Sunday, April 8, 2012

Gahaman



May mga taong sabik sa kapangyarihan
Sila na naghahari subalit wala pa ring kasiyahan
Nais nilang idikta ang bawat paghinga ng bawat nilalang
Ang kontrolin ang buhay, ang italaga ang kamatayan

Walang sinuman ang maaaring manguwestiyon
Sa kanilang gawaing talamak na korupsyon
Walang kahihiyang nagnanakaw ng lantaran at garapalan
Habang nakatingin ang bayan na naghihikahos at binubusabos

Binihisan ang sarili at tinawag na kabanal-banalan
Ipinunla sa bawat puso ang takot at karahasan
Lahat ng nakasaksi at nagpahayag ng paglaban
Ay inilibing sa daigdig baon ang bigong katarungan

Sa bawat eleksyon pikit-mata natin silang sinasamba
Sa maliit na halaga pikit matang ibinubugaw ang sariling dangal
Kapalit ang panahon ng pagtitiis at pagdurasa
Sa mga taong iniluklok at naghari-harian upang tayo ay pahirapan…

Sila ay mga berdugo ng ating kapanahunan
Mala-lintang sumisipsip sa dugo ng inang sambayanan
Kung saan mga pangakong sinambit ay pawang kabulaan
Upang alipinin ang mamamayan na walang kalaban-laban

Sila'y nagtatagong halimaw sa gitna ng mapagpatawad na masa
Nang mamantikaan ang nguso ay ang puso ay naging tuso
Habang binababoy tayo na parang bayang ginagahasa
Pinagsasamantalahan ang ating kalayaan at kasarinlan...

Kailan tayo magigising sa ating pagbubulag-bulagan
Kung kailan huli na at ang tinig natin ay paos na?
Kailan tayo kikilos upang tulungan ang ating sarili
Mula sa kumunoy ng korupsyon na lumalason sa ating budhi?




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: