Thursday, June 2, 2011

Piso


Malimit sa aking sinasakyang jeep
Naroon, may gusgusing maglalahad ng palad
Manghihingi ng limos sa mga taong matatapatan
Habang mga pasahero ay umiiwas, nagkikibit lamang ng balikat.

Dumukot ako sa aking bulsa
Tanging baryang piso ang laman
Nang iaabot ko na, pinigilan ako ng kapwa ko pasahero
Umaabuso daw at nagiging tamad.

Ako'y napangiti, nag-isip ng malalim
Sa halagang piso na ibibigay ko sa aking kapwa
Kahit ako'y kapwa mahirap din
Hindi naman ito ikaka-yaman o ikahi-hirap ng aking buhay.

Ibinigay ko pa rin ang piso sa pulubi
Pinunasan nya ng kamay ang aking maduming sapatos
Bumaba siya ng sasakyan... hinimas ang tiyan at ngumiti
Marahil sa katanghaliang tapat, dun pa lang siya mag-aagahan.

No comments: