Saturday, June 18, 2011
Kasaysayan
Bumangon ka Inang Bayan mula sa iyong pagkakakahimlay
Hilumin ang mga sugat na nilikha ng nakaraan
Giray na watawat Mo'y muling iwagayway
Batiin ang umaga sa kabila ng kapanglawan.
Alalahanin mo lahat kaming mga pumanaw
Nang mag-alay ng buhay para sa Iyo, Inang Bayan
Kung saan sa huling hininga, ngalan Mo ang sinambit
Matamis na ala-ala sa tindi ng pasakit.
Tawagin mo akong anak, aking Inang Bayan
Ariin mo akong mangingibig ng tunay na kalayaan
Kung saan walang pagka-alipin sa sariling bansa
Ang hahadlang upang mayakap ka sa iyong dalisay na kanlungan.
Anong maihahandog ko sa iyo upang maibsan ang iyong kalungkutan
Malamig na punebre ba ang isasaliw ko sa himig ng iyong kanta?
Habang tinatangisan mo ang Iyong mga anak sa kasalukuyan
Na tila nakalimot na sa kabayanihan ng nakaraan.
Tipunin mo ang aming mga palahaw mula sa aming libingan
Mga tinig ng pag-asang nakapinid na umaalingawngaw
Upang aming nasimulang pakikibaka'y amin nang ipamana
Sa kasalukuyang panahon sa nagababagang puso ng bawat masa.
Labels:
Inspiration,
legacy,
Life,
Memories,
Metanoia,
Nationalism,
New Perspective,
Patriotism,
Realization,
Social Awareness
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment