Sunday, October 23, 2011

Suyuan sa Panahon ng Giyera



Habang ang daigdig ay nagkukumahog
At nakikipagtagisan sa buhay at kamatayan
Heto tayong dalawa, magkasama
Magkahawak kamay
Walang kamalay-malay
Sa paglipas ng oras

Sa gitna ng giyerang nagaganap
Ang ingay ng mundo na sinasaliwan ng bomba at granada
Ng mga pagtangis ng sakit at kawalan ng mahal sa buhay
Parang musika naman sa aking pandinig ang iyong tinig na malambig
Na malamyos na bumubulong upang patuloy na manalig
Na manatiling buhay sa kabila ng kawalan ng pag-asa

Ang iyong yakap ang nagtatanggal ng aking takot
Nanunuot ang iyong banayad na haplos
Na bumaybay mula sa aking balikat, braso, kamay
At nanagos sa kaselanan ng aking kaluluwa
Tila kuryente na bumubuhay sa aking dugong nahihimlay

Ang tamis ng iyong halik
Sa aking pisngi, leeg, balikat at sa aking kaibuturan
Ang nagpasidhi sa aking damdaming naumid ng takot at pangamba
Upang diligin ng pag-ibig
Ang matagal nang nanabik na lupang tigang
Sa isang pagsuyong tapat at dalisay
Sa sandaling tila walang hanggan

Ngayon ay binigyan mo ako ng sapat na dahilan upang mabuhay
Upang ang bunga ng ating pagtatalik
Ay panabikan ko sa bawat araw at gabi
Mula sa aking paglisan at sa aking pagbabalik
Sa iyong kandungan at nag-aalab na piling.




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: