Sunday, June 26, 2011
Paglisan
Sa buhay na ito
Wala tayong gustong masaktan
Kaya lang...
Ang nangyayari
Sa bawat pagtitiis natin
Tayo naman ang nasasakatan.
Malimit...
Humahantong sa wakas ang maraming bagay
Nakakasawa na rin kasing magtiis
Hindi lang dahil baka nawawala na ang ating pagkasarili
Kundi baka ang bagay na nais natin ay hindi para sa atin.
Kailangan palang palayain ang maraming bagay
Lalo na iyong mga bagay-bagay na hindi sa atin nagpapahalaga
Silang mga hindi rin sa atin nagmamalasakit
Ewan ko ba,
Kung bakit ba natin sila pinag-aaksayahan pa ng oras
O sabihin na lang natin,
Kung bakit pa ba naman natin sila binibigyan pa ng marami pang pagkakataon?
Kung bakit sa marami nilang pagkakamali
Sa paulit-ulit na pagsugat nila sa ating pagtitiwala
Sa paulit-ulit nilang pagbali ng kanilang mga pangako
Sa paulit-ulit nilang pananakit sa ating pagod na pagod na kaluluwa
At pambubugbog sarado sa ating martir na katawan
Tila hindi tayo nadadala...
Paulit-ulit din tayong nagpapatawad
Paulit-ulit nating kinakalimutan ang nakaraan
Kahit ang bakas ng pasa at sugat
Ay naghuhumiyaw mula sa kaibuturan ng ating pagkatao
Ang simpleng sagot
Dahil minahal talaga natin sila
Minahal ng higit pa sa ating sariling buhay.
Paglaon ng mahabang panahon
Matapos ang mahabang pisi ng pagpapasensya
Maiisip natin...
Kung bakit kailangang pag-aksayahan ng pagmamahal
Ang taong hindi naman sa atin nagmamahal
Samantalang maraming iba dyan na uhaw na uhaw
At sabik na sabik
Sa ating mailap na pag-ibig.
Siguro, isang bagay lang
Kung maisip man natin silang iwan
Sila rin ang nagturo sa atin
Upang tayo ay mag-isip ng ganito:
Tapos na ang panahon para sa kanila
Kailangan harapin naman natin ang ating sarili
Kailangang bigyan naman natin ngayon ng pagkakataon
Ang ating nahintong buhay dahil sa kanila
Na muling matikman ang kaligayahan
Na ipinagkait nila
Matapos ang matagal na pagpapaka-martir
Matapos ang matagal na pagbubulag-bulagan
Matapos ang matagal na pagbingi-bingihan
Matapos ang matagal na pagtitiis at pag-papakamanhid
Panahon na upang hanguin ang ating sarili
Mula sa impiyernong pinagsadlakan nila sa atin
Matapos ang mga pangako nilang hindi natupad na bumighani sa atin
Na nauwi sa pagkaalipin at paghamak sa ating buhay na nagpakasakit.
Ito rin naman ang hinahanap nila
Ang mag-isa at mabuhay ng wala tayo
Dahil kung nais nila tayo
Pahahalagahan sana nila tayo
Hindi lang ngayon dahil tayo ay lilisan na
Kundi noon pa man nuong kailangan natin sila.
Ang pinakamaliit na detalye sa ating buhay,
Corny man sa pandinig
O kahit hindi man nila matandaan,
Ay sana, kaya man lamang nilang i-respeto.
Isang araw magigising tayo mula sa bangungot ng kahapon
Mula sa pagiging biktima ng sakit kalooban na dulot nila
Sasabihin nating naka-move-on na tayo
Kaya lang nung nag-move-on tayo
Hindi na sila kasama
Dahil sa pagkakataong ito,
Mas nais na natin ang maging malaya.
===
Epilogue:
Pagpapatawad
Sa bandang huli...
Pagpapatawad ang patutunguhan ng lahat ng galit
Kung saan sisibol muli ang pagmamahal
Na magpapalaya sa atin
Sa ating pagkaalipin sa ating mga hinanakit
May mga landas mang matinik sa ating buhay
Na nakakatakot balikan
Dahil nagdulot ito ng masidhing trauma at pagkabahala
Kung saan ang mga bakas ng bawat yapak
Ay ipinangako natin sa ating sariling kaylan man ay hindi na babalikan
Subalit may mga pangako ring kailangang tuparin
Mga pangako ng pagmamahal na sa kalaunan ay kumupas at nawalan nang kahulugan
Kung saan sa pagkakataong hinihingi ng panahon
Kung kailan kumatok muli sa ating naghilom na pagkatao
At lumayang kaluluwa
Ang pananariwa ng nakaraang ating iniiwasan
Pilit man nating ikubli
May mga pagkakataong muling tumitibok ang ating pusong nasugatan
Sinasabi na sa pagkakataong ito
Handa na akong muling umibig
At magmahal ng higit sa kaya kong gawin
Dahil sa pagkakataong ito
Mas mapagpatawad na ako
Kaya ko nang makita ang kagandahan sa aking iniibig
Dahil kaya ko nang panghawakan
Nang lubos ang aking sarili
Kaya ko nang sabihin ito:
Mahal kita
Sa kabila
Nang mga pasakit
Mo sa akin
Kaya kong baguhin ang sarili ko
Alang-alang sa iyo
Hindi ako martir
At lalong hindi ako santo
Nagkataon lang
Na ikaw ang inibig ko
Sa mga kahinaan mo
Aalalay ako
Sa mga kahinaan mo
Uunawa ako
Hihintayin kitang magbago
Sasabay ako sa bawat hakbang mo
At kung ikaw ay mahulog muli at magkamali ng paulit-ulit
Sa pagkakataong ito...
Makailang beses ding sasaluhin kita at hindi iiwan
Hindi ako magsasawa
Hindi ako magsisisi
Mas mahal na pala kita ngayon
Nang higit sa aking sarili
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Broken Relationship,
Challenges,
Daily Struggles,
Family,
Gaps,
Injustice,
New Perspective,
Pains,
Realization,
Reflection,
Social Awareness
Tuesday, June 21, 2011
Panalangin sa Pagpapatawad
Panginoon, turuan Mo po akong magpatawad...
Sa mga nakakasugat sa akin ng paulit-ulit
Turuan Mo po akong makita sa nakakasakit sa akin
Ang Iyong repleksyon upang siya ay aking mahalin pa rin
Sa kabila ng nararanasan kong tindi ng pasakit...
Hilumin Mo ang aking naaping gunita
Na sumisigaw ng paghihiganti
Upang maunawaan ko na ang galit
Ay walang puwang sa isang wagas na pag-ibig...
Turuan Mo ang aking puso
Na magmahal at magpatawad ng lubos
Ang mahalin ang lubhang nakasakit sa akin
At ituring pa rin siya bilang aking pinakamamahal na kapatid...
Hindi ko na hinihiling sa Iyo na baguhin Mo pa siya
Sapat na ang hilumin mo ang aking pusong nasugatan
Sa kabila ng aking pagsusumikap na manatiling mapagmahal
Itinataas kong lahat ang mga tinik na tinitiis ko sa aking buhay.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Forgiveness,
Healing,
Hope,
Inspiration,
Letting Go and Letting God,
New Perspective,
prayer,
Realization
Yakap
"...Sa lahat ng may mga kapamilya na may kapansanan, pinagpala tayo ng Panginoon sapagkat ipinagkatiwala Niya sa atin ang isang anghel mula sa langit. Sa pamamagitan nila, ipinadadama ng D'yos ang buhay na pagmamahal Niya sa atin... mapalad tayo kung tayo ay yayakapin nila bawat saglit sa araw-araw , sapagkat ang D'yos, sa pamamagitan nila, ang buhay na yumayakap sa atin..."
Paano nga ba masasabi ko sa iyong 'mahal kita'
Kung lagi kang walang panahon
Kung lagi kang nagmamadali
At nagbibingi-bingihan sa aking utal-utal na sinasambit?
Hindi kita mapigilan kahit ilang saglit man lang
Dahil ang nais mo ang laging gusto mong masunod
Kailan ka nga kaya mananatili
Na hindi nagmamadali paalis sa aking piling.
Marami akong nais sabihin kahit hindi ko kayang gawin
Subalit, napangungunahan ako lagi ng iyong pamamaalam
Pangarap ko ring sumabay sa agos ng iyong buhay
Subalit makita mo pa lamang ako, ikaw ay agad umiiwas.
Tatay, kailan mo ba ako maaring mayakap ng mahigpit katulad ng dati
Nang sanggol akong isinilang at pumalahaw sa daigdig
Langit at kaligayahan ko na ang tawagin mo akong 'anak'
Sa kabila ng aking kapansanan tanging yakap mo ang aking hangad.
Labels:
Broken Relationship,
Brokenness,
Challenges,
Family,
Father,
Gaps,
Inspiration,
Life,
Missing Someone,
Pains,
Parenthood,
Poor Relationship,
Social Awareness,
Waiting
Kariton
Paraiso ang tawag namin
Sa munting karitong ito
Sa mahabang paglalakbay
Na taon na ang lumipas...
...ito na ang aming naging munting tahanan
Bubong sa tindi ng sikat ng araw
Kanlungan sa pagsapit ng gabi
Habong sa tuwing may malakas na sigwa
Kayamanan sa aming payak na paningin...
...kahit ito may basura para sa iba
Sa gitna ng masangsang na lansangan
Habang bumabaybay sa manhid na lipunan
Ang abang karitong ito
Na naging bahagi ng aming buhay...
...ay sasabay pa rin sa masalimuot na agos ng buhay.
Labels:
Challenges,
God's Providence,
Hope,
Inspiration,
Journey,
Letting Go and Letting God,
Life,
Pains,
Realization,
Reflection,
Social Awareness
Laos
Wala na ang dating kasikatan ko
Sa entablado ako'y napilitang mamaalam na
Kahit gusto ko pa ay hindi na maaari
Ibinaba na ang aking kurtina
Kasabay ng paglalaho ng mga palakpakan
Nakakasabik ang kasikatan
Masarap pakinggan ang matatamis na papuri ng madla
Ang pag-ibig nilang bulag ang ginamit ko upang alipinin sila
Dahil para sa akin...
Ako ay D'yos at bukod tanging pinagpala
Lumilipas pala ang panahon
Katawan ko at kagandahan ay lumilipas
Kasabay ng pagkapaos ng dating malamyos kong tinig
At pagkulubot at pagkahukot...
Nang minsang katawan kong masutla at maalindog.
Labels:
Acceptance,
Being Alone,
Brokenness,
Life,
Realization,
Reflection,
Regrets,
Social Awareness
Pakikibaka
Araw-araw ay may tawag tayo upang magpakabayani
Ang tumayo hindi para sa sarili
...kundi ang magtanggol ng iba
Kung tayo ay naging matatag sa ating pinaniniwalaang makatarungan
Kapag tayo ay namatay tayo ay tatangisan
Didilim ang langit sa bawat tao balang araw
Subalit hindi ang ala-ala ng mga bayaning lumisan
Isang buhay ang papanaw,
...laksang buhay ang papalit
Sa isang pakikibaka na tayo ang titindig.
Labels:
Injustice,
legacy,
Life,
Memories,
Nationalism,
New Perspective,
Patriotism,
Realization,
Reflection,
Self-giving,
servanthood,
Social Awareness
Monday, June 20, 2011
Pagkatuto
Marami akong natutunan mula sa aking mga kabiguan
Nalaman ko na may mga bagay pala akong hindi kayang gawin
Nabatid ko na may hangganan lang din pala ang aking kakayanan
At katulad ng iba, may roon din pala akong kahinaan.
Oo, mahirap tanggapin ang pagkabigo
Pero ang katotohanan pala ay laging naghuhumiyaw
Hindi natin pala maaaring hanapin ang ating sarili sa iba
Dahil bawat tao ay pinagpalang maging iba sa bawat isa
Ang kabiguan ay parang dagat na maalong nakakalunod
Kung saan sa pusod ng nagngangalit na karagatan ay hindi mo magawang huminga
Sapagkat nakakasakal ang bawat pait ng buhay
Ang tanging magagawa lamang natin ay
...ang matutong lumangoy upang makahinga ng buong laya
Wala palang ibang magpapalaya sa atin kundi ang ating sarili
Sapagkat walang nagiging biktima kung walang nagpapabiktima
Hindi natin mahahangad sa iba na tayo ay irespeto
Kung sa ating sarili ay hindi natin kayang gawin ito.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Acceptance,
Being Open,
Challenges,
Inspiration,
Journey,
Letting Go and Letting God,
Life,
New Perspective,
Pains,
Realization,
Reflection
Pagbabago ng Puso
Sa maraming pagkakataon
Ang nais natin ay maging malaya
Subalit ito ay kalayaang ibinilanggo
...sa mga pagnanasa ng ating puso
Ang totoong kalayaan
Ay ang pagmamahahal ng may kalayaan
Ang umiibig ng tapat at walang alinlangan
Kapag nasumpungan mo ang D'yos
Maari bang ibigay mo sa Kanya ang iyong sarili
Subukan mong isuko ang lahat ng iyong naisin
Palayain ang iyong mga pangamba
At itaas sa Kanya ang iyong mga hibik
Hayaan mong yakapin ka Nya
Ng buong pagkatao at kaluluwa
At hayaan mo din ang iyong sarili
Na yumakap sa Kanya ng may pananabik
Ang tagisan ng iyong puso at isipan
Matutunaw sa pagmamahal
Na iyong masusumpungan
Sa isang kalayaang
Ikaw ang nagparaya.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Acceptance,
Being Open,
Challenges,
Freedom,
Friendship,
God,
God's faithfulness,
Letting Go and Letting God,
Life,
Love,
New Perspective,
prayer,
Realization,
Reflection,
Self-giving,
Trust
Handog Buhay
Tinawag Mo ako mula sa aking dilim
Binigyan ng patutung'han ang buhay kong lihis
Binigyan Mo nang tugon ang buhay kong lito
Binago ng pag-ibig Mo ang buhay kong ito.
Kaylan ma’y mananatili sa Iyo
Ikaw aking Ama ang hanap Ko
Ang sigaw ng aking puso ay Ikaw
Tanging handog sa Iyo’y aking buhay.
Hinilom mong lahat ang pait sa puso ko
Pinunan ng pagmamahal ang pangungulila ko
Walang halong sumbat ako’y inibig Mo
Hanggang sa madama ko ang kadakilaan Mo
Kaylan ma’y mananatili sa Iyo
Ikaw aking Ama ang hanap Ko
Ang sigaw ng aking puso ay Ikaw
Tanging handog sa Iyo’y aking buhay.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Being Open,
Faith,
Father,
Forgiveness,
God's faithfulness,
Healing,
Inspiration,
Letting Go and Letting God,
Life,
Pains,
prayer,
Realization,
Reflection,
Self-giving,
Thanksgiving
Saturday, June 18, 2011
Title Pages
January, 2012 Issue: Freedom
December, 2011 Issue: Bakas
November, 2011 Issue: Music of the Heart
October, 2011 Issue: Spark! (picture courtesy of Scouter Elvie Garcia)
September, 2011 Issue: Hang on
August, 2011 Issue: A Light in the Darkness
July, 2011 Issue: Dreams
June, 2011 Issue: Reflection
May, 2011 Issue: To Pray
December, 2011 Issue: Bakas
November, 2011 Issue: Music of the Heart
October, 2011 Issue: Spark! (picture courtesy of Scouter Elvie Garcia)
September, 2011 Issue: Hang on
August, 2011 Issue: A Light in the Darkness
July, 2011 Issue: Dreams
June, 2011 Issue: Reflection
May, 2011 Issue: To Pray
Kasaysayan
Bumangon ka Inang Bayan mula sa iyong pagkakakahimlay
Hilumin ang mga sugat na nilikha ng nakaraan
Giray na watawat Mo'y muling iwagayway
Batiin ang umaga sa kabila ng kapanglawan.
Alalahanin mo lahat kaming mga pumanaw
Nang mag-alay ng buhay para sa Iyo, Inang Bayan
Kung saan sa huling hininga, ngalan Mo ang sinambit
Matamis na ala-ala sa tindi ng pasakit.
Tawagin mo akong anak, aking Inang Bayan
Ariin mo akong mangingibig ng tunay na kalayaan
Kung saan walang pagka-alipin sa sariling bansa
Ang hahadlang upang mayakap ka sa iyong dalisay na kanlungan.
Anong maihahandog ko sa iyo upang maibsan ang iyong kalungkutan
Malamig na punebre ba ang isasaliw ko sa himig ng iyong kanta?
Habang tinatangisan mo ang Iyong mga anak sa kasalukuyan
Na tila nakalimot na sa kabayanihan ng nakaraan.
Tipunin mo ang aming mga palahaw mula sa aming libingan
Mga tinig ng pag-asang nakapinid na umaalingawngaw
Upang aming nasimulang pakikibaka'y amin nang ipamana
Sa kasalukuyang panahon sa nagababagang puso ng bawat masa.
Labels:
Inspiration,
legacy,
Life,
Memories,
Metanoia,
Nationalism,
New Perspective,
Patriotism,
Realization,
Social Awareness
Martir
Nung minahal kita
ang tangi mo lamang na kasalanan
ay ang madali kang mahalin
Dahil...
nung una kitang nasilayan
minahal na kita agad
Napako na agad ang aking puso
sa isang katulad mo
kahit hindi nagmamahal sa akin
Hanggang ngayon ako'y umaasa
na sana isang araw
mahalin mo rin ako
Pero...
hindi ko ipipilit
ang aking sarili sa iyo
Aangkinin kong kaligayahan ko
ang kaligayahan mo
kahit na makita mo pa ito sa iba.
Labels:
Acceptance,
Broken Relationship,
Challenges,
Life,
Poor Relationship,
Realization,
Reflection
Thursday, June 16, 2011
Uwian
Kanina, alas kwatro ng hapon
Pagkatapos ng klase sa San Carlos Seminary
Dahil papadilim na ang langit na bumabadya ng ulan
Dali-dali kaming naglakad patungo sa MRT
Hanggang bumuhos ang malakas na ulan
Na may hanging humahampas sa aming nagiray na payong
Hanggang sa naabot namin ang mahabang pila ng MRT
Napagod ng kaunti dahil sa mataas na tinakbo
Medyo basa kagaya ng iba
Inihanda ko ang halaga na pambili ng tinging tiket
Sumabot sa bulsa kung saan may natirang bente at piso
Dose hanggang Cubao, otso hanggang Gilmore
Okay at may sobra pang piso
Sapat pa na pambili ng candy.
Pero sa dulo ng pila ng MRT
May Red Cross volunteer
Marahil buong maghapon na siyang nakatayo
Habang hawak ang lata na pang-donasyon
Hinihimok ang kapwa na maghulog
Kahit konting barya sa butas ay mag-shoot
Sabi ko matapos akong bumili ng sobrang piso ko
O, eto sa yo na ang sobrang piso ko
At nagpasalamat ang mamang Red Cross
Sinigurado akong makakarating sa patutunguhan
Ang piso kong pinagka-tabi-tabi.
Matapos ang mahabang pila sa tiket
Mahabang pila naman sa kapkapan ng gamit
Sandali lang at isinusuksok ko na
Ang aking tiket sa entrance ng MRT
Sandali pa at bumungad na sa amin ang laksang tao
Na tulad namin ay nag-aabang din ng tren
Sa unang hinto ng tren, nabigo akong nakasakay
Nauna na sa akin ang ibang kasama ko
Naiwan akong mag-isa
Subalit sa pangalawang tren ay nabigo muli ako
At sa pangatlo matapos ang matagal na paghihintay
Siksikan man, dahil sa tulakan ako'y nakapasok din.
Sa loob ng MRT wala na halos galawan
Sari-saring amoy ng buong maghapon
Ang manunuot sa butas ng iyong ilong
Habang nakatayo, hindi mo na makukuha pang lumingon
Kahit sa bandang pwet at likod mo ay may kung anong tumutusok
Wala na lang malisya, sabi ko sa aking sarili
Ang mahalaga, makarating ako sa patutunguhan ko.
Sa gitna ng sitwasyon meron pa ring nagrereklamo
Merong nagkasagutan at nagmurahan pa
Kung hindi ka maitulak, ikaw ay masisiko o makakabig
Pero lahat ng pagkainis at pagtitiis ay lilipas
Sa sandaling huminto na ang MRT
Sa lugar kung saan pasahero ay nais bumaba
At hindi matatapos ang kalbaryo
Pagkatapos sumiksik palabas ng tren
Mahabang pila uli...
May pasaherong aayusin ang sarili at bitbit na pasalubong
Ibubukas ang payong dahil malakas ang ulan
Sa celfon, bubulong sa kausap sa kabilang linya
'Anak malapit na ako, dala ko na ang pasalubong mo.'
Samantalang ako
Sinalubong ng kapwa ko seminarista
Na kanina ay nauna sa aking sumakay sa MRT
Upang sabay-sabay kaming umuwi sa aming tahanan.
Wednesday, June 15, 2011
Metanoia
Kaninang tanghali
Grabe, antindi ng init ng araw
Sinusunog ka na nga,
Umiihip pa nang malakas ang maalinsangang hangin
Na nagpatikwas ng aking payong
Upang matambad ako
Sa nakakapasong init ng araw
Habang binabaybay ko
Ang overpass ng Guadalupe.
Habang naglalakad
Halos maligo na ako
Sa butil-butil na pawis
Na gumuguhit mula noo hanggang binti
At kumakatas na sa aking damit
Andami kong reklamo
Kulang na lang ay magmura ako
Syempre semenarista ako
Kaya hindi ko gagawin iyon
Pero ang magreklamo
Iyon na lang ang ginawa ko
At inisip ko
Sa GuadaMall, may aircon
Kaya dali-dali akong naglakad
Upang marating ko ang langit na iniisip ko.
Sa kabila ng overpass na aking binaybay
May namamalimos na bulag na mama
Sa lilim ng kanyang gula-gulanit na payong
Hindi niya alintana ang init ng maghapon
Nakaupo siya, malamang mula pa kaninang umaga
Nakalahad ang kamay na may lata
Nanghihingi ng awa
Sa kanyang paa ay may plastic ng yelo
Halos tunaw na nga
Pero parang iyon ang langit nya
Kanyang ginhawa sa gitna ng nagbabagang mundo.
Natahimik ako sa aking pagrereklamo
Ang mabilis kong mga hakbang
Ng pananabik patungo sa aircon na mall
Ay nauwi sa matinding awa
Hindi para sa matanda
Kundi para sa aking sarili
Wala pala akong inisip kundi ang aking sarili
Samantalang ang bulag na mamang ito
Ay nagtitiis
Hindi para sa kanyang sarili
Kundi para sa kanyang iniibig.
Kailan ba ako nagtiis para sa iba
Tanong ko sa aking sarili
Sa kabila ng kanyang kapansanan
Handa pa rin siyang magtiis
Ano nga ba ang naibigay ko sa sangkatauhan?
Kapag ako'y pumanaw paano kaya ako alalahanin?
Mga uod lamang ba ang makikinabang sa akin?
Sa kanyang lata, naghulog ako ng barya
Manong, sabi ko
Pambili nyo po ng yelo
Wala siyang sinabi kundi ngiti
Siguro inisip nya kagaya ako ng iba
Na nangti-trip lang sa kanya
Manhid na rin marahil siya
Sa pang-aalipusta ng kanyang kapwa
Pero sa pagkakataong iyon na ordinaryo para sa kanya
Nakanti nya ang manhid at makasariling mundo ko
Upang matunaw at muling magpakatao...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Brokenness,
Challenges,
Inspiration,
Life,
Metanoia,
Realization,
Reflection,
Social Awareness
Tuesday, June 14, 2011
Karukhaan
Pagkalipas ng buong maghapon
Haharap ako sa Iyo, Panginoon
Matapos ang buong araw na nakakapagod
Eto ako, taimtim na sumasamo.
Babalikan ang buong maghapon
Upang pasalamatan ang mga biyaya
Sa kabila ng mga pagsubok ng buhay
Inaari kong hindi mo ako pinababayaan.
Sa kabila ng karukhaan ko
Masasabi kong mapalad ako, Panginoon
Salat man ako sa maraming bagay
Pinagpala naman ako sa pananampalataya.
Kahit ako'y nagugutom
Binubusog mo ako ng pag-asa
Sa gitna ng panlalamig at kaba
Sa piling ko'y nananahan kang tapat.
Dahil walang maibabalik
Iaalay ko na lamang ang aking abang sarili
Upang sa kabila ng aking matinding karukhaan
Ay makapaglingkod pa rin ako sa aking kapwa.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
affection,
Being Open,
Hope,
Letting Go and Letting God,
Pains,
prayer,
Realization,
Relationship,
Self-giving
Common Ground
Given that peace is our common ground
Would there be harmony between us?
Can seeds of hope sprout from the graves of war?
Until our children's children harvest their sweet first fruits?
Given that justice is our common ground
Would there be forgiveness between us?
Can seeds of trust sprout from our tormented souls?
Until our children's children harvest their sweet first fruits?
Given that love is our common ground
Would there be respect between us?
Can seeds of sacrifice sprout from our imperfect lives?
Until our children's children harvest their sweet first fruits?
Can transcendence be our common ground?
Where every death is not an end, but a new beginning?
Can seeds of heaven sprout from every agony of pains?
Until our children's children harvest our first sweet fruits?
Labels:
Broken Relationship,
Challenges,
Forgiveness,
Healing,
Life,
Love,
Metanoia,
Pains,
Reflection,
Social Awareness
Monday, June 13, 2011
Makata
Kapag ako'y napaupo na
Sa isang sulok kung saan makakanti ang aking imahinasyon...
ng mga mga bagay
ng mga pangyayari
ng mga tao
ng mga kaganapang hindi ko inaasahan
kahit ng mga bagay na aking tinatakasan
Ipinipinta ko ito kagaya ng isang pintor
Gamit ang nagtataeng bolpen na sabik na makipagtalik sa gusot-gusot na papel
Upang bigyang buhay at kulay
Kahit sa sandaling pagkakataon
Ang isang obra ng isang puso
Na ako lang ang nakakita
Sa pagkakataong iyon...
Nais ko sanang ialay ito sa iyo
Upang maibahagi ko sa iyo ang aking sarili
Sa pamamagitan ng aking mga katha
Subalit lagi, wala kang oras
Lagi kang walang interes na makinig sa aking mga paliwanag
...Pagkat, bilang makata
Kinahon mo ako at hinamak ang mga tulang binigyan ko ng hininga
Hanggang matutunan kong mag-isa mula sa pangungulila
Kung saan isang araw
Nakadama na lang ako ng pananabik sa kalayaan
Simula upang lisanin ko ang iyong piling
Upang maibalik ko ang nawalang pagrespeto ko
Sa aking nabulag na sarili.
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Being Alone,
Being Open,
Broken Relationship,
Journey,
Life,
Metanoia,
New Perspective,
Pains,
Poor Relationship,
Reflection,
Regrets
Tuesday, June 7, 2011
Dahil Mahal Kita Bilang Ikaw
Hindi kailangang ikaw ay may patunayan pa
Upang ikaw ay ibigin Ko
Hindi hadlang ang iyong kahinaan
Dahil mahal kita bilang ikaw.
Hindi man mag-alay ng iyong buhay
Batid Ko ang iyong katapatan
Iyong pangungulila at dahilan ng pangamba
Hihilumin ng pag-ibig Ko na alay sa iyo.
Sapat na ang dalisay mong puso
Nang tinawag kita at ikaw ay tumugon
Lahat ng pagsisikap mo ay Aking batid
Dahilan upang higit na ibigin kita.
Hindi kailangang ikaw ay may patunayan pa
Upang ikaw ay ibigin Ko
Hindi hadlang ang iyong kahinaan
Dahil mahal kita bilang ikaw.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
God,
God's faithfulness,
God's Providence,
Healing,
Hope,
Inspiration,
Journey,
Letting Go and Letting God,
Life,
Memories,
prayer,
Realization,
Reflection,
Repentance,
Self-givingTrust,
Waiting
Naghihintay
Naghihintay sa bawat sandali
Dinadasal na ikaw ay muling sa aki'y bumalik
Bawat landas ng iyong bakas
Sinusundan ng puso kong sa iyo'y nagmamahal.
Saan man ikaw abutin ng dilim
Sa pagbuhos ng ulan sakaling manlamig
Tumawag ka lang ako ay darating
Ako ay darating...
Tutunawin ng pag-ibig ko
Ang galit na namumuo sa iyong puso
Hahawiin ng pag-ibig ko
Ang ulan na bumubuhos sa iyong sugatang puso.
At kung sakaling 'di-tumigil ang ulan
At kung sakaling maging bagyo ang ulan
Mananatili ako sa iyong piling
Isisilong kita sa yakap ko.
Naghihintay sa bawat sandali
Dinadasal na ikaw ay muling sa aki'y bumalik
Bawat landas ng iyong bakas
Sinusundan ng kong sa iyo'y nagmamahal.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
affection,
Being Open,
Broken Relationship,
Forgiveness,
Inspiration,
Love,
marriage,
Memories,
Missing Someone,
Pains,
Regrets,
Vows,
Waiting
Cradle of Love
I am always cryin' every morning
Looking for a place to hide.
I am always dreamin' of being safe
Until you came into my life.
And Your arms became my cradle of love
In Your arms I can cry: the tears of my heart
You comfort all my tears and lift my spirit free
I found security when You whisper all these words to my ears:
Life is alright my friend
Though at times, it is rough
Life is always safe my friend
In the hands of God.
I used to believe that no one cares
To the music that my heart used to sing
From the depths of my soul my humming was heard
Until you sing my song to me:
Life is alright my friend
Though at times, it is rough
Life is always safe my friend
In the hands of God.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Friendship,
Hope,
Inspiration,
Journey,
Letting Go and Letting God,
Realization,
Reflection,
Relationship,
Trust
Monday, June 6, 2011
O, Sakramentong Pinakamamahal
O, Sakramentong pinakamamahal
O, Kristong buhay sa ami'y nanahan
O, Sakramentong dalisay at banal
Pasasalamat at papuri ay sa Iyo kaylan man.
Nabighani ako sa amo ng iyong mukha
Habang ikaw ay nakadungaw, sa akin ay naghihintay
Sa masintahin Mong anyaya, mailap kong puso ay tumugon
Upang manatili kahit ilang saglit.
Sa Iyong mukha, malapitang namasid
Bakas na dinanas na hirap at pait
Upang tubusin ang tulad kong makasalanan
Sa krus na Iyong pinagpakuan.
Puso ko'y natitiwasay sa tuwing Kita'y pagmamasdan
Pangungulila'y pinupukaw ng Iyong pagmamahal
Sa panahon ng pangamba, nariyan ka aking gabay
Sa Iyong palad na sugatan, buhay ko'y hinihimlay.
Sa Iyong landas, ako'y tinawag Mo
Sa Iyong tahanan, ako'y kinanlong Mo
Bigat ng pasanin, inako ng balikat Mo
Mula nang akoy tawagin Mo.
O, Sakramentong pinakamamahal
O, Kristong buhay sa ami'y nanahan
O, Sakramentong dalisay at banal
Pasasalamat at papuri ay sa Iyo kaylan man.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Adoration,
Friendship,
God,
God's faithfulness,
God's Providence,
Inspiration,
Love,
Thanksgiving
Lamat
Nabasag na kaluluwa't
Pinagpira-pirasong pagkatao
Kung saan lumigwak
Pusali ng nakaraan.
Isa-isang hinugasan
Bawat bubog na nagkasugat
Upang pagtagni-tagniin
At maging kristal na may lamat.
Muling binigyang buhay
Nang mapagpalang kamay
Ang nabasag na kaluluwa
At nadurog na pagkatao.
Hiningahan ng buhay
Pinuno ng pagmamahal
Kung saan ang bawat lamat
Ay ala-ala ng nakaraan.
Labels:
Brokenness,
Healing,
Hope,
Inspiration,
Letting Go and Letting God
Panlalamig
Naalala ko pa
Nung una...
Sabik na sabik ka sa akin
Malayo pa lang ako
Sasalubungin mo na ako...
Tuwang-tuwa ka...
Hindi maitago...
Ang iyong pananabik
Kaya lagi mo akong hinahanap.
Kaya nga minahal kita
Isinuko ko sa iyo ang aking sarili
Ipinagkatiwala ang lahat...
Ngunit sandali lang ang lumipas
Nasawa ka na agad
Nawala na ang pananabik....
Ang dating mainit na pagsuyo
Nauwi sa panlalamig
Matapos mong makuha ang lahat sa akin.
Labels:
affection,
Being Alone,
Broken Relationship,
Injustice,
Life,
Missing Someone,
Pains,
Poor Relationship,
Relationship
Sunday, June 5, 2011
Pasakit
Nung malakas ka pa
Pasakit ka na talaga
Halos lahat ng galaw ko
Pinaikot mo sa iyong mundo.
De-numero ang lahat
Sa oras na ikaw lang ang may hawak
Batas ang bawat sinabi mo
Sa tahanang sa iyo ay may takot.
Nung may sakit ka
Halos alilain mo ako
Lahat ng mapapait na salita
Tinanggap ko ng pikit-mata.
Ngayong namatay ka na
Ako'y inaalipin mo pa rin
Sa dami ng iyong habilin
Parang hindi ka rin nilibing...
Labels:
Being Alone,
Challenges,
death,
Destructiveness,
Injustice,
Life,
marriage,
Pains,
Regrets
Paano Kung Mamamatay Ka Na?
Pa'no kung isang araw, na high-blood at nahimatay ka na lang
Matapos makaramdam ng pagkapagod at panghihina
Nung nagpa-blood chem ka, creatinine mo ay mataas
Sapat na upang malason katawan mo at mangisay na lang.
Syempre, medyo denial ka pa sa una
Lord, bakit ako, itatanong mo sa Kanya
Magpa-flash back ang lahat... magsisisi sa nakaraan
Hanggang sa matanggap mong mamamatay ka na.
Kung bakit naman kasi, kapag may taning na ang buhay
Tsaka pa lamang tayo maghahanap ng karamay
Tsaka pa lang tayo makikipag-kwentuhan ng may kwenta
Kung saan aaminin natin ang ating totoong nararamdaman.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Acceptance,
Challenges,
Denial,
Life,
Poor Relationship,
Regrets,
Sickness
Saturday, June 4, 2011
Panahon
Araw-araw andami nating iniiwasan
Pagkaing mamantika, masebo at walang sustansya
Baka kasi ma-heart attack mahirap nang madisgrasya
Mahirap nang tumaba, figure mo ay masisira.
Nauubos ang oras sa kaka-gym
Kakapa-parlor at kaka-spa
Para gumanda, kailangang magpa-opera
Kahit gumasta, ma-maintain lang ang porma.
Hindi na natin natikman ang totoong buhay
Lagi kasi tayong nagtatago sa sikat ng araw
Ayaw kasing umitim kaya ayaw ding mag-swimming
Nasa aircon buong maghapon, walang pawis pero magastos.
Ilang taon nga ba gusto nating mabuhay?
Sa daming bawal sa ating katawan parang ayaw nating mamatay
Kapag tayo'y tumanda na at mahina nang gumalaw
Saka lang natin maiisip ang nasayang nating oras.
Labels:
Challenges,
death,
Denial,
Life,
Regrets,
Social Awareness
Batang Pulubi
Kanina, sumakay ako ng jeep
May batang lalaki ang sumampa
Amoy araw, gusgusin at tulo ang sipon
Naglahad ng sobre kung saan nakasulat
"Palimos po ng konting pang-kain."
May mga nagbigay ng mamiso sa kanyang sobre
Marami ang umismid at hindi siya inintindi
Ako naman, kahit paano may pisong iniabot din
Siguro sa pagod sa kalalakad sa init at kasasabit sa jeep
Umupo siya sa tabi ko at napasandig sa akin
Tanong ko, asan ba ang mga magulang mo
Nanduon po sa squatter, na-demolish po kasi kami
Paano ka mag-aaral, muli kong tanong
Hindi na po siguro ngayong taon kasi hindi po ako makakita ng mabuti
Kapatid ko na lang po ang ipinag-iipon ko sabay ngiti sa akin.
Akala ko'y malabo ang kanyang mata, pero umiikot pala ito
Napatingin kami lahat sa kanyang mga mata.
Lagi nga pong sumasakit ang ulo ko kasi lagi akong nahihilo, sabi pa nya
Pero hindi ko bakas sa kanyang mukha ang paghihirap na dinadama.
Hanggang pumara ang jeep, tsaka bumaba siya
Sabi ng katabi ko, kawawa naman ang bata
Sumagot ako ng magalang sa matandang katabi ko
Mas kawawa po pala tayo, kasi siya, nakukuha pa niyang tumawa.
Sabi ko sa sarili ko:
Ang mga bata nga naman
Mga anghel sa ating tabi
Nananatiling masaya
Sa kabila ng pangamba.
Sana katulad nya,
Sa kabila ng pansariling pangangailangan
Mas uunahin pa ang kanyang kapwa
Sapagkat siya
Ay may pusong higit na mapagbigay...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Friday, June 3, 2011
Memories Of My Stubborness
Every time I close my eyes
I see my self running away from You
But, every time I turn around
I see, but reflections of You.
Oh, those are the memories
Of my stubbornness and my running away from You
But, now as I see my self
I am now, a servant of You.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Being Open,
Faith,
Forgiveness,
God's faithfulness,
Hope,
Inspiration,
Life,
Self-giving,
servanthood,
Thanksgiving,
Trust,
Vows
Thursday, June 2, 2011
A Home In You
At the end of my journey you remain by my side
Holding my hand, every time I'm afraid
At the end of this road, you remain as my light
You teach me to fly... to soar for the sky.
As I fly to reach all my dreams
As I soar to conquer all my fears
You made me stronger for believing in me
In my heart, I found a home in you.
I thank you for the gift of friendship
I thank you for the joys we've shared
For the love you've gave during times of my sadness
I found a home in you, deep in my heart.
As I fly to reach all my dreams
As I soar to conquer all my fears
You made me stronger for believing in me
In my heart, I found a home in you.
Labels:
Brotherhood,
Friendship,
Inspiration,
Journey,
Life,
Memories,
Reflection,
Relationship,
Scouting,
Thanksgiving
My Soul Gives You Back My Praise and Glory
Oh, my God, ever gracious
My heart is filled with thanksgiving
For this day I am blessed by Your hands
My soul gives You back my praise and glory.
You keep me safe with Your gaze
Your wisdom is my light and my strength
Keeping me near to Your heart.
I thank You, Lord, for this moment
A triumph now at my reach
I know one day, I'll be a pride of this Nation
With my love ones and You as my God.
Oh, my God, ever gracious
My heart is filled with thanksgiving
For this day I am blessed by Your hands
My soul gives You back my praise and glory.
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Brotherhood,
Challenges,
Faith,
Friendship,
God's Providence,
Journey,
Life,
Realization,
Reflection,
Scouting,
servanthood,
Thanksgiving
Spoiled Brat
Hanggang kailan ka iiwas sa sakit ng pagkabigo?
Wala kang hinangad mula pagkabata mo kundi kaligayahan mo lamang
Hindi mo alintana ang paghihirap ng iba habang nakapangyayari ang iyong paghahangad
Ipinagkait mo ang pedestal na kinatatayuan mo at ipinagpakasakit ang iyong kapwa.
Walang maaaring bumali ng iyong salita 'pagkat ito ay batas
Sandata mo'y kayamanan, kapangyarihan ang lakas
Upang ikaw ay ibigin kakailanganin mo pa ng dahas
Maangkin mo man ang nais mo, subalit hindi ang pagmamahal.
Hanggang lumipas ang panahon, nangunsinti sa iyo ay pumanaw
Doon mo malalaman na kailangang magbanat ng buto upang mabuhay
Lahat ng iyong layaw isa-isang maglalahong parang bula sa iyong harapan
Kagaya ng paglisan ng mga taong hindi sa iyo nagmahal.
Sa huli, kagaya nila, pulubi ka rin...
Mababatid mong nangangailangan ka rin pala
Na may mga pulubi palang higit sa iyo na mapagbigay
Masarap din palang kumain ng limos ng iyong kapwa
Lalo pa't kung ito ay nagmula sa pusong dakila.
Mapanira
May pagkakataon sa buhay natin...
May mga nanghihimasok
Hindi mo malaman kung ano ang gusto
Mababatid mo na lamang, sinisira ka na nila
Parang mga anay na sasalantahin ang ating pagkatao.
Ang sandata nila ay mabulaklak na dila
Matawil na pag-iisip at sakim na budhi
Kaligayahan nilang makita ang kanilang kapwa na lumuluha
'Pagkat ang kanilang hinahangad ay ang kasawian ng lahat.
Totoong pagsubok sila sa ating pang-araw-araw na buhay
Isang tinik sa lalamunang nakalalason sa ating pamumuhay
Sa kabila ng kabutihang loob na ating ibinahagi sa kanya
Nariyang sirain pa rin tayo upang sarili'y iangat lang.
Sa bandang huli...
Ipahamak man n'ya ang totoong nagmamalasakit sa kanya
Ang katotohanan ay parang liwanag na lalamon sa kadiliman
Lalagukin nya ang lahat ng lason na kanyang ipinunla
Sa isang mapait na kalagiman na hahantong sa kanyang libingan.
Labels:
Being Alone,
betreyal,
Corruption,
Destructiveness,
Gaps,
Injustice,
Life,
Poor Relationship,
traitorship
Piso
Malimit sa aking sinasakyang jeep
Naroon, may gusgusing maglalahad ng palad
Manghihingi ng limos sa mga taong matatapatan
Habang mga pasahero ay umiiwas, nagkikibit lamang ng balikat.
Dumukot ako sa aking bulsa
Tanging baryang piso ang laman
Nang iaabot ko na, pinigilan ako ng kapwa ko pasahero
Umaabuso daw at nagiging tamad.
Ako'y napangiti, nag-isip ng malalim
Sa halagang piso na ibibigay ko sa aking kapwa
Kahit ako'y kapwa mahirap din
Hindi naman ito ikaka-yaman o ikahi-hirap ng aking buhay.
Ibinigay ko pa rin ang piso sa pulubi
Pinunasan nya ng kamay ang aking maduming sapatos
Bumaba siya ng sasakyan... hinimas ang tiyan at ngumiti
Marahil sa katanghaliang tapat, dun pa lang siya mag-aagahan.
Labels:
affection,
Generosity,
Life,
Reflection,
Social Awareness
Subscribe to:
Posts (Atom)