Saturday, November 4, 2017

Rajah



Dumating si Rajah sa aming buhay ng hindi inaasahan. Ibinigay siya ng isang matalik na kaibigan ko mula sa Tagaytay. Nung kinuha ko si Rahah ay apat na buwan na siya. Sa unang kita namin ay nasabi  kong malusog at masayahin siya dahil kumpleto siya sa mga kinakailangan niyang mga bakuna.

Sa una pa lang ay alam ko na na hindi siya kagaya ng mga ordinaryong aso... napansin namin na si Rajah ay nakakagawa ng mas maraming tunog na kakaiba sa ordinaryong tahol. Ang mga ito ang naging paraan ng pagtawag niya sa aming atensyon .

Subalit ang pang-limang buwan niya ay naging pagsubok...

Hindi lamang para sa kanya kundi maging para sa amin din. Nagsimula na siyang magkasakit. Tinubuan siya ng mga bukol sa kanyang bibig. Nagkakasugat ang kanyang katawan at nalalagas ang kanyang balahibo. Ang nanay ko ay nai-stressed na rin dahil nagsimula na siyang mangalingasaw. Nagkaroon na siya ng halitosis. Ako naman, hindi ko malaman kung paano ko ia-addressed ang mga reklamo ng nanay ko sa akin. Galit na rin siya sa akin kasi feeling niya ay binigyan ko siya ng napakalaking problema. Nalungkot din ako. Dahil napaka-busy sa seminaryo, hindi ko alam kung paano matutulungan si nanay o si Rajah.



Buti na lang at binigyan kami ng opportunity ng aming formator sa aming seminaryo na dumalaw sa aming tahanan nung All Saints' Day. Pag-uwi ko, sa gate pa lang ng bahay namin ay naamoy ko na ang nangangalingasaw na masangsang na amoy ni Rajah. Ang amoy niya ay mistulang nabubulok na karne ng hayop. Nagmumula ito sa kanyang bibig na na tadtad ng napakaraming mouth-warts.

Kinabukasan, nagpatulong ako sa kaibigan kong si Eric na dalhin si Rajah sa UP Veterinary Hospital. Kahit sa motor lang ay ibiniyahe namin si Rajah. Sabi ng veterinarian na tumingin sa kanya, "Mahinang-mahina ang katawan ng aso... pero hindi naman ito nakakahawa sa tao."

Maraming ginawang check-up kay Rajah. Xrays na ipinaulit pa sa Dog House para makasigurado. Yung dog house along Aurora Boulevard, Quezon City, ay isa ring Veterinary Clinic na mayroong supistikadong Xray machine.

Sa lahat ng pagsusuri ni Rajah, masasabi kong napaka-cooperative niya. Siguro, alam niyang may sakit siya at alam niya ring tinutulungan namin siya. Tahimik na nakikiramdam lamang si Rajah nung kinuhanan siya ng dugo para sa kanyang blood tests. Tinitingnan pa nga niya ang procedure na ginagawa sa kanya ng doctor. Hindi siya nagreklamo nung kinuhanan siya ng blood samples sa kanyang mga namamagang paa.

Ang resulta pagsusuri: mababang resistensiya, napakababa platelet count at ang finding na maaaring kalat na sa buong katawan niya-- loob at labas-- ang mga warts niya. Mabuti at naroon din ang espesyalista sa ospital na nagbigay sa Vet ni Rajah ng mga suggestions kung paano matutulungan si Rajah.

Rare case ang sakit ni Rajah. Isa sa bawat 10,000 dogs lang daw ang nagkakaroon ng ganitong sakit na may kinalaman sa immune system. Nung tiningnan ang bloodline ni Rajah, may suspetsa ang kanyang Vet na maaaring na-inbreeding si Rajah-- maaaring ang kanyang mga magulang ay close-relatives. Pero suspetsa lamang ito, hypothesis pa lamang kasi naging malulusog naman ang mga kapatid ni Rajah. Ang mga doctor ni Rajah ay mas naka-focus kung paano matutulungan si Rajah. Sabi nila, ang warts ni Rajah ay malinaw na manifestation lamang na may hindi magandang kondisyon ng kaloob-looban ni Rajah. Ang mouthwarts ay senyales o sintomas lamang ng totoong sakit at kondisyon ni Rajah. By this time, maaaring kumakalat na sa kanyang baga at internal organs ang epekto ng kanyang sakit. Ang tanging pwedeng gawin ay i-boost ang kanyang immune system. Subalit naka-depende pa rin sa health ni Rajah kung magrerespond siya sa mga gamot at kung kakayanin ba niya ito dahil may katagalan ang gamutan. Umaasa ang doctor ni Rajah na kapag naabot na niya ang wastong gulang ay maaari na siyang mag-undergo ng vaccination kung saan mula sa kanyang katawan ay kukunin ang anti-dote para sa kanyang sakit.

Nung hapon na iyon ay hindi nakuhanan si Rajah ng sample ng kanyang mouthwarts kasi bagsak ang kanyang platelet counts. Kapag ipinilit ang procedure na ito ay maaaring maging madugo, hindi mag-heal agad at maaaring maging cause pa lalo ng infection. Binigyan na lamang ako ng Doctor ng vial na may formalin, usually daw ay natutuyo lang ang mga warts at eventually ay nalalaglag ng kusa at kung sakaling mangyari ito ay doon sa vial na iyon ilalagay ang wart sample para masuri at mapag-aralan ng mga espesyalista. Kung malakas lamang sana ang condition ni Rajah ay pwede naman sanang operahin na agad ang mga mouthwarts niya kaya lang sa kondisyon niya, mas malaki ang chance na hindi ito makabuti sa kanya.

Mukhang 'Auto-immune Disease' ang sakit ng aking dog pero masyado pang maaga para mag-conclude. Katulad ng mga nakikita kong pasyente sa mga hospital, may idea ako na ang ganitong uri ng disease ay mahirap malagpasan. Naka-depende ito sa resistensya ng pasyente at maaaring mag-recur kapag bumagsak uli ang resistensya ng may sakit nito. Parang sakit na Lufus na ang sariling anti-bodies ng katawan ang umaatake sa pasyente. Parang tao rin pala ang mga aso. Kapag may sakit ay nakakaramdam din ng panghihina at iniinda rin ang pananakit na nararamdaman. Siguro, nararamdaman ni Rajah ang pag-aalala namin sa kanya kung kaya kahit masama ang pakiramdam niya ay naging cooperative siya kapag binibitbit ko siya going sa Veterinary Hospital.

Bagamat ganun man kalungkot ang mga findings, magiliw pa rin ang Vet niya sa amin. Binigyan pa rin niya kami ng pag-asa. Hinimas-himas niya si Rajah bago kami umuwi matapos ang maghapong nakakapagod na pagpapasuri.


Actually, hindi naman kami ganun ka-well-off para magpa-ospital ng aso. Talagang matinding sacrifice talaga ang pagpapa-ospital sa kanya. Ganun din, matinding sacrifice din sa aming budget ang mabili namin ang mga gamot ni Rajah.

Sinikap naming mabili ang mga resetang gamot ni Rajah. Sa unang gabi matapos ang kanyang check-up ay pinainom na namin siya agad. Subalit sa ilang araw na inilagi ko sa aming tahanan, napansin kong hindi pa rin bumubuti ang kalagayan ni Rajah. Lalo siyang nangangati at lalong nagsusugat. Nalalagas din ang kanyang balahibo. May mga gabi na naririnig ko si Rajah na tila umiiyak habang nagkakamot siya. Naawa kami sa kanya. Halos magsugat na siya sa kaka-kamot niya.



Hindi ako nakatiiis kaya nagbakasakali ako na i-message ang Vet niya. Sinabi kong kating-kati si Rajah at halos nagkakasugat na sa panay-panay na pagkamot niya. Sinabi ko ring natatanggal ang kanyang mga balahibo. Guess what... sumagot ang Vet niya at nagpadala pa ng pangalawang reseta. Nakakapang-lumo nga lang kasi ayon sa kanya, maaaring totoo nga ang aming hinala na merong ngang Auto-immune disease si Rajah.



Hindi ko alam kung bakit kami nagkatagpo ni Rajah. Aminado naman kami na nahihirapan kami sa kondisyon niya. Mahal ang mga gamot, mahal ang mga tests, at isa pa, yung pag-aalaga kay Rajah ay mahirap talaga dahil sa condition niya. Pero naniniwala kami na bigay pa rin siya ni God para sa amin kaya dapat namin siyang kalingain. Kung mamamatay man siya, siguro mainam na yung natural cause. Unless siguro na sabihin ng Vet niya na kailangan na siyang patulugin ay tsaka pa lang namin iko-consider ang mabigat na desisyon na iyon.

Struggle din kasi on my part yung hanapan ng time at sasakyan si Rajah para madala si Rajah sa hospital. Pero umaasa palagi ako na magpo-provide si God ng mga kaparaanan para mairaos ang mga immediate needs ni Rajah. Buti na lang ay andiyan ang kaibigan kong si Eric para iaangkas kami ni Rajah at samahan kami ng buong maghapon sa Veterinary Hospital. Siguro naman ay magkakaroon kami ng December break from our seminary... sana ay mahintay ako ni Rajah para makapag-pa-check-up uli kami sa Veterinary Hospital.

Kung tutuusin, napakaikling panahon pa lamang ng pagsasama namin ni Rajah. Kasi naman, most of the time ay nasa Seminaryo ako. Pero sa maikling panahon na iyon, naramdaman namin yung pagmamahal niya para sa amin. Siguro kung wala lang siyang sakit... maaaring mas marami pang maibigay na paglilingkod sa amin si Rajah. Madali siyang matuto, malamang kung malusog lamang siya ay marami siyang tricks na matututunan. Malamang kung malakas lamang siya, mas magiging masaya sana siya sa piling namin.

Kaya lang dahil sa sakit niya, kinakailangan siyang i-isolate para hindi makahawa sa iba niyang kapwa aso. Ito ang nagbibigay kalungkutan sa bawat isang dog owner... ang hindi mo makasamang ipasyal ang iyong minamahal na aso.

Ewan ko... hanggang ngayon ay umaasa pa rin kami na gagaling si Rajah. Umaasa pa rin kami na isang araw ay eepekto ang lahat ng mga gamot na iniinom niya. Katulad ng kanyang Vet, umaasa rin kami na bubuti rin ang kondisyon ni Rajah isang araw.


=====
Pahabol:

Namatay si Rajah noong Dec. 9, 2017 sa ganap na 8:30 ng umaga. Sa halos dalawang buwan na kanyang pakikibaka sa kanyan sakit ay sumuko na rin ang kanyang katawan: halos naubos na ang kanyang balahibo, nagkakasugat-sugat na ng tuluyan ang kanyang katawan, mas tumindi ang kanyang mouth halitosis, namaga na ang lahat ng kanyang mga paa, at nung mga huling araw niya ay palagi na lamang siyang nakahiga. Nawala na ang gana niyang kumain at tuwing madaling araw ay umiiyak siya. Sa mga huling sandali na iyon ay hindi siya iniwan ng aking nanay na naging nanay na rin ni Rajah.

Maraming salamat sa mga Vets niya: Dr. Ole na tumingin kay Rajah mula pa nung ipinagbubuntis pa lamang siya ng kanyang mommy; and Dra. Carina na hiningan namin ng second opinion mula sa Veterinary Hospital.

Maraming salamat din sa aking friend sa Scouting na sina: Scouters Vince Panganiban, Jr., at Eric Gadon na tumulong sa akin para mai-travel si Rajah. Gayundin, nagpapasalamat din ako sa sa aking kaibigan na si Seminarian Feliciano Gutierrez, ibinigay niya sa akin si Rajah.

Ang sabi ng aking nanay, "Bago siya malagutan ng hininga ay tinawag pa niya ako... kahit nakahiga na lamang siya ay pinilit pa rin niyang ikawag ang kanyang buntot kahit na nanghihina na siya. Nang tinawag ko ang pangalan niya 'Rajah, kamusta ka na?',  pinilit niyang itaas ang kanyang ulo at kahit mahina ay tumahol pa rin siya... tapos nun ay humiga na siya at umalulong na tila may matinding sakit na nararamdaman... iyon na pala iyon dahil pagkatapos niyang umalulong ay nalagutan na siya ng kanyang hininga. Nagpasalamat lang si Rajah, tapos ay namatay na siya..."

Rajah, kahit saan ka man naroroon ngayon... alam ko na magkikita rin tayo balang araw. Hanggang sa muli mahal naming kaibigan na itinuring naming bahagi ng aming pamilya...


#denmar1978 #dog #Rajah #mouthwarts #papillomavirus



Monday, October 23, 2017

Panalangin Para sa Paghingi ng Pagpapala ng Diyos



Panginoon...

Huwag mo akong hayaang maging isang palalo.

Turuan mo akong i-appreciate ang iba.
Turuan mo ang aking puso na makita ang Iyong mga grasya
na gumagawa hindi lamang sa akin kundi maging sa aking kapwa.

Buksan mo ang aking mga mata upang mahanap Kita.

Kung saan may nagdurusa, hayaan mong damayan Kita
Kung saan man may nangungulila, hayaan mong samahan Kita
Kung saan man may nangangailangan, hayaan mong ibigay ko ang aking sarili sa Iyo

Alam kong mabibigo ako ng maraming ulit
Alam kong mare-reject ako ng paulit-ulit
Subalit patatagin mo ang aking puso
Upang hindi ako magsawang magmahal
Upang hindi ako magsawang maglingkod
Gaano man ito kasakit
At gaano man ito kahirap.

Panginoon...

Itinataas ko sa Iyo ang aking puso at isipan
Angkinin mo ako ng buung-buo
Hayaan mong sa kapayapaan Mo, ako ay humimlay
Hayaan mong sa pag-ibig Mo, ako ay mamatay.

#engkwentro #denmar1978






Hell



Napakadilim… 

Hindi ko matanggap hanggang ngayon ang malabangungot na impiyernong aking kinasadlakan.

Napakabaho. Napakainit. Nakakauhaw.

Hindi ko malaman kung sadya ba talagang wala akong makita o nabulag na ba ako ng tuluyan. Pinipilit kong kumawala mula sa dagat-dagatang apoy na ito subalit laging may humahablot sa akin pailalim. Kagaya ko, nagnanais din ang iba na katulad kong sawing-palad na makaalpas sa  nakasusulasok na lugar na ito. Pagod na pagod na kami pare-pareho. Pero kailangang gumapang paibabaw upang makahinga… kung hindi malulunod kami sa kumunoy na ito.

Napaka-ingay... walang kapayapaan.


Kasama namin ang mga demonyo. Nagdurusa rin sila. Sa kabila ng aming pagdurusa… marami sa amin ang hindi makapagpigil ng aming sarili. Pare-pareho kaming humihingi ng tawad sa aming mga kasalanan subalit pinagsaraduhan na kami ng pinto ng langit. Isinumpa na kami… hindi ng Diyos na mapagmahal… kundi isinumpa kami ng aming pinaka-mismong sarili. Pinili namin ito… pinili naming masadlak dito sa impiyerno.

Uhaw na uhaw na ako… init na init pa… ramdam ko ang pagkabulok ng aking kalamnan. Dinig na dinig ko ang walang humpay na sigawan… ng pagmamakaawa… ng paghingi ng tawad. Araw at gabi… walang kapahingahan dito sa impiyerno.

Ang mga matatalas na mga kuko ang palaging sumusugat sa akin.

Sa kabila ng matinding kirot at hapdi ng aming mga tinatamong sugat ay hindi naman kami namamatay. Subalit… hindi rin naman kami gumagaling. Pakiramdam ko, nagnanakna na ang buo kong katawan. Pakiramdam ko, bawat himaymay ng aking kalamnan ay nilalamon ng cancer na napakasakit. Pakiramdam ko, napupunit ang aking mga laman at humihiwalay sa buto ng aking katawan. Naaamoy ko ang aking sariling katawan… nasusunog at nabubulok.

Ganito pala ang maisumpa ng sarili kong kagagawan.


Dati, mahal na mahal ko ang sarili ko… subalit sa paglipas ng mahabang panahon… nagalit na din ako sa aking sarili. Kung hindi ako naging makasarili… marahil, wala ako dito. 


Subalit, pagsisihan ko man ang aking mga nagawang pagkakamali ay huli na. Hindi na maibabalik ang lahat ng pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos upang magbago. Dito sa impiyerno ay wala nang pag-asa. Dito sa impiyerno puro pagdurusa na lamang... Dito sa impiyerno ay walang pagmamahal. Dito ako nabibilang... dahil ako mismo ay hindi nagmamamahal.

Ngayon ko napagtanto... "ang impiyerno ay hindi parusa ng Diyos sa mga sumuway sa kanya." Ang impiyerno ay isang dako sa kawalan na kinasasadlakan ng mga kaluluwang lumayo sa Diyos. 
Ang impiyerno pala ay ang pinakadulo ng destinasyon ng mga taong naliligaw ng landas. Lahat ng kasamaan patungo sa kasamaan ay dito nagwawakas! Nagdurusa ang lahat ng mga nasadlak dito dahil "pinili naming tanggihan ang pagmamahal ng Diyos."

Kapag walang nagmamahal sa iyo... wala ring magpo-protekta sa iyo. Dito sa impiyerno, walang makapag-protekta sa amin. Dahil nung nabubuhay pa kami... hindi mabilang na ulit naming tinanggihan at ipinagsawalang bahala ang pag-ibig ng Diyos. Hindi kami nagbago bagkus, nagmalaki pa at lalong nagpakasama.

Akala ko... walang katapusan ang kapangyarihan ko...
Akala ko... walang katapusan ang kayamanan ko...
Akala ko... ang talino ko ay sapat na upang linlangin ko maging ang Diyos na lumikha sa akin... HINDI PALA... NAGKAMALI AKO.

Ngayon ang lahat ng mga ipinagmamalaki ko: kapangyarihan, kayamanan, at katalinuhan ay ang mga apoy na tumutupok sa akin dito sa impiyerno.

Huwag ka nang sumunod sa akin dito sa impiyerno...
Magbago ka habang may panahon pa.

Ipagdasal mo kami...
kahit wala na kaming maaasahan...
Ipagdasal mo kami na hindi na lumala pa ang aming mga pagdurusa.








Panalangin:

"Panginoon, patawarin mo po ako sa aking mga pagkakasala. Iligtas mo po ako sa apoy ng impiyerno."



Depression



Sharing ng Experience:

May pangungulila ako na hindi ko malaman kung saan nag-u-ugat.

Sa sobrang bigat ng pakiramdam ko, minsan, tumutulo na lamang ang mga luha ko sa aking mga mata. Pakiramdam ko ay parang may nakadagan sa aking dibdib.

Nakakapanglumo. Nakakatulala... pakiramdam ko ay helpless ako.

Nitong mga nakaraang araw ay hindi ko halos namalayan ang paglipas ng panahon. Pakiramdam ko ay parang nagpapatianod na lamang ako sa sa daloy ng bawat araw. Pinipilit ko na lamang maging masaya kahit ang pakiramdam ko ay palaging may kulang.

May hinahanap ako pero hindi ko alam. 

Maraming takot ako na hindi ko maipaliwanag.

Ang mga problemang dumarating sa akin ng sabay-sabay ang lalong nagpapahina sa aking loob. Gaano ko man pilitin sa bawat araw na maka-survive, pakiramdam ko ay nasasakal pa rin ako.

Gusto kong lumaya sa napakaraming alalahaning ito na bumabagabag sa aking kalooban…

Subalit hindi ko magawa...
Dahil hindi ko kayang humingi ng tulong sa mga taong nakapaligid sa akin.




Panalangin:

"God, kayo lamang po ang nakakatalos sa tunay na makakapagpasaya ng aking puso at isipan. Hanguin mo ako sa labis-labis na kalungkutan na aking kinasadlakan. Huwag kang magsawa sa akin na ako ay mahalin. Punuin mo ng kahulugan ang aking buhay. Hawakan mo ang aking kamay at dalhin mo ako sa iyong kapayapaan."

Wednesday, September 27, 2017

Diligan ng Pag-ibig ang Puso ng Bawat Isa Araw-araw


Ang pag-ibig ay parang halaman na kinakailangang alagaan. Ang halamang tinutukoy ko ay wala sa labas ng bawat isa kundi ito ay nasa kaibuturan ng puso ng bawat isa. Kung ang bawat puso ay hindi didiligan ng pagmamahal, ito ay unti-unting malalanta at kalaunan ay mamamatay. Obligasyon ng na bawat nagmamahalan ang pangalagaan ang puso ng bawat isa dahil kapag ikaw ay nagmahal ay hindi mo pababayaan ang iyong minamahal.

Ang pag-ibig ay pagbibigay ng pagmamahal at pag-ibig din yung tumatanggap ka ng pagmamahal na ibinibigay sa iyo. Hindi pwedeng puro bigay or puro tanggap ka lang. Hindi usually nagtatagal ang pag-ibig na ganun kasi nakaka-drained sa part ng nag-e-effort. Sabi nga, “It takes two to Tango.” Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang ang mag-effort. Ang nararapat ay sabay na mag-sacrifice para sa ikabubuti ng relationship.

Upang mag-grow tayo sa pagmamahal ay maging appreciative tayo. Kinakailangang suklian natin ng kapwa pagmamahal ang pag-ibig na ibinibigay sa atin. Maging appreciative sa mga efforts ng bawat isa. Kapag may mahahalagang dates ay mag-celebrate kahit na simpleng lang. Sa ganitong paraan ay nagiging mas makulay ang relationship. Sa ganitong paraan ay mas lalong lumalalim ang pagkakakilala sa bawat isa.

Ito ang magandang balikan kapag tayo ay tumanda na: yung mga sacrifices na ginawa natin para mapasaya ang bawat isa, yung panahong magkasama tayo, yung panahong lumalaki na ang inyong pamilya dahil sa mga supling ninyo, yung panahong naroon ang bawat isa upang palakasin ang loob ng bawat isa… yung magkasama kayo sa hirap at ginhawa. Beyond sa family pictures ninyo… ang lahat ng ito ay nakatago sa inyong mga puso-- kumpleto kasama pati ang lahat ng mga detalye. Ang mga matatamis na alal-alang ito ay masarap balik-balikan ng magkahawak kamay habang nakaupo sa silyang tumba-tumba kapag kayo ay matanda na.

Isa sa mga sikreto ng masayang relationship ay DASAL. Let God always bless your relationship. Isama ninyo si God sa inyong buhay-pamilya. Lagi tayong magdasal na maging faithful tayo sa isa’t-isa upang anumang pagsubok ang dumating sa inyo ay mananatili kayong matatag.

Maging mabunga nawa ang inyong pag-i-ibigan. Araw-araw ay diligan ninyo ang inyong mga puso ng pagmamamahal.

Pagpalain nawa kayo ng ating Diyos na Dakila sa lahat.

Martial Law: Muling Pagsulyap

Para sa marami, complicated ang Martial Law para i-judge.

Kung babalikan natin ang kasaysayan, ang pinaka-ugat ng pagpapatupad ng Martial Law ay ang lumalakas na pwersa ng Komunismo na gumagapang na sa iba't-ibang panig ng ating bansa. Lumalakas ang pwersa ng New People's Army (NPA) sa mga kanayunan na isang masamang pagbabadya sa demokrasya ng ating bansa.

Maraming nagsasabi na maraming mga kasinungalingan ang pinagtahi-tahi ni Marcos upang maipatupad ang Martial Law. Sa mga ordinaryong Pilipino, umasa sila na kapag naipatupad na ang Martial Law ay mawawala na rin ang corruption na laganap sa lipunan. Sa bandang huli, naipatupad ang Martial Law nuong September 21, 1972. Si Marcos mismo ang nag-announced ng balitang ito sa telebisyon.

Maraming naging mukha ng Martial Law---

Sa mga ordinaryong mamamayan tuloy pa rin ang buhay. Para sa iba, ang curfew ang naging pamantayan ng katiwasayang sosyal at disiplinang umiiral sa bawat mamamayan. Ang maraming infrastructure ang naging pamantayan ng kaunlaran ng ating bansa. Ito rin ang naging glorious era ng sining dahil sa patronage ng unang ginang na si Imelda Marcos.

Hindi naging maganda ang Martial Law para sa mga NPA dahil mas lalong pinaigting ang pagtugis sa kanila. Tinugis din ang mga supporters nila. At ang pagtugis sa kanila ay naging madugo. Maraming mga raliyistang napatay ay inakusahang NPA.

Sa ekonomiya, maraming mga private businesses na may kinalaman sa basic needs ng bansa ang na-sequester ng administrasyong Marcos-- radyo, TV, tubig, kuryente.... Kasabay ng mga infrastructure na ipinapatayo ay ang pangungutang ng administrasyong-Marcos sa mga malalaking pandaigdigan bangko.

Sa usaping pananampalataya, marami sigurong nagtatanong kung bakit naging aktibo ang simbahang Katoliko sa isyung Martial Law? Ito ay dahil sa mga nagaganap na paglabag sa human rights at dahil sa mga Extra Judicial Killings. Hindi pumapabor ang simbahan sa naging malawakang paglabag sa karapatang pantao at walang habas na pagpatay.

Masasabi nating 'gray area' o malabong bahagi ng ating kasaysayan ang Martial Law. Maraming nagsasabi na nakabuti ang Martial Law kasi marami ang mga na-convict na mga kriminal sa panahong ito. At may ilan sa kanila ay napatawan ng kamatayang bitay. Pero sa pagtagal ng panahon, unti-unting nabunyag ang tunay na kulay ng Martial Law.

Ebolusyon ni Ferdinand Marcos--

Sa ilalim ng Martial Law, ang mga infrasture na ipina-construct ng gobyerno, ang social discipline na nagmanifest sa mga curfews, at ang presence ng mga Militar ay nagsilbing facade lamang na inaakala ng marami na mga sensyales ng isang totoong social order. Ngunit sa paglaon ng panahon, nakita ni Marcos na ang Martial Law ay hindi lamang magandang gamitin laban sa mga Komunista kundi maganda ring gamitin para sa kanyang makasariling interes.

Sa ilalim ng Martial Law, nakinabang ng husto ang mga ‘cronies’ ni Marcos. Sila ang mga namahala sa mga na-sequester na mga properties at sila rin ang mga naupo sa mga pinakamahahalagang pwesto sa pamahalaan. Eventually, katulad ni Marcos, lahat sila ay gustong manatili at makinabang sa kanilang tinatamasang kapangyarihan.

Sa matagal na panahon, hindi pa rin natinag ang mga NPA na nagsusulong ng komunismo. Marami sa kanila ang namundok. Sa pagtugis sa kanila, marami rin ang nadamay—kapamilya, kaibigan, kakilalala... Maraming napag-bintangan. Marami sa kanila ay inosente. Marami sa kanila ay hanggang sa ngayon ay nawawala. Sa matagal na panahon ay patuloy na dumadanak ang dugo sa ilalim ng mga naghaharing militar.

Nagmistulang civil war ang panahong ito sa pagitan ng maka-kaliwa at maka-kanan. Malimit ay "news black-out." Kontrolado ang mga ibinabalita. Bagamat ganun ang sitwasyon, may mga balita pa rin namang umaabot sa simbahan. Mga magulang na nawawalan ng anak... mga anak na nawawalan ng magulang... mga kaibigan na nawawalan ng mahal sa buhay.

Maraming mga bangkay ang natagpuan na lamang sa mga liblib na lugar. Nangangalingasaw. Nakakasulasok na ang amoy. Marami sa kanila ay may marka ng mga torture. Bakas na pinahirapan muna bago pinatay. Lahat ng mga namatay ay pinagbintangang lumaban sa gobyerno.

Ang mga human rights activists, kasama na ang simbahan, ay naa-alarma dahil sa harap-harapang paglabag sa karapatang pantao. Hindi maaaring magkibit balikat na lamang ang simbahan at magbubulag-bulagan siya dahil sa walang habas na extra-judicial killings.

May pagkakataong ang mga pro-NPA tulad ng mga pamilya ng mga nabiktima at mga nadamay sa kaguluhan ay nakipagsanib pwersa sa mga pro-life na pro-human rights. Sa pagkakataong ito, nagkaisa sila at sama-sama sa paghahanap ng katarungan.

DITO NA PUMASOK ANG CONFUSION: sa isang banda, mukhang berdugo ang Martial Law; sa kabilang banda, ang NPA ay naman ay threat sa ating demokrasya; at sa pagitan nila na naggigiriang mga panig ay ang simbahan na nagsusulong ng pagrespeto sa buhay.

Nasaan Ang Simbahan Noong Kasagsagan ng Martial Law--

Sa kasagsagan ng Martial Law, huwag nating kalimutan ang ginampanan ng simbahan sa pagtatanggol sa kahalagahan ng buhay. Para sa simbahan, ang demokrasya ang pinakamagandang paraan upang pamunuan ang isang lipunan. Batid ng simbahan na ang komunismo, as a form of government, ang naglilimita sa potensyal ng bawat isang mamamayan. Subalit nanindigan ang simbahan na ang pagkakaiba sa ideolohiya ay hindi dapat humantong sa pag-abuso at pagpatay na ginawa ng pamahalaang Marcos.

Mga Nakaw na Yaman--

Habang control ni Marcos ang buong bansa, naisakatuparan din niya ang dambuhalang pandarambong mula sa mga treasure hunting at sa mga komisyon mula sa bawat infrastructure project na ipinatayo sa kanyang panahon. Akala natin, lehitimong kay Marcos ang mga kayamanang naka-freeze ngayon sa ibang bansa kasi bilib na bilib tayo sa mga kwentong gawa-gawa lamang na nasagap natin mula sa kung saan-saan.

Totoong matalino si Marcos. Marahil, kasing genius din siya ni Jose Rizal. Kaya lang unlike Jose Rizal, manipulative si Marcos. Hanggang ngayon, marami pa rin ang napapaniwala na ang kayamanan ni Marcos, lalo na ang mga gold bars, ay galing daw sa mga idinipensa niyang mayamang pamilya na nagmamay-ari ng buong Pilipinas. Subalit ang mga kwentong kagaya nito ay tila kapareho lamang ng mga mga kwento sa likod ng kanyang ilang mga World War II medals na ngayon ay napatunayan nang pawang mga kwentong barbero lamang. Sinadyang imbentuhin ang mga ito upang tumaas ang pagtingin natin kay Marcos. Subalit ngayon, dahil sa paglawak ng social-media, maaari na nating nating i-search sa internet ang mga bagay na hindi pa natin alam. Bahagi ng malawakang propaganda ni Marcos ang pagandahin din ang kanyang imahe. Para kay Marcos, siya si Malakas at si Imelda naman si Maganda.

Pro-Marcos Today--

Sa ating panahon ngayon, marami, lalo na sa mga kabataan ang gustong ibalik ang Martial Law. Siguro iyon ay dahil gusto natin ng dagliang justice upang masagot ang napakaraming problema ng ating lipunan. Maraming nagagalit ngayon sa simbahan kasi katulad nuong panahon ng Martial Law ang simbahang Katolika lamang ang nanindigan para sa buhay. At alam ng present government natin ngayon na kailanman ay hindi sasang-ayon ang Simbahan sa mga extra-judicial killings na nangyayari sa kasalukuyan dahil sa war against illegal drugs kung saan pati ang mga minors ay nadadamay at napapatay.

Forgiveness and Justice--

Kahit sa ating mga Kristiyano, marami sa atin ang umaayon sa summary execution bilang sagot sa mga corruption, kalabisan at droga na sumisira ng ating lipunan. Pero bilang Katoliko, hindi itinuturo ni Kristo ang pagpatay. Ang itinuturo ni Kristo ay “Love Your Neighbor” at “Love Your Enemy”. Totoong kailangan natin magpatawad pero kinakailangan ding mai-restore ang justice upang mapanagot ang may pagkakasala.

Nung panahon ng Martial Law, akala nila, maso-solved nito ang lahat ng corruption at ang mga lahat ng mga aktibismo laban sa pamahalaan. Lalo lamang naging agresibo ang magkabilang partido. Sa kalaunan dumami lamang ang mga biktima, marami ang nadamay dahil napagbintangan. Sa kasaysayang ito, matuto sana tayo na ang karahasan ay nagbubunga lamang ng kapawa karahasan. Sa bandang huli, si Marcos din naman pala ang lumabas na higit na umabuso sa kanyang kapangyarihan na ginamit niya upang limasin ang kayamanan ng ating bansa.

Bilang Pilipino at bilang Katoliko, “Mahal natin si Marcos,” “Pinapatawad natin siya…” pero merong isang malaking PERO… “Kailangang managot siya sa kanyang mga ginawang kalabisan.” Ito yung justice na hinahangad nating lahat. Ito yung justice na hinahabol ng bawat pamilyang namatayan… Ito yung justice na pinaninindigan hanggang sa kasalukuyan ng marami sa atin kung kaya maraming tumututol na ilibing sa libingan ng mga bayani si Ferdinand Marcos. Alam naman natin na ang totoong bayani ay totoong nagmamahal sa kanyang bayan. At alam din natin na ang totoong bayani ay nakahandang mamatay para sa kanyang bayan… subalit iba si Marcos. Ninakawan niya ang kanyang bayan sa kasagsagan ng kaguluhan. Sa una masasabi mong napakaganda ng kanyang timing dahil very well orchestrated. Pero kung iisipin, ang lahat ng ito ay kanyang na-plano. Dahil dito, nagtagal siya sa pwesto.

The Big Question: Nagtagumpay Ba Ang Martial Law?--

Sa usaping NPA, HINDI... dahil hanggang ngayon, nariyan pa rin ang mga NPA.

Noong panahon ng Martial Law, marami ang nag-aakala na sapat na ang social order. Pero ang totoong kahulugan ng curfew ay takot pala sa iba. Ang mga structure na na-construct ay karagdagang pondo na ibinulsa, at ang mga Militar na naglipana ay ang mga mumunting Marcos na kumontrol sa buhay ng bawat isang mamamayan. Ito raw ang senyales ng magandang ekonomiya. Subalit hindi maikakaila na kabi-kabila rin ang mga welga, kilos protesta, malawakang tag-gutom sa Kabisayaan, debalwasyon ng halaga ng piso at mga digmaan sa Mindanao.

Noong panahon ni Marcos, totoo namang isa sa mga nangunguna ang ating bansa sa South East Asia. Subalit ang ating ekonomiya sa panahon ni Marcos ay nakadepende sa mga utang na kinurakot pa nila. Walang laman ang ating kabang-bayan dahil nasaid na ng corruption. Ang akala natin ay umuunlad tayo sa panahon ni Marcos pero ang hindi natin alam ay iginigisa na pala tayo sa ating sariling mantika. Sa bawat pangungutang para sa infrastrusture projects, mas malaki pa ang ninananakaw kesa sa napapakinabangan ng bayan. Ang sumatotal, ang mga buwis natin ang nagbabayad ng kanilang ninakaw.

Kung kaya naman, walang nagawa ang mga sumunod na administrasyon kundi ang maghanap ng pondo kaya lalong nadagdagan na naman ang ating mga utang sa labas ng bansa. Kung maganda ang ekonomiya natin sa panahon ng Martial Law, dapat sana ay may pondo ang mga sumunod na administrasyon. At sana ay mayaman sana ang mga Pilipino ngayon. Kung walang ninakaw, sana ay wala tayong naging utang, hindi ba? May nagsasabi na kailan nga lang natin nabayaran ang mga utang ng ating bansa mula pa noong panahon ni Marcos. Ang nangyari, ginawang armas ang Martial Law ng mga naghahari-harian upang itago ang kanilang walang habas na pandarambong!

May mga desperado pa ring umaasa na pamamanahan tayo ni Marcos, pero kung totoo ito, bakit ang kapalit nito ay ang pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilya Marcos? Bakit may stringed attached? Kung hindi sila nagnakaw e bakit nanghihingi ng immunity? Kapansin-pansin na ang mga nagsusulong ng kanilang pag-angat ay ang parehong mga tao pa rin na umiidolo sa kanila noon at ngayon. History repeats itself.

Where Do We Go From Here?--

Kahit sa ating panahon, andiyan pa rin ang mga NPA. Mas marami sa atin ang umaayon sa summary execution bilang sagot sa mga corruption, kalabisan at illegal na droga na sumisira ng ating lipunan. Ganun din nung Martial Law, akala nila, maso-solved ng Martial Law ang corruption at ang mga aktibismo subalit sa kalaunan dumami lamang ang mga biktima, marami ang nadamay dahil napagbintangan. At ngayon, si Marcos pala lumalabas na totoong kalaban ng ating bansa… naging masahol pa sa pamahalaang komunismo ang Martial Law na kanyang nilalabanan.

Ang nakakalungkot… nire-resurrect natin sa ating panahon si Ferdinand Marcos. Ang ganitong klase ng kamatayan ang pinaka-kasuklam-suklam na kamatayan dahil kahit patay na siya ay patuloy pa rin niyang pinapatay ang kinabukasan ng kanyang mga nabiktima at nasaktan. Ang pangarap ng kanyang pamilya na pasinungalingan ang kanyang mga nagawang kasalanan ang patuloy na humahati sa ating bayan.

Bilang mga Kristiyano, marami sa atin ang ipinagpapasa-Diyos na lamang natin si Marcos. Kung naghahabol man sa kanya, iyon ay para narin naman sa ikapapayapa ng kanyang kaluluwa.

======

Epilogue: Ang Mga Biktima--

Walang karapatang magpahayag ng pananaw
dinudukot para i-salvage ang hindi pumapabor sa gobyerno
Pinapahirapan ng wagas...
tino-torture...
binubugbog, ginagahasa, dinudukot ang mata, pinapakain ng sariling tae at pinapainom sariling ihi
Habang dinarambong ng namumuno ang kayamanan ng kanyang bansa.

Ito yung pinanggalingan natin
Subalit hindi tayo natuto
Sa bandang huli
Uulit na naman ang kalagiman
At tayo naman ang susunod na biktima.

Hindi tayo nagiging ganap na malaya...
dahil may bahagi tayo sa ating sarili
na takot na takot na hanapin
ang inaasam-asam nating katarungan.

After the Hurt... Choose to Become a Better Person

Para sa mga nagmahal at nasaktan ang portion po na ito.

Ang pagmamahal ay isa sa pinaka-misteryosong karanasan sa buhay natin.Kung tutuusin, bawat isa sa atin ay may pagpapakahulugan ng pagmamahal. Kung hindi man masabi ng ating bibig ang definition ng pagmamahal, mas malimit ipinaparamdam na lamang ng higit sa nakararami sa atin kung paano nga ba ang magmahal.

May ilan na takot na takot magmahal kasi takot silang masaktan. Maraming palagay at kuro-kuro tayong pwedeng maisip. Maaaring nabigo na sila sa unang pagkakataon. O maaari rin namang ang pagmamahal nila sa nang-reject sa kanila ay naroon pa rin sa kanilang puso.

May ilan naman na kahit ilang ulit nang masaktan ay paulit-ulit pa ring nagmamahal. Sabi ng iba, sila raw ang hindi matuto. Sila raw yung nagpapakatanga. Sila din daw yung ipinipilit nila ang kanilang sarili sa iba.

Sila yung mga tao na malimit ay nahuhusgahan. May nagsasabi pa nga na “Iyan naman ang gusto nila, yung nahihirapan." At meron ding nag-a-agree at nagsasabing "Mukhang masaya naman sila sa pinili nila sa kanilang buhay.” Kasi naman kahit na gaano ka-extreme ang kanilang sitwasyon ay nakukuha pa rin nilang ngumiti kahit mahirap. Marami sa kanila, kahit na nagpapaka-martir na lang, most of the time, ay kinakaya na lang ang sakripisyo na araw-araw nilang dinadala sa buhay nila.

May pagkakataon naman na hindi naman nila talaga kasalanan ang lahat. Hindi naman nila kasalanan na magmahal ng sobra-sobra sa mga taong nagbabalewala sa kanila. May mga tao lang talaga kasi na sadyang mahirap mahalin kasi hindi pa sila 'mature' sa larangan ng pag-ibig kaya ang nangyayari ay lagi na lang silang iniintindi. Para silang bata kasi puro sarili lang ang iniintindi nila. Mayroon pa nga na masaya pa na makasakit ng damdamin ng kanilang kapwa. Siguro, kahit gaano mo pa mahalin ang ganitong uri ng tao ito ay palaging mananaig sa kanila ang kanilang pagkamakasarili kung kaya hindi nila magawang suklian ng pagmamahal ang mga taong nagmamahal sa kanila. Hindi natin masisisi ang mga sumuko na sa kanila. Dumating na siguro na na nasagad na rin ang kanilang pasensya. Sa puntong ito ay na napagod na din sila. Ngayon, marami sa kanila ang gustong maging mapag-isa. Meron din sa kanila ay naging 'cynical' na sa ibang tao pagkatapos nila ma-frustrate. May ilan na ayaw na muling sumubok magmahal ng iba.

Pero ganun na lamang ba palagi iyon? Hanggang kailan tayo matatakot at iiwas na umibig? At hanggang kailan natin ipipilit ang ating sarili sa mga taong ayaw naman sa atin?

“Love is sweeter the second time around.” Itong cliché na ito ay nagbibigay lagi ng pag-asa. Hindi lang masarap basahin kundi masarap ding isipin. Marami sa atin ang naniniwala na may nakalaan talaga para sa bawat isa. Kinakailangan lang mag-antay. Maaaring hindi pa lang natin natatagpuan ang regalo ni God para sa atin or pwede rin namang sabihin na hindi pa tayo natatagpuan ng magmamahal sa atin. Kung magkukulong ka lagi, hindi ka niya makikita. Kung hindi ka magiging appreciative sa taong laging nasa tabi mo, hindi mo rin siya makikita. Two-way ang pagmamahal: ikaw... ibinibigay mo ang sarili mo sa kanya; at tinatanggap mo siya. At siya ay ganun din. Ganito ang mutual love. Ganito ang parehong nagmamahalan.

Life goes on. Siguro, sapat na ang mahabang panahon na ipinagmukmok mo. Kung hanggang ngayon ay umaasa ka pa din, kung naka-move-on na siya better na i-let go mo na rin siya. Habang patuloy kang nagki-cling sa kanyang ala-ala ay patuloy ding nakahinto ang iyong buhay. Usually, ganito ang ending ng mga relationship na away at bati. Sa huling away ay hindi na nagkaintindihan. Yung pagta-try na i-work-out ang relationship ay nauwi na rin sa hiwalayan. Sa mahabang panahon ay walang communication. Hanggang isang araw ay nagising ka na lang na totally ay wala na siya. Ini-ignore ang lahat ng text at calls mo. May sarili na siyang lakad. Wala ka na sa eksena sa buhay nya. At dahil doon ay na-fixate ka. Andaming tanong. Andaming "Bakit?" Gusto mong maghanap ng justice pero saan? Wala kang matakbuhan kasi ang sinasabi ng lahat ng tao ay mag-let go ka na lang. Pero ikaw na nasa state of shock pa ay umaasa ka pa rin sa bawat araw na magpaparamdam pa rin siya. Pero wala na dahil meron na pala siyang iba. False hope na ito. Pero nagde-deny ka pa rin. Ang alam mo ay mase-save pa rin ang relationship ninyo.

Masakit naman talaga ang nangyari. Lahat naman tayo ay ayaw masaktan. Kung nasaktan ka, siguro naman ay natuto ka. Kaya lang huwag mo namang saktan ang mga taong nag-aalala at nagmamahal sa iyo. Huwag mong hayaan na ang kabiguang ito ang maging dahilan ng pagsusungit mo dahil 'unfair' naman ito sa mga walang kasalanan sa iyo. Huwag mong sabihin na parang sirang plaka na: "Ayaw ko nang magtiwala kasi lahat naman ng tao sa mundo ay manloloko." Bakit, lahat ba ng tao sa planetang earth ay nakilala mo na? Tapos ngayon, napapangiti ka at napapasabi nang "Oo nga naman." Aminin mo na. Yes, masakit ang mabigo pero huwag mong hayaang ang kabiguang ito ang bumago ng iyong pagiging mabuting tao. Sa halip na maging 'bitter,' maging 'better' as a person ka.

Okay, kung gusto mo ng talaga ng closure, mag-usap kayo. For old time's sake na lang ay huwag ka nang manumbat or magpaka-bayolente pa kasi wala na rin namang mangyayari. Huwag kang umasa na ang closure ay para magkabalikan pa kayo kasi baka mabigo ka lang. Madodoble pa ang pait kapag ginawa mo pa ito. Huwag ka nang magpakababa pa. Deserve mo din ang magtira ng konting respeto sa sarili. Sapat na yung panahon na ipinaglaban mo ang pag-ibig mo sa kanya. This time, just allow yourself na magkaroon ng inner peace. Masakit man, kailangan din talagang magpatawad at manghingi ng tawad. This time, be open and be appreciative. Magpasalamat kayo sa isa’t-isa kasi kahit naman sa maikling panahon ay napasaya din naman ninyo ang bawat isa. Maganda rin naman na magtapos ang relationship ninyo bilang magkaibigan.

Actually, ang mga totoong nagmahal ang palaging nagwawagi sa larangan ng pag-ibig. Nasaktan ka man, iyon ay dahil sa nagmahal ka nang wagas. Nabigo ka man iyon ay dahil sa nagtiwala ka ng wagas. Sa pagkakataong ito ay marami kang mari-realized: "Sobrang sakit pala ang magmahal kasi ang totoo palang pagmamahal ay ang pagbibigay ng kalayaan sa iyong iniibig na ibigin ka niya o hindi ka niya ibigin." All in all, nagkataong nagmahal ka ng totoo kaya sobrang naapektuhan ka. Kung tutuusin, malaking kawalan ka sa sinumang mang-iwan sa iyo. Mapalad ang sinumang makakatagpo sa iyo.

Try to improve yourself this time. Kahit hindi totoo yung mga complaints nya sa iyo, i-try mo din na i-improve ang mga iyon. This time, sabihin mo sa sarili mo na: "I want to become a better person." Huwag kang mawawalan ng pag-asa dahil pasasaan ba at darating din ang taong nakalaan para talaga sa iyo. At kung, finally, dumating man siya sa buhay mo, alagaan mo siya at manatili kang tapat sa pangako mo sa kanya.

For now, pagtibayin mo ang relationship mo kay God kasi si God din naman ang magbibigay sa iyo ng right person na makakasama mo habang buhay.

I will pray na sana dumating ang panahon na masabi mo ng buong ngiti: "God thank you po... dahil kahit na ako ay 'Nasaktan at Nabigo'... ako naman ay 'Muling Nakabangon' dahil sa Iyo."

Sunday, September 24, 2017

Mag-Reflect Upang Maunawaan Natin ang Plano ng Diyos sa Ating Buhay

May dalawang pikamahalagang tanong sa ating buhay:
1.HOW (Paano) at
2.WHY (Bakit).

May pagkakataon na mas madaling ipaliwanag kung "Paano ka ipinanganak" kasi pwede mong itanong iyon sa iyong mga magulang or pwede kang mag-research sa mga libro at internet; pero ang tanong na "Bakit ka ipinanganak," ang ultimate na makakasagot lamang noon ay ang lumikha sa atin na walang iba kundi si God.

Upang maunawaan natin kung "Bakit tayo nandito" ay kinakailangan nating magkaroon ng magandang relasyon sa ating Diyos. Siya ang mabuti at mapagmahal na Diyos na laging nagsasabi sa atin na "Narito ako para sa Iyo."

Kapag naunawaan natin kung paano tayo nilikha at bakit tayo nilikha bilang tao, mas magiging malalim at makahulugan ang pagtingin natin sa mga bagay-bagay. Malalim sapagkat naiuugnay natin ang ating sarili sa lahat ng bagay at lalong-lalo na sa ating kapwa-tao; makahulugan sapagkat nakikita natin lagi ang grasya ng Diyos na gumagalaw sa lahat-lahat ng mga nilikha Niya sa lahat ng panahon at pagkakataon.
#engkwentro #denmar1978