Sunday, October 23, 2011
Love at First Sight
Una pa lang kitang nakita minahal na kita agad
Mata sa mata tayong nagkatitigan
Kung saan ang sandaling iyon ay tila walang hanggan
Tila huminto ang oras sa isang iglap ng pagsilay ko sa iyo
At nabasag lamang ang aking pagkatigagal at pagkamangha
Ng bawiin mo at iiwas mula sa akin ang iyong tingin at ibaling sa iba.
Subalit ang gunita ng kanina ay malinaw pa ring umaalingawngaw sa aking isipan
Tila naipinta ko na sa aking balintataw ang iyong larawan
Kung saan matamis ko itong paulit-ulit na binabalikan
Ito na ang langit na aking nasumpungan sa hindi inaakalang sandali ng pagtatagpo at pag-iwas
Isang mabulaklak na rosas na nagbibigay aliw sa aking mundong mapanglaw
Ang iyong tinig ang biglang naging musika ng aking buhay
Ang iyong halakhak ang naging himig ng aking pagkatao
Kahit lingid sa iyong kaalaman
Paulit-ulit kitang niyayakap sa aking nananabik na isipan
Kung alam mo lang…
Minahal kita bilang ikaw
Iniaalay ko sa iyo ang aking lihim na pag-ibig
Kung saan hindi ito masusukat bawat yakap at halik
O ng mga kataga o anupamang salitaan
Kahit ng pansin o pagsulyap
Kung saan walang nagbibigkis na pangako
O damdamin ng pag-ibig mula sa iyo
Mananatili pa rin akong tapat
Sa kabila ng mga tinik sa ating landas
Mananatili akong umaasa
Patuloy na mananabik sa iyong sulyap
Kahit sa isang sulok…
Kaligayahan ko na lamang ang masilayan ka
At ang maibulong ko sa aking sarili
Na iniibig kita…
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Expressionism,
Love,
New Perspective,
sacrifice
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment