Wednesday, October 26, 2011

Seryoso



Paano ko ba ikaw mapapasagot ng 'oo'
Ginawa ko na ang lahat para ibigin mo
Pero sa matagal na panahon
Hindi ko pa rin naririnig ang matamis mong pag-sang-ayon

Ganon ka ba talaga kapihikan
Upang ako ay hindi mo matutunang mahalin?
Sadya bang hindi mo na ako maituturing ng higit pa sa kaibigan
At hindi seseryosohin sa lahat ng panliligaw ko

Hindi na ako nagpapatawa gaya ng dati
Maniwala ka, nanliligaw na ako at hindi nagpapalipad hangin
Sa kabila ng iyong pagdududa at pagtatawa
Nasasaktan ang puso kong nagmamahal...



Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Monday, October 24, 2011

Pagmamahal



May pagmamahal pa ba?

Sa mundong aking ginagalawan
Kung saan ang lahat ng bagay ay may katumbas na halaga
Kung saan wala nang libre, bayanihan o pagtulong sa kapwa
Namamayani ang mga salitang 'justice,' 'equality,' at 'freedom'
Mga salitang ordinaryo na lamang na ginagamit na dahilan
Upang takasan ang responsibilidad natin sa ating kapwa

Kapag may pulubing nanlilimos
Laging sinasabi 'bahala ang gobyerno dyan, tax payer ako'
Kapag may nasagasaan sa kalsada
Ayaw nating makisangkot
Kahit nakita natin kung sino ang dapat usigin
Wala tayong pakialam dahil hindi naman natin siya kaano-ano

Kapag may nasaksihan tayong katiwalian
Wala tayong ginagawa upang ituwid ang pagkakamali
Kung minsan, malimit kaysa hindi
Ang mga taong nagmamalasakit
Ang napapahamak na saksi

Sa panahon ngayon
Ang magkakapitbahay sa malalaking 'sub-division'
Ay halos hindi magkakakilala
Kapag ang isang tao ay 'walang sinabi sa buhay'
Malamang-lamang, wala tayong pakialam
At malimit, madaling sabihin ang salitang 'malasakit sa kapwa'
Pero sa totoong buhay, hindi naman ito ginagawa

Hipokrito ang tawag sa ating mga sarili
Kung sa salita lamang tayo 'nagmamahal'
Kung sa ating pang-araw-araw na buhay
Masahol pa tayo sa dyos-dyosang mapang-api
Na nagpapasamba sa ating kapwa
Dahil ang tunay na pagmamahal
Ay hindi lamang nagmamahal sa mga taong nagmamahal sa kanya
Kundi nire-respeto din niya ang kapwa
Maging sya man ay isang maliit na maralita

Ano nga ba ang pagmamahal?

Pagmamahal ay ang pakikibahagi
Sa iniindang sakit ng iyong kapwa
Sa halip na siya ang masaktan
Aakuin mo ang kanyang pasanin at alalahanin
Ito ay ang pag-aalay ng sarili sa kapwa
Pag-aalay ng buhay
Ang pagpaparaya ng iyong kaligayahan para sa ikabubuti ng iba
Ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa iyo
Sa kabila ng pag-angkin nila ng iyong kinabukasan
Ang pag-paparaya sa iyong mahal na hanapin ang kanyang kaligayahan
At ang pagtanggap sa kanyang kabiguan sa kanyang pagbabalik...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Paglisan



Pakiramdam ko
Nawala na ako
Natunaw nang ganap
Hanggang sa tingnan ko ang aking sarili sa salamin
Hindi ko na magawang makilala pa ang sarili ko
Hindi ko na magawang angkinin kahit sarili kong repleksyon
O balikan pa ang aking anino ng kahapon
At mga bakas ng aking mga yapak
Na binura na ng aking ngayon

Ang tanging pinanghahawakan ko
Na nasa puso ko
Ay ang pagmamahal mo
Na ipinangako mo sa akin
Sa isang sumpaang nagbibigkis
Sa ating mapusok na pag-ibig
Kung saan dumadaloy ng buong laya
Ang pagbibigay ng aking sarili
At pag-aalay ng aking buhay
Sa mundong inari nating may sariling buhay at hininga
At patuloy na nabubuhay at umaaasa
Hindi dahil sa bawat matamis na pangarap
Na maaaring hindi matupad
Kundi dahil sa mapait na katotohanang
May pangako tayo na dapat tupdin

Hindi tayo bilanggo
Kundi biktima ng ating mga sarili
Ng paghahangad ng isang mas masayang pamilya
Na pilit na iginugupo
Nang pasakit ng karukhaan

Hanggang sa dumating ang araw na ito
Na kailangan nating magkalayo
Upang subukang bumuo ng mga pangarap
Na malayo man sa piling ng bawat isa
Na bubuo muli sa pagkatao kong tinunaw ng pagkabulag
At kawalang katarungan para sa aking sarili
Na nasaktan at nabigo...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Biyaya



Sa 'formation' na ito
Nakatutuwa
Matapos ang halos limang taon
Kapag pinakikinggan ko ang aking sarili
Lagi, gaya ng dati
Andami kong reklamo

Andami ko kasing hinahanap
Kahit wala, lagi akong nagpupumilit
Na magkaroon ako
Kaya lang, wala talaga
Kaya lagi din
Nagpuputok ang aking 'butsi'
Kasi ang mga hinahanap
At aking hinahangad
Ay wala sa apat na sulok
Nang seminaryong aking kinasasadlakan

Malimit gusto ko nang sumuko
Ang hirap ata maging mahirap
Galing ka na nga sa hirap
E, pagdating mo sa seminaryo
Puro hirap pa din
Minsan sabi ko sa aking sarili
Kung bakit ba naman kasi
Ang tino ng buhay ko sa labas
E, pumasok-pasok pa ako
Sa buhay na ganito
Sa buhay relihiyoso
At mabuhay ng mahirap pa sa isang daga
Nang isang kahig, isang tuka
Nabubuhay lang din sa limos at habag ng iba

Sa maraming reklamo ko
Sumilay ang liwanag ng pagkaunawa
Kahit paano... ang pagtanggap ko sa katotohananng
Maaaring tinawag nga ako ng Dyos sa buhay na ito
Mula sa aking kinasasadlakan ay tinawag ang pangalan ko ng Diyos
Sa buhay na ganito
Sa buhay relihiyoso
Kahit walang bakas ng pagka-maka-Dyos ang nakaraan kong buhay
Eto, pinagtitiyagaan pa rin ako ng Diyos
HInihintay pa rin Nya ang buong pagkatao kong pagtalima sa Kanya
Kasi hanggang ngayon...
Andami ko pa ring reklamo
Andami ko pa ring hinahanap
At hindi nawawala
Ang kagustuhang kong sumuko
At huminto na sa pagtugon

Marami akong reklamo kasi
Masakit ang basagin ang iyong pagkatao upang buuing muli
Marami akong hinahanap
Kasi mahirap ding kalimutan ang dating ako...
Mahirap ang magpakumbaba
Mahirap ang magpatawad
Mahirap ang magpakabanal
Mahirap ang manatiling tapat sa pagtugon sa Dyos
Dahil ang pagtugon dito ay nangangahulugan
Nang pagtahak sa landas na lihis
Sa landas na tinatahak ng mundo

Ang paglalakbay sa buhay na ito...
Ay isang matinik at masukal na landas
Na minsan ay nangangahulugan
Nang malungkot at mapanglaw na paglalakbay
Dahil sa paglalakbay na ito
Minsan makikita mo ang sarili mong mag-isa
Kung minsan kinakailangan mong lunukin ang mapait na bunga ng pangungulila
Dahil ang pag-aalay ng buhay
Ay nangangahulugan ng pagtitiis
Kung saan ang pansariling kaligayahan
Ay buong pusong tinatalikdan

May mga gabing itinatago na lamang ng katahimikan
Ang mga hibik ng pangungulila
Kasi para kang papel na pinipilas
Kapag naramdaman mo ang kawalan at pagdaralita
Mag-isa kang mangungunyapit sa panlalamig
Sa gitna nang iyong sakit at sinapit na karamdaman
Kung saan wala ka nang ibang aasahan
Kundi ang tanging biyaya ng Panginoong Lumikha

Sa maraming reklamo ko sa buhay na ito
Nagtitiyaga pa rin sa akin ang Diyos
Hindi Niya iniinda ang mga sakit ng kaloobang
Idinudulot ko sa kanya
At sa bawat paggising ko sa umaga
Hindi ako binibigo
Na ako'y bigyan ng bagong pag-asa
Kahit sa araw lang na ito.



Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Sunday, October 23, 2011

Spark



In the dark shadows of the night
A stranger walks with me
Through that dark alley
Where no light pass through
Into a vortex of disillusionment
An abyss of no return

It was a road less travelled
Where time seems to be eternal
Where spirits of those who went before me
Were lost forever
Into an event horizon
Crushing each soul
Into despair and loneliness

Am I walking with the devil
In a disguise of a lamb?
Whose scent is like of an angel
But with stares that are burning
Is he leading me to the bosom
Of infernal damnation
Where no tomb nor grave
Could withstand
Such a bewildering chaos

Suddenly, there was a spark
On the ash covered sky line
Twas a ray of hope
A moment of darkness turned into daylight
On that glimpse I see other wanderers
Scavenging for life
It's not yet hell
It's only the dying earth…




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Imortal



Hanapin mo ang iyong puso
Kung saan naroon ang iyong kaligayahan
Gaano man ito katagal
Ako pa ri’y maghihintay

Kung hindi ka man bumalik
Sa iyo ako’y magpaparaya
Sapat na ang maging kaligayahan ko
Ay ang sa iyo ay maghintay




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Obra



Ganun talaga ang buhay
May mga bagay man tayo na gustong ibahagi sa iba
Gaano man ito kahalaga para sa atin
Gaano man natin ito pagbuhusan ng oras, pagod at pagpapakasakit
Para sa iba, ito ay mananatiling walang halaga para sa kanila

Kasi ang gustong-gusto natin
Ay maaaring mga bagay hindi nila nais gustuhin
Kahit pa tayo ay magsumamo
Hindi man sila kumibo
Mababakas pa rin sa kanilang mukha ang pagtanggi
Ang pag-ayaw
Ang pagbasura ng ating mga pinaghirapan
Na hindi nila maunawaan

Tanging pagkakataon lamang ang magsasabi
Kung kaylan sila magiging handa
Sa isang obra na ipinanganak
Nang una pa sa kanyang kapanahunan...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Love at First Sight



Una pa lang kitang nakita minahal na kita agad
Mata sa mata tayong nagkatitigan
Kung saan ang sandaling iyon ay tila walang hanggan
Tila huminto ang oras sa isang iglap ng pagsilay ko sa iyo
At nabasag lamang ang aking pagkatigagal at pagkamangha
Ng bawiin mo at iiwas mula sa akin ang iyong tingin at ibaling sa iba.

Subalit ang gunita ng kanina ay malinaw pa ring umaalingawngaw sa aking isipan
Tila naipinta ko na sa aking balintataw ang iyong larawan
Kung saan matamis ko itong paulit-ulit na binabalikan
Ito na ang langit na aking nasumpungan sa hindi inaakalang sandali ng pagtatagpo at pag-iwas
Isang mabulaklak na rosas na nagbibigay aliw sa aking mundong mapanglaw

Ang iyong tinig ang biglang naging musika ng aking buhay
Ang iyong halakhak ang naging himig ng aking pagkatao
Kahit lingid sa iyong kaalaman
Paulit-ulit kitang niyayakap sa aking nananabik na isipan

Kung alam mo lang…
Minahal kita bilang ikaw
Iniaalay ko sa iyo ang aking lihim na pag-ibig
Kung saan hindi ito masusukat bawat yakap at halik
O ng mga kataga o anupamang salitaan
Kahit ng pansin o pagsulyap
Kung saan walang nagbibigkis na pangako
O damdamin ng pag-ibig mula sa iyo
Mananatili pa rin akong tapat
Sa kabila ng mga tinik sa ating landas

Mananatili akong umaasa
Patuloy na mananabik sa iyong sulyap
Kahit sa isang sulok…
Kaligayahan ko na lamang ang masilayan ka
At ang maibulong ko sa aking sarili
Na iniibig kita…




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Suyuan sa Panahon ng Giyera



Habang ang daigdig ay nagkukumahog
At nakikipagtagisan sa buhay at kamatayan
Heto tayong dalawa, magkasama
Magkahawak kamay
Walang kamalay-malay
Sa paglipas ng oras

Sa gitna ng giyerang nagaganap
Ang ingay ng mundo na sinasaliwan ng bomba at granada
Ng mga pagtangis ng sakit at kawalan ng mahal sa buhay
Parang musika naman sa aking pandinig ang iyong tinig na malambig
Na malamyos na bumubulong upang patuloy na manalig
Na manatiling buhay sa kabila ng kawalan ng pag-asa

Ang iyong yakap ang nagtatanggal ng aking takot
Nanunuot ang iyong banayad na haplos
Na bumaybay mula sa aking balikat, braso, kamay
At nanagos sa kaselanan ng aking kaluluwa
Tila kuryente na bumubuhay sa aking dugong nahihimlay

Ang tamis ng iyong halik
Sa aking pisngi, leeg, balikat at sa aking kaibuturan
Ang nagpasidhi sa aking damdaming naumid ng takot at pangamba
Upang diligin ng pag-ibig
Ang matagal nang nanabik na lupang tigang
Sa isang pagsuyong tapat at dalisay
Sa sandaling tila walang hanggan

Ngayon ay binigyan mo ako ng sapat na dahilan upang mabuhay
Upang ang bunga ng ating pagtatalik
Ay panabikan ko sa bawat araw at gabi
Mula sa aking paglisan at sa aking pagbabalik
Sa iyong kandungan at nag-aalab na piling.




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Pagtalima



Ito ang pinili naming landas para sa aming buhay
Isang landas na matinik at masalimuot
Na lihis sa pangkaraniwang agos ng karaniwang buhay
Kung saan ang pagbibigay at pag-aalay ng sarili
Ang tanging maaring ariin upang ihandog sa Diyos Ama

Isang landas na matinik…

Sapagkat ang susugat sa iyong puso ay sarili mo ring kapatid
Sa isang landas na masukal at liko-liko
Kung saan sa mahabang paglalakbay susubukin ang iyong pasensya
Hanggang maangkin mong ganap ang tunay na kahulugan ng pagpapakasakit
At ariing bilang buhay na krus ang bawat pagsubok ng buhay

Maraming sugat ang nililikha ng paglalakbay na ito
Pagkat mahirap ipaunawa sa iba ang nasilayan at inari naming kaligayahan
Ang kahirapan ay inari naming kayamanan sa kabila ng aming kasalatan
Sa bawat pagdarahop ay kaligayahan ng pagbibigay at paghahandog buhay para sa aming kapwa

Sa pagiging mag-isa, inari naming yaman ang oras
Na maaari naming ilaan para sa aming kapwa
Upang buong buhay naming paglaanan ang Diyos
Nang aming mga dasal at papuri sa bawat sandali ng aming buhay

At pagtalima kung saan kaligayahan namin ang hanapin ang Kristo
At masilayan siya sa mata ng aming kapwa
Kung saan ang bawat hininga ng aming buhay
Ay buong pusong iniaalay sa Dyos na Dakila

Ang bawat isa ay ang buhay na Kristo
Mga buhay na larawan ng isang mapagmahal
At mapagpasayang Kristo
Na naghahangad na maging bahagi ng bawat buhay…

Mga Kristong may karamdaman na naghahangad ng kagalingan
At yakap ng nagmamalasakit na kapwa
Mga Kristo na nasa dilim ng kanilang buhay na naghahangad ng ating pag-unawa
Upang kahit saglit, ipaalala sa kanila na may nagmamalasakit sa kanila

Mga Kristo na kapwa nais maglingkod ng buong puso at buhay
Sa isang tahanan kung saan naroon ang presensya ng Diyos
Sapagkat wala kaming dinadala sa aming kapwa
Kundi ang tanging Kristo na amin lamang ding nasumpungan

Siguro ang tawag sa aming ginagawa ay hindi pagpapakabayani
Kundi ang pagkasumpong at pagyakap sa isang kaligayahan ng buhay
Na aming nasilayan sa pamamagitan ng aming pag-babalik handog
Nang aming buhay sa Panginoon nating Dakilang Lumikha.




===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Pagbabalik-loob



Sa panahong ito… sumusuko ako dahil sa problema
Para kasing wala nang kasagutan ang maraming bagay
Nakakasawa na ang malimit na pagkakamali
Kung saan palagi… kailangang magsimula mula sa pagkakabasag-basag
Nais kong mawala… ang magpakalayu-layo…

Lagi… gusto kong makalimot
At tumakas sa magulong ngayon
Subalit… kahit anong pag-iwas ko sa katotohanan
Matapos magising mula sa kahibangan
Ay tatambad muli ang nakasasakal na katotohanan

Sa mahabang panahon
Sinasarili ko lamang pala ang lahat
Ng pasakit ng aking naguguluminahang puso
Matagal na pala akong nag-iisa
Walang kinakapitan sa paniniwalang lahat ay kaya ko

Kailangan lamang palang sumuko
Upang muling makahinga
At tanggapin ang katotohanan na kailangan ko ang Dyos
Upang sa kanya iiyak ang lahat ng aking kabiguan
Patungo sa pagbabagong hinahangad
Ng aking nangungulilang puso…


===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Adorasyon



Ala sais ng hapon
Oras ng aming adorasyon
Sa Banal na Eukaristiya
Nakaluhod
Upang magbulay-bulay
Nakikipag-usap ng malapitan
Kay Kristo Hesus
Na nasa anyo
Nang isang hamak na tinapay...

Binabalikan ang buong maghapon
Upang ialay sa Panginoon
Ang bawat kapagalan
Na inani mula sa pagkukumagmag
At pakikipagsabayan
Sa agos ng totoong buhay

Sa katahimikan ng aking puso
At pagod na katawan
Naroon dumadaloy ang usapan
Nang puso sa puso
Sa pagitan ko at ng Dakilang Lumikha
Kung saan isang pagmamahalan ang umusbong
Sa isang matagal na suyuan
Mula sa paulit-ulit na pagdalaw ko
Sa tahanan Nya
Kung saan ang puso ko
Ay nakatagpo
Nang isang tiwasay na kanlungan
Kahit sa isang sandali
Na inari kong tila
Isang walang hanggang kaligayahan…




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Saturday, October 22, 2011

Novitiate



Sa tuktok ng kabundukang binibigkis ng halik ng ulap
Naroon ang kanlungang itinuring naming tahanan
Kung saan kapiling ang Dyos sa gitna ng katahimikan,
Dinalisay aming mga puso upang higit na magmahal

Binabati ng aming awit ang katahimikan ng bawat umaga
Na sinasaliwan ng huni ng mga ibong malayang lumilipad
Lakip sa bawat panalanging itinataas namin sa Ama
Ang bagong pag-asa sa bawat araw na hangad ng aming kaluluwa

Magkakapatid kaming magkasalo sa isang hapag ng Panginoon
Sama-samang pinasasalamatan mga biyaya Niyang handog
Pinakikinggan ang bawat kwentong sinasaysay ng bawat isa
Na nagpapasaya sa aming mga puso sa gitna ng karukhaan

Sinong makakalimot sa masasayang Linggo ng Novitiate
Sa bawat apostolate o sa 'simbang gabing anong lamig'
Kung kelan nagiging Santa Claus ang mga Brothers kahit saglit
Sa isang payak na kaligayahang inari kong aking langit

Pagkatapos ng buong maghapon, mga tala lamang sa kalangitan
Tanging sinisilayan sa bawat paglubog ng araw
Kasabay ang pagpatak ng agos ng luha ng pangungulila
Sa paglipas ng panahong hindi namin namamalayan

At matapos ang dalawang taon-- ala-ala lamang ng mga ngiti
Ang tanging binaon ko nung Novitiate ay lisanin
Kung saan ang aking puso ay nabighani ng Ama
Sa bawat pakikipagniig ko sa dalisay Niyang mukha.




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Umaasa



Ang pinakamadaling gawin
ay ang ibigin ka
subalit ang pinakamahirap kunin
ay ang pagsang-ayon mo
sa pag-ibig kong inaalay sa iyo...

Tawagin mo na lamang ako
bilang isa sa mga sawing palad
subalit hindi kailan man maaagaw
ng kahit na sino o anu pa man
ang langit na inukit mo sa aking umaasang puso...

Hamakin mo man ako
nang kahit paulit-ulit
wala akong pagsisisihan
sapagkat matamis na kaligayahan
para sa akin ang iyong ala-ala...

Oo, maaaring baliw ako
dahil sa aking mundo
napaniwala ko ang aking sarili
sa isang pagmamahal
na kaylan man ay hindi naging sa akin o mapapasaakin...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Thursday, October 20, 2011

Kulto

Ang ating mga puso'y tumatawag 
Bumubulong sa isa't-isa Pagkat ang hiwaga ng dilim 
Ay kalat na sa daigdig Sama-sama sa tuktok ng bundok 
Kung saan nagkrus ang dalawang landas 

Sa liwanag ng siga at kandila Tatawag tayo sa Ama 
"Ama sa langit hindi mo ba naririnig 
Ang aming mga pagsamo ngayong gabi 
Hindi mo ba nakikita ang sidhi ng mithi 
Na sa aming mga puso'y nag-aalab na binhi?" 

Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

Monday, October 3, 2011

Exam



Wala nang panahon para huminga
Nalulunod na sa dami ng pinag-aaralan
Inaabot ng buong magdamag
At puyat sa pagsusunog ng kilay...