Monday, April 23, 2012
Misyon
Tinanong namin ang isang Dumagat na nasalubong ko kung nasaan ang Melesya (lugar kung saan ang karamihan sa kanila ay nakatira na nasa pusod ng Sierra Madre). Kasi, sa pagkakataong iyon, ibang ruta ang tinahak namin patungo sa lugar na iyon. Wala siyang ibinigay na sketch o direksyon sa amin... sa halip pinaghintay nya kami--ako, si Scouter Eric (council executive ng Antipolo City Council) sampu ng aming mga kasamang Senior Scouts ng ilang sandali para i-deliver ang kanyang kalakal na uling sa tindahang nasa paanan ng Sierra Madre na pinagmemeryendahan namin. Sandali nga lang ang lumipas at sinamahan na nya kami sa isang buong maghapong lakaran sa ilalim ng tirik na tirik na sikat ng araw.
Agaw dilim na nang narating namin ang kubo ng kanilang chieftain na matagal na naming kaibigan ni Scouter Eric, si Ka Rogelio. Ipinagluto nya kami ng bagong ani na bigas na tinatawag nilang 'binernal.' Nagbukas kami ng mga dala naming mga de-lata ng sardinas mula sa aking kaibigan na si Sunday na pasalubong na rin namin sa kanila. Si Sunday ay hindi talaga sumama kasi busy siya sa Maynila.
Sa gitna ng bonfire (siga) na ginawa namin nag-umpukan kami upang magkwentuhan. Maya-maya pa, tumugtog si ka Rogelio ng yukelele at hinara kami ng mga kantang Dumagat... namalayan na lang namin na sumasabay na rin pala kami sa kanya kasi marami na rin pala siyang modern songs na kaya nyang tipahin at kantahin.
Nung lumalim na ang gabi, bumaba na ang mga kapamilya nya sa kubong tinutuluyan nila. Ipinahiram na nila sa amin ang kubo para doon na rin kami matulog. Sila ay natulog naman sa kabilang kubo doon sa kabilang sapa.
Nakakatuwa, nung kami ay humiga na sa kubo... nakita namin ang mga tala... kasi ginagawa pa lang uli nila ang nasirang bubong ng kanilang kubo. Hindi nagtagal, isa-isang nang humina ang aming tawanan at kwentuhan... nangibabaw na ang mga hilik ng mga kasama naming Senior Scouts.
Nanatili kaming gising ni Scouter Eric. Marami kaming napag-usapan. Namilosopiya kami hanggang magkayayaang magpainit ng tubig at magkanaw ng kape doon sa may siga. Nang sinilip ko ang mga nahihimbing na Senior Scouts-- sina Roy, Alfie, Buddha, at Joey... hayun, pagod na pagod na nakasalampak sa kawayang sahig ng kubo... pero pare-parehong abot tenga ang mga ngiti habang sila ay natutulog.
Naalala ko pa, kinabukasan ng gabing iyon, mamimigay kami ng mga de-latang sardinas at ng mga paketeng noodles sa bawat kubo ng mga Dumagat. Marami kasing gustong magpaabot ng mga biyaya sa kanila kaya lang masyadong malayo para sadyain kaya kami ay nag-volunteer para ipunin at bitbitin ang mga may kabigatang pasalubong na gusto nilang ipadala sa mga Dumagat. May ilang gamot na over the counter drugs din para sa mga may sakit kaming naibahagi.
Mula noon hanggang ngayon, ginagawa pa rin namin ito. Hindi man kami ang direktang nagbibigay kundi ang mga taong may pusong bukaspalad na nakikipadala sa amin. Kahit na kami ay mga ordinaryong tigapaghatid lamang... alam kong pinagpapala rin kami ng Dyos dahil sa mga taong tulad nilang lahat.
Tama nga si Scouter Eric, hindi lahat ay natutunan sa loob ng silid aralan. Ang puso ang pinakamahusay na guro na nagturo sa aking magmahal at magmalasakit sa aking kapwa. Ang mga Scouts na aming laging kasama ni Scouter sa bawat 'mission impossible' namin, ang laging nagpapaalala sa akin na umaasa na may mangyayaring pagbabago...
Ito ay ang buhay misyonero... ang buhay na niyakap namin ng may buong galak at pagmamahal dahil kami ay mga Scouts!
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Adventures,
Scouting,
Self-givingTrust