Monday, October 24, 2011

Biyaya



Sa 'formation' na ito
Nakatutuwa
Matapos ang halos limang taon
Kapag pinakikinggan ko ang aking sarili
Lagi, gaya ng dati
Andami kong reklamo

Andami ko kasing hinahanap
Kahit wala, lagi akong nagpupumilit
Na magkaroon ako
Kaya lang, wala talaga
Kaya lagi din
Nagpuputok ang aking 'butsi'
Kasi ang mga hinahanap
At aking hinahangad
Ay wala sa apat na sulok
Nang seminaryong aking kinasasadlakan

Malimit gusto ko nang sumuko
Ang hirap ata maging mahirap
Galing ka na nga sa hirap
E, pagdating mo sa seminaryo
Puro hirap pa din
Minsan sabi ko sa aking sarili
Kung bakit ba naman kasi
Ang tino ng buhay ko sa labas
E, pumasok-pasok pa ako
Sa buhay na ganito
Sa buhay relihiyoso
At mabuhay ng mahirap pa sa isang daga
Nang isang kahig, isang tuka
Nabubuhay lang din sa limos at habag ng iba

Sa maraming reklamo ko
Sumilay ang liwanag ng pagkaunawa
Kahit paano... ang pagtanggap ko sa katotohananng
Maaaring tinawag nga ako ng Dyos sa buhay na ito
Mula sa aking kinasasadlakan ay tinawag ang pangalan ko ng Diyos
Sa buhay na ganito
Sa buhay relihiyoso
Kahit walang bakas ng pagka-maka-Dyos ang nakaraan kong buhay
Eto, pinagtitiyagaan pa rin ako ng Diyos
HInihintay pa rin Nya ang buong pagkatao kong pagtalima sa Kanya
Kasi hanggang ngayon...
Andami ko pa ring reklamo
Andami ko pa ring hinahanap
At hindi nawawala
Ang kagustuhang kong sumuko
At huminto na sa pagtugon

Marami akong reklamo kasi
Masakit ang basagin ang iyong pagkatao upang buuing muli
Marami akong hinahanap
Kasi mahirap ding kalimutan ang dating ako...
Mahirap ang magpakumbaba
Mahirap ang magpatawad
Mahirap ang magpakabanal
Mahirap ang manatiling tapat sa pagtugon sa Dyos
Dahil ang pagtugon dito ay nangangahulugan
Nang pagtahak sa landas na lihis
Sa landas na tinatahak ng mundo

Ang paglalakbay sa buhay na ito...
Ay isang matinik at masukal na landas
Na minsan ay nangangahulugan
Nang malungkot at mapanglaw na paglalakbay
Dahil sa paglalakbay na ito
Minsan makikita mo ang sarili mong mag-isa
Kung minsan kinakailangan mong lunukin ang mapait na bunga ng pangungulila
Dahil ang pag-aalay ng buhay
Ay nangangahulugan ng pagtitiis
Kung saan ang pansariling kaligayahan
Ay buong pusong tinatalikdan

May mga gabing itinatago na lamang ng katahimikan
Ang mga hibik ng pangungulila
Kasi para kang papel na pinipilas
Kapag naramdaman mo ang kawalan at pagdaralita
Mag-isa kang mangungunyapit sa panlalamig
Sa gitna nang iyong sakit at sinapit na karamdaman
Kung saan wala ka nang ibang aasahan
Kundi ang tanging biyaya ng Panginoong Lumikha

Sa maraming reklamo ko sa buhay na ito
Nagtitiyaga pa rin sa akin ang Diyos
Hindi Niya iniinda ang mga sakit ng kaloobang
Idinudulot ko sa kanya
At sa bawat paggising ko sa umaga
Hindi ako binibigo
Na ako'y bigyan ng bagong pag-asa
Kahit sa araw lang na ito.



Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: