Saturday, October 22, 2011
Novitiate
Sa tuktok ng kabundukang binibigkis ng halik ng ulap
Naroon ang kanlungang itinuring naming tahanan
Kung saan kapiling ang Dyos sa gitna ng katahimikan,
Dinalisay aming mga puso upang higit na magmahal
Binabati ng aming awit ang katahimikan ng bawat umaga
Na sinasaliwan ng huni ng mga ibong malayang lumilipad
Lakip sa bawat panalanging itinataas namin sa Ama
Ang bagong pag-asa sa bawat araw na hangad ng aming kaluluwa
Magkakapatid kaming magkasalo sa isang hapag ng Panginoon
Sama-samang pinasasalamatan mga biyaya Niyang handog
Pinakikinggan ang bawat kwentong sinasaysay ng bawat isa
Na nagpapasaya sa aming mga puso sa gitna ng karukhaan
Sinong makakalimot sa masasayang Linggo ng Novitiate
Sa bawat apostolate o sa 'simbang gabing anong lamig'
Kung kelan nagiging Santa Claus ang mga Brothers kahit saglit
Sa isang payak na kaligayahang inari kong aking langit
Pagkatapos ng buong maghapon, mga tala lamang sa kalangitan
Tanging sinisilayan sa bawat paglubog ng araw
Kasabay ang pagpatak ng agos ng luha ng pangungulila
Sa paglipas ng panahong hindi namin namamalayan
At matapos ang dalawang taon-- ala-ala lamang ng mga ngiti
Ang tanging binaon ko nung Novitiate ay lisanin
Kung saan ang aking puso ay nabighani ng Ama
Sa bawat pakikipagniig ko sa dalisay Niyang mukha.
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Brotherhood,
Family,
Formation
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment