Friday, January 20, 2012
Paghihingalo
Ano nga ba ang kahulugan
Ng nararamdaman nating sakit?
Ang karamdamang gumugupo sa ating lakas
Na nagpapahinto sa galaw ng ating buhay
Sapagkat kailangan nating maratay sa banig ng karamdaman
Na kahit pilit nating takasan
Ay hindi maaari
Sapagkat...
Ang sakit ay tila tanikalang gumagapos sa atin
Sa isang madilim na sulok
Kung saan maaaaring
Tayo ay nag-iisa...
Ito ay ang pasakit ng ating kaluluwa
Isang bahagi ng buhay ng bawat nilalang
Bata o matanda
Walang pinipiling edad
Walang pinipiling katawagan...
Kanser na nasa iba't-ibang anyo ng pagpapakahirap at pagpapakasakit
Na ang kahahantungan
Ay ang sakit ng kalooban
Pasakit ng puso
Pangungulila
Paghahanap
Kadiliman o kaliwanagan
Pagkabuo o pagkawasak
Nang isang pamilya ng nagmamahal
Na ang huling patutunguhan
Ay ang hukay ng kamatayan...
Bakit kinakailangang danasin ang sakit?
Bakit kinakailangang durugin ang puso ng bawat nagmamahal
Bakit kailangang basagin ng hindi inaasahang sandali
Ang mga pangarap na sabay-sabay nating binuo
Na magkahawak kamay nating sinipat at inaring pag-asa
Bakit kinakailangang humantong tayo sa ganito
Na hindi na kita makausap na kasing saya ng dati
O mayakap ng mahigpit kagaya nang malimit mong ginagawa sa akin...
Mga luhang nangingilid na lamang ang nangungusap
Samantalang ang mga labi nati'y nanginginig na basagin ang katahimikan
Panghihina...
Kawalang lakas...
Sakit sa buong katawan...
Halos... kawalang pag-asa...
Hanggang sa huling lakas ng mga kamay mo ay inabot mo ang aking nangangatal na kamay
Pinisil... nagpahiwatig na huwag akong mag-alala
Ikaw na nasa ganitong nakakapanlumong sitwasyon
Ang nagturo pa sa akin upang magbago ng puso
Ang krus na nasa iyong harapan
Ay ang krus ng sakit at pagpapakasakit
Ang krus ng pagtanggap sa kamatayan
At ang krus na magpapalaya sa matinding sakit at karamdaman...
Ito pala ay ang pakikiisa sa mga sakit ni Kristo
Nung siya ay ipinako at ibinayubay sa krus
Pinasan mo ang iyong kalbaryo ng buong puso
Upang makibahagi sa paghihirap ni Hesu-Kristo...
At sa halip... sa kabila ng iyong panghihina
Ako pa ang iyong ipinagdasal at pinagpala
Upang sa kaibuturan ng aking puso
Ay magkaroon ng ganap na pagtitiwala sa Dakilang Lumikha...
Nawa'y kapag kumatok sa akin ang oras nang aking kamatayan
Nawa'y gaya mo makita ko rin ang kaliwanagan
Na sa kabila ng kawalang pag-asa ay pagkasilay sa liwanag
Na aariin kong langit kapiling ang Maykapal...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment