Friday, January 13, 2012

Pangungulila



Bata pa ako nung una mo kaming nilisan
Akala ko ang iyong pamamaalam
Ay yung kagaya ng dati...
Na gagabihin ka lang sa daan...
O dahil may 'over time' sa trabaho
Pero ako ay nagtaka
Kung bakit
Sa ilang araw at gabi
Hindi na kita nakita
O naramdamang bumalik
Iyon pala ang kahulugan nung 'nag-abroad'
Ay ilang taon pala ang bibilangin
Upang ikaw ay bumalik
At muli tayong magkita...

Hindi mo na nga nakita na ako ay nagbinata
Sa manaka-nakang pagsulat ko
Hindi ko man lamang nasabi
Ang mga nais nang aking puso
Ang alam ko...
Sa tuwing tayo ay nagkikita
Sa kaunting panahon
Sa ilang buwang gugulin mo sa iyong pagbabalik
Kung saan tayo ay malimit mag-away at bati
Ako pa rin ang iyong batang iniwan
Na iyong pinagagalitan
Na hindi na lumaki sa iyong puso
Na hindi na nagbago sa iyong gunita...

Tama ka nga
Hindi na nga ako nagbago
Ako pa rin ang batang iniwan mo
Na lagi na lang
Nagtatanong kung kailan uuwi ang kanyang tatay
Mula sa ibang bansa
Na lagi ring ng nagtataka
Kung bakit ang ibang bata ay nalulungkot
Kapag ang kanilang tatay
Ay umuwi na para magbakasyon
At laging nagtatanong
Kung kailan muling babalik
Ang kanilang tatay
Sa malayong bansa...

Ngayon nga
Sa malayong bansa
Ikaw ay may sakit
Malayo ka sa aming piling
Ni hindi ko man lamang ikaw mahawakan
Para mahilot ang iyong manhid na katawan
O mahagkan ng buong higpit
Upang maibulong ko sa iyong pandinig
Ang mga salitang nais mo laging marinig mula sa akin
Nung ako ay isang musmos na bata pa...

Mahal kita...
Ito ang mga katagang lagi kong nais sabihin sa iyo
Sa kabila ng iyong pangungulila sa amin
Nais ko ring ipaabot na huwag kang mawalan ng pag-asa
Dahil sa buhay na ito...
Hindi kahirapan o pagdaralita
Hindi kawalan ng pag-asa o ng kalungkutan
Hindi ang kahinaan o kawalan ng pagtitiwala
Ang makapaghihiwalay sa atin bilang isang pamilya
Kundi isa itong pagkakataon
Upang sa ating maliliit na paraan
Ay mabuong muli ang ating mga pangarap
Kahit gaano pa ito kahirap...

Hindi ko rin naisip
Na maaaring magwakas ang mga bagay ng ganito
Subalit sa kabilang banda
Maaaring ring ito ang simula
Nang isang bagong pag-asa
Nang mas malalim na pag-ibig
Na hindi nagmumula
Mula sa mga bagay na marangya at makinang
Kundi sa pag-aalay ng sarili
Na nag-uugat sa pagmamahal
At pagbibigay ng buhay sa kapwa...

Mahal kita
Kung kaya...
Dalawang kamay kitang tatanggapin
Sa kabila ng iyong karamdaman
Sa kabila ng iyong kahinaan
Kung maaari lang
Aangkinin ko ang iyong mga pagdurusa
Upang kahit paano
Ang iyong pait ay maibsan...
Hindi man maaari ito
Mananatili pa rin ako sa iyong piling
Kagaya nang dati
Gaya ng isang bata
Na laging nananabik
Sa iyong piling, aking Tatay...




Br. Dennis DC. Marquez, SSS

No comments: