Monday, October 24, 2011

Pagmamahal



May pagmamahal pa ba?

Sa mundong aking ginagalawan
Kung saan ang lahat ng bagay ay may katumbas na halaga
Kung saan wala nang libre, bayanihan o pagtulong sa kapwa
Namamayani ang mga salitang 'justice,' 'equality,' at 'freedom'
Mga salitang ordinaryo na lamang na ginagamit na dahilan
Upang takasan ang responsibilidad natin sa ating kapwa

Kapag may pulubing nanlilimos
Laging sinasabi 'bahala ang gobyerno dyan, tax payer ako'
Kapag may nasagasaan sa kalsada
Ayaw nating makisangkot
Kahit nakita natin kung sino ang dapat usigin
Wala tayong pakialam dahil hindi naman natin siya kaano-ano

Kapag may nasaksihan tayong katiwalian
Wala tayong ginagawa upang ituwid ang pagkakamali
Kung minsan, malimit kaysa hindi
Ang mga taong nagmamalasakit
Ang napapahamak na saksi

Sa panahon ngayon
Ang magkakapitbahay sa malalaking 'sub-division'
Ay halos hindi magkakakilala
Kapag ang isang tao ay 'walang sinabi sa buhay'
Malamang-lamang, wala tayong pakialam
At malimit, madaling sabihin ang salitang 'malasakit sa kapwa'
Pero sa totoong buhay, hindi naman ito ginagawa

Hipokrito ang tawag sa ating mga sarili
Kung sa salita lamang tayo 'nagmamahal'
Kung sa ating pang-araw-araw na buhay
Masahol pa tayo sa dyos-dyosang mapang-api
Na nagpapasamba sa ating kapwa
Dahil ang tunay na pagmamahal
Ay hindi lamang nagmamahal sa mga taong nagmamahal sa kanya
Kundi nire-respeto din niya ang kapwa
Maging sya man ay isang maliit na maralita

Ano nga ba ang pagmamahal?

Pagmamahal ay ang pakikibahagi
Sa iniindang sakit ng iyong kapwa
Sa halip na siya ang masaktan
Aakuin mo ang kanyang pasanin at alalahanin
Ito ay ang pag-aalay ng sarili sa kapwa
Pag-aalay ng buhay
Ang pagpaparaya ng iyong kaligayahan para sa ikabubuti ng iba
Ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa iyo
Sa kabila ng pag-angkin nila ng iyong kinabukasan
Ang pag-paparaya sa iyong mahal na hanapin ang kanyang kaligayahan
At ang pagtanggap sa kanyang kabiguan sa kanyang pagbabalik...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS