiket sa entrance ng MRT
Sandali pa at bumungad na sa amin ang laksang tao
Na tulad namin ay nag-aabang din ng tren
Sa unang hinto ng tren, nabigo akong nakasakay
Nauna na sa akin ang ibang kasama ko
Naiwan akong mag-isa
Subalit sa pangalawang tren ay nabigo muli ako
At sa pangatlo matapos ang matagal na paghihintay
Siksikan man, dahil sa tulakan ako'y nakapasok din.
Sa loob ng MRT wala na halos galawan
Sari-saring amoy ng buong maghapon
Ang manunuot sa butas ng iyong ilong
Habang nakatayo, hindi mo na makukuha pang lumingon
Kahit sa bandang pwet at likod mo ay may kung anong tumutusok
Wala na lang malisya, sabi ko sa aking sarili
Ang mahalaga, makarating ako sa patutunguhan ko.
Sa gitna ng sitwasyon meron pa ring nagrereklamo
Merong nagkasagutan at nagmurahan pa
Kung hindi ka maitulak, ikaw ay masisiko o makakabig
Pero lahat ng pagkainis at pagtitiis ay lilipas
Sa sandaling huminto na ang MRT
Sa lugar kung saan pasahero ay nais bumaba
At hindi matatapos ang kalbaryo
Pagkatapos sumiksik palabas ng tren
Mahabang pila uli...
May pasaherong aayusin ang sarili at bitbit na pasalubong
Ibubukas ang payong dahil malakas ang ulan
Sa celfon, bubulong sa kausap sa kabilang linya
'Anak malapit na ako, dala ko na ang pasalubong mo.'
Samantalang ako
Sinalubong ng kapwa ko seminarista
Na kanina ay nauna sa aking sumakay sa MRT
Upang sabay-sabay kaming umuwi sa aming tahanan.
Labels:
Daily Struggles,
Life,
Memories
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment