Wednesday, January 18, 2012

Pagpapatawad


matapos ang mahabang pagninilay hinggil sa galit...
napag-isip-isip ko
na walang magandang ibubunga ang maghiganti sa ating kapwa...
oo nga at marami akong pinagdadaanang hirap sa buhay
subalit ang paghihiganti ay hindi ko naisip sa aking kapwa...
napag-isip-isip ko
na sa dulo pala ng lahat ng galit
dahil sa pagbabanta sa seguridad at buhay natin
ay ang wagas na pagpapatawad.

kapag natutunan nating magtiis sa pang-aapi ng iba
at gawan pa rin natin ng mabuti
ang mga taong gumagawa sa atin ng masama at nagbabanta sa ating buhay
ay doon pala tayo pinagpapala ng diyos.
mahirap man ipaliwanag,
lahat ng mga bagay na inaagaw sa atin
ay ibinabalik pala ng dyos.

ang mundo nating ginagalawan
ay isang mundo ng labanan ng dalawang pwersa...
ang pwersa ng mabuti at masama.
tayo na kawangis ng diyos
na templo ng panginoon
ay nais nilang wasakin
at ilayo sa dakilang lumikha
gagawin ang lahat ng mga elemento ng kasamaan
na gumawa tayo ng masama.
kapag na nakagawa na tayo ng masama...
ang mga ispiritu ng kasamaan ay mananahan na sa ating mga sarili...
kaya pala nagkakaroon ng 'addiction' sa mga bagay-bagay
na inaakala nating nakakapag-pasaya sa atin...
at kapag nanahan na sa atin ang elemento ng kasamaan...
nadadamay ang ating pamilya at mga mahal sa buhay
sa mga ipinupunla nilang kalagiman...
hindi man ngayon kundi maaaring sa hinaharap...
kung kailan naghahangad na tayo ng kapayapaan
dahil gusto na nating magbagong buhay...
doon sila nagagambala at umaatake sa atin
sa atin na nais na sanang magbago ng tuluyan.

kapag hindi natin naintindihan
na ang dyos ay ang dyos ng katarungan
mahihirapan din nating mauunawaan
ang kahulugan ng langit at impiyerno.
ibig kong sabihin,
ang lahat ng kasamaan ay nangyayari dito sa daigdig
dahil hindi naman tayo para rito sa daigdig na ito....
ang tunay na tahanan natin ay ang langit....
kaya lang kapag tayo ay nagpadaig sa mga elemento ng kasamaan...
maaaring mapunta tayo sa impiyerno.
sa mga ginagawa natin,
malaki man o maliit...
ang dapat palang nakikita ay hindi ang mga sarili natin
kundi ang mga bakas ni Kristo...
sana makita rin natin ang mukha ni Jesu-kristo
kahit sa mukha ng ating mga kaaway at nang-aapi sa atin
dahil nasa kamay ng diyos ang katarungan na hinahanap at inaasam-asam natin.

kapag tayo ay lumalim na bilang tao...
mauunawaan natin na ang lahat bagay ay may katapusan...
na ang dahilan ng ating buhay ay para maglingkod pala sa ating kapwa
at nagsisimula ito sa paglilingkod sa ating mga pamilya....
dahil wala tayong maibibigay sa kapwa natin
kung hindi natin magagawa ang paglilingkod sa ating mga mahal sa buhay...
at ang dahilan ng lahat ng ito
ay ang busilak na pagmamahal,
hindi lang para sa ating sarili at mga mahal sa buhay
kundi maging sa ating kapwa
na nangangailangan din nang kapwa pagmamahal...
at ang dahilan pala ng lahat ng ito ay ang pag-ibig
na hindi kayang wasakin ng anumang pagbabanta...
ng anumang takot at maging ng pang-aapi
dahil ang lahat ng mga pangambang ito
ay hindi magiging dahilan
upang mahiwalay tayo sa pag-ibig ng dyos.

matuto tayong magdasal
sapagkat ang pagpapatawad ay isang grasya at pagpapala
grasya sapagkat hindi madali ang magpatawad
dahil nangyayari ito nang kasama ang espiritu ng panginoon
at pagpapala sapagkat ang magpatawad
ay ang pag-angkin natin na tayo ay tunay na anak ng dyos
mga nananatiling tapat sa dakilang lumikha
mga nananalig at umaasa sa kanyang habag at pagmamahal...

makapangyarihan ang panalangin
dahil hindi ito kayang basahin ng masamang elemento
at ito ang tangi nating tulay
sa mabait at maawaing puso ng dyos
manatili tayong tumatawag sa ama
upang ang ang anumang kasamaan ay hindi pahintulutang mangyari sa atin
manatili tayong umaasa
dahil walang imposible sa kanya...

mahirap man ito maintindihan sa ngayon...
subalit hayaan mo at mauunawaan mo rin ito sa takdang panahon...
ipapanalangin ko lagi na ang espiritu ng panginoon ay sumaiyo
upang maunawaan mo sa hinaharap ang mga sinasabi ko sa ngayon...
ang mahalaga ay maging bukas tayo
sa isang tunay na pagbabago ng ating isipan at puso...


mahal kita kaya sinasabi ko sa iyo ito...
nananalig ako
na ang lahat ng hirap natin dito sa lupa
ay gagantimpalaan ng dakilang lumikha
ng isang langit na ating tahanan
kung saan bumubukal
ang wagas na pagmamahal ng dyos
na para sa iyo
at para sa lahat...





===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: