Sunday, October 23, 2011

Pagtalima



Ito ang pinili naming landas para sa aming buhay
Isang landas na matinik at masalimuot
Na lihis sa pangkaraniwang agos ng karaniwang buhay
Kung saan ang pagbibigay at pag-aalay ng sarili
Ang tanging maaring ariin upang ihandog sa Diyos Ama

Isang landas na matinik…

Sapagkat ang susugat sa iyong puso ay sarili mo ring kapatid
Sa isang landas na masukal at liko-liko
Kung saan sa mahabang paglalakbay susubukin ang iyong pasensya
Hanggang maangkin mong ganap ang tunay na kahulugan ng pagpapakasakit
At ariing bilang buhay na krus ang bawat pagsubok ng buhay

Maraming sugat ang nililikha ng paglalakbay na ito
Pagkat mahirap ipaunawa sa iba ang nasilayan at inari naming kaligayahan
Ang kahirapan ay inari naming kayamanan sa kabila ng aming kasalatan
Sa bawat pagdarahop ay kaligayahan ng pagbibigay at paghahandog buhay para sa aming kapwa

Sa pagiging mag-isa, inari naming yaman ang oras
Na maaari naming ilaan para sa aming kapwa
Upang buong buhay naming paglaanan ang Diyos
Nang aming mga dasal at papuri sa bawat sandali ng aming buhay

At pagtalima kung saan kaligayahan namin ang hanapin ang Kristo
At masilayan siya sa mata ng aming kapwa
Kung saan ang bawat hininga ng aming buhay
Ay buong pusong iniaalay sa Dyos na Dakila

Ang bawat isa ay ang buhay na Kristo
Mga buhay na larawan ng isang mapagmahal
At mapagpasayang Kristo
Na naghahangad na maging bahagi ng bawat buhay…

Mga Kristong may karamdaman na naghahangad ng kagalingan
At yakap ng nagmamalasakit na kapwa
Mga Kristo na nasa dilim ng kanilang buhay na naghahangad ng ating pag-unawa
Upang kahit saglit, ipaalala sa kanila na may nagmamalasakit sa kanila

Mga Kristo na kapwa nais maglingkod ng buong puso at buhay
Sa isang tahanan kung saan naroon ang presensya ng Diyos
Sapagkat wala kaming dinadala sa aming kapwa
Kundi ang tanging Kristo na amin lamang ding nasumpungan

Siguro ang tawag sa aming ginagawa ay hindi pagpapakabayani
Kundi ang pagkasumpong at pagyakap sa isang kaligayahan ng buhay
Na aming nasilayan sa pamamagitan ng aming pag-babalik handog
Nang aming buhay sa Panginoon nating Dakilang Lumikha.




===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: