Friday, January 20, 2012

Pagkaunawa


Maraming mga bagay ang mahirap unawain
Lalo pa kung hindi hindi natin ginagamit ang mata at puso ng Diyos
Mahirap maunawaan ang paghihirap ng ating kapwa
Kung ang pamantayang ginagamit natin
Ay ang pamantayang tayo lamang ang lumikha

Kung kaya maraming sugat ang lalong sumasakit
Sapagkat lalong lumalalim ang iniindang pagtitiis
Nang mga kapatid nating ating nahuhusgahan
Sa bawat salita at galaw nila na ating binibilang

Hindi natin maramdaman ang pagdurusa ng ating kapwa
Kung hindi tayo makikiisa sa kanilang iniinda
Kung patuloy tayong umiiwas sa katotohang pilit nating tinatakasan
Na tayo ay bahagi ng ating kapwa buhay

Ang pamantayang nilikha natin
Ay ang pamantayang nagtataboy sa iba
At pumapader sa tin
Bilang malakas laban sa mahina
Upang gahamang angkinin ang bawat karapatang
Ibinigay ng Dyos sa bawat isa...

Ang bawat talino, lakas at kakayanan
Ang pawang regalong handog lamang mula sa Dakilang Lumikha
Dumadaan lamang ito sa ating mga palad
Upang ibahagi sana sa natin sa iba

Subalit marami ang nasisilaw
Sa kaunting kinang ng mga bagay-bagay
Maraming kumakapit sa sa katanyagan at kapangyarihan
Upang libakin at apihin ang kapwa nating nilikha

Kailan pa tayo matututo
Na maging bukas palad sa ating kapwa?
Kung ang lahat ng ating hinahangad ay ating iiwan
Sa sandaling tayo ay igupo ng sakit at karamdaman

Habang tayo ay naghihingalo
Doon natin maiisip: katulad ng iba tayo kahabag-habag din pala
Sapagkat ang ating kasalatan sa pagmamahal
Ay tinapalan lang pala natin ng pagiging ganid at lapastangan

Kung ka'ylan hindi na natin kayang sapuhin sa ating mga palad...
Ang lahat ng ating mga hinangad
Doon natin mauunawaan ang kahulugan ng wagas na pagmamahal
Nang ating kapwa na nais ding huminga sa ilalim ng sandaigdigan

Masasabi nating tayo ang kahabag-habag
Dahil tayo ang naturingang mas makapangyarihan
Subalit tayo rin ang tila ganid na nang-aagaw
Nang buhay at dangal ng mas mahina nating kapwa

Katotohanan mang isipin na lahat naman tayo
Ay kailangang magbata at magtiis
Na ang mundo ay isang tagisan ng malakas laban sa mahina
Subalit sa kalagayan ng bawat aba at api
Ang Diyos ay nasa kanilang piling na nakikihati
Sa kanilang pasakit at dalamhati

Sa huling sandali ng ating buhay
Sa paghihingalo natin at pag-aagaw buhay
Mararamdaman nating tayo ay nag-iisa
Sapagkat hindi natin tinanggap si Kristo mula sa ating kapwa

Saan patutungo ang ating kaluluwa?
Gayong wala tayong inibig kundi ang ating sarili lamang?
Habang nakikita natin ang langit ng bawat inaba at inapi
Tayo naman ay nagdurusa sa impiyernong hinangad natin...




Br. Dennis DC. Marquez,sSSS