Monday, April 30, 2012
Hangad ng Aking Puso
Hindi lahat ng bagay dito sa lupa ay makapaghihintay
Dahil lagi tayong nagkikipaghabulan sa sakit at kamatayan
Kung may magagawa lamang sana ako sa pagkakataong ito
Nawa'y maging pag-ibig ito para sa aking kapwa tao
Maibigay ko sana ang bagay na makakapagpaligaya ng iba
Na sa bandang huli sa akin ay higit na makapagpapalaya
Na maglalapit sa akin patungo sa Dyos Ama
Na siyang pinagbubukalan ng lahat ng aking mga biyaya...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pananatili
sino ba ako upang sukatin
ang dusang pinagdaraanan mo
wala akong karapatang husgahan
ang mga nararamdaman mo
ang tangi ko lamang na magagawa
ay ang umupo sa iyong tabi
ang tapikin ang iyong balikat
sa bawat malungkot mong sandali
ramdam ko ang iyong mga paghihirap
at naririnig ko ang iyong mga pagluha
hayaan mong saluhan kita kahit sumandali
upang aluin kita sa iyong paghikbi...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Comfort,
Friendship,
Love,
Self-givingTrust,
Trials in life
Pearl of Great Price
Pearl of great price
ito yung iiwan mo ang lahat-lahat
para lang sa bagay na ito...
akala ko...
lahat ng aking gusto
e iyon na iyon
yun pala ...
meron pa palang mas kaibig-ibig
meron pa palang mas makahulugan
meron pa palang mas mahalaga
higit pa sa mga bagay
na itinuring ko dahil inakala kong
mas mahalaga kaysa iba
pero sa pagdaka ng panahon
ito ay kumupas
nawalan ng kahulugan
nawalan ng saysay
sapagkat ang kaligayahang dulot nito
ay paimbabaw
at panandalian lamang
pearl of great price...
isang bagay na may lalim
isang bagay na makahulugan
buong buhay kong ginagalugad
subalit hindi ko ganap na maunawaan
hinanap ko
subalit ako ang nasumpungan
siya ngayon ang aking patutunguhan
siya ngayon ang aking kanlungan...
iiwan ko ang lahat para sa kanya
tahakin ko man ang masalimuot at matinik na landas
upang sa huling hininga ng aking buhay
makapiling ko siyang kayakap
hanggang sa aking paghimlay
hanggang sa aking kamatayan...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pagpapatawad
walang pagpapatawad
hangga't walang pagtanggap...
sapagkat sa bandang huli
mauunawaan natin
na ang hindi pala natin kayang patawarin
ay ang ating sarili
na unang naligalig
at unang nasaktan...
tayo ay naliligalig...
tayo ay nasasaktan...
sapagkat tayo ay umiibig...
sapagkat tayo ay nagmamahal
totoo...
madaling sabihin...
madaling isipin...
subalit...
maaaring mahirap gawin:
"Ang magmahal ng kaaway at ituring siyang kapatid
Ang magparaya sa pangarap at ialay sa naghangad"
subalit...
maaaring ito ang mga hamon
na ipinagkaloob sa atin ng pagkakataon...
upang magamit natin ang ating puso...
upang mapalalim natin ang ating mga pagkatao...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Sunday, April 29, 2012
pagsisisi
talagang may pagmamahal marahil na hindi na kukupas
kahit ilang ulit kong talikdan kusa itong nanariwa
isa-isahin ko man ang lahat ng galit at sumbat
masasabi kong laging nangingibabaw pa rin ang pagmamahal
sana naging pipi na lamang ako
upang hindi mo na narinig ang mga pangakong aking sinambit
mga pangakong hindi ko nagawang tupdin
mga pangakong sumugat sa puso mong nahilahil
subalit...patuloy pa ring naghuhumiyaw ang aking puso
nang pagmamahal mula sa iyong pusong nasaktan
pagpapatawad sa lahat ng aking nagawang pagkakamali
ang iniluluhog sa iyo nang aking taos pusong pagsisisi
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Tuesday, April 24, 2012
Pagsulat
Dati...
Ang buong akala ko
Kaya ako sumusulat
Ay sa kadahilanang
Ako ay nasaktan
Akala ko
Ang tintang dumadaloy
Mula sa plumang aking ipinangsusulat
Ay ang luha ng aking kalungkutan
Hindi pala ito dugo
Sapagkat hindi ako sumusulat
Nang dahil sa masidhing pagkagalit
O dahil sa masidhing pagdadalamhati
Subalit...
Sa pagtagal ng panahon
Napagtanto kong ganap
Na kaya pala ako
Ay patuloy na lumilikha ng mga katha
Hindi sa dahilang ako ay nag-iisa
Kundi dahil ako
Ay buong pusong umiibig
Dahil ako ay nagmamahal
Hindi man ako mahalin
Hindi man ako ibigin
Kahit pa ako ay lubhang mangulila
Mananatili akong tapat
Mananatili akong masintahin...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Ang buong akala ko
Kaya ako sumusulat
Ay sa kadahilanang
Ako ay nasaktan
Akala ko
Ang tintang dumadaloy
Mula sa plumang aking ipinangsusulat
Ay ang luha ng aking kalungkutan
Hindi pala ito dugo
Sapagkat hindi ako sumusulat
Nang dahil sa masidhing pagkagalit
O dahil sa masidhing pagdadalamhati
Subalit...
Sa pagtagal ng panahon
Napagtanto kong ganap
Na kaya pala ako
Ay patuloy na lumilikha ng mga katha
Hindi sa dahilang ako ay nag-iisa
Kundi dahil ako
Ay buong pusong umiibig
Dahil ako ay nagmamahal
Hindi man ako mahalin
Hindi man ako ibigin
Kahit pa ako ay lubhang mangulila
Mananatili akong tapat
Mananatili akong masintahin...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
God's Providence,
Life,
Love,
Poetry,
Reflection,
Self-givingTrust
Monday, April 23, 2012
Misyon
Tinanong namin ang isang Dumagat na nasalubong ko kung nasaan ang Melesya (lugar kung saan ang karamihan sa kanila ay nakatira na nasa pusod ng Sierra Madre). Kasi, sa pagkakataong iyon, ibang ruta ang tinahak namin patungo sa lugar na iyon. Wala siyang ibinigay na sketch o direksyon sa amin... sa halip pinaghintay nya kami--ako, si Scouter Eric (council executive ng Antipolo City Council) sampu ng aming mga kasamang Senior Scouts ng ilang sandali para i-deliver ang kanyang kalakal na uling sa tindahang nasa paanan ng Sierra Madre na pinagmemeryendahan namin. Sandali nga lang ang lumipas at sinamahan na nya kami sa isang buong maghapong lakaran sa ilalim ng tirik na tirik na sikat ng araw.
Agaw dilim na nang narating namin ang kubo ng kanilang chieftain na matagal na naming kaibigan ni Scouter Eric, si Ka Rogelio. Ipinagluto nya kami ng bagong ani na bigas na tinatawag nilang 'binernal.' Nagbukas kami ng mga dala naming mga de-lata ng sardinas mula sa aking kaibigan na si Sunday na pasalubong na rin namin sa kanila. Si Sunday ay hindi talaga sumama kasi busy siya sa Maynila.
Sa gitna ng bonfire (siga) na ginawa namin nag-umpukan kami upang magkwentuhan. Maya-maya pa, tumugtog si ka Rogelio ng yukelele at hinara kami ng mga kantang Dumagat... namalayan na lang namin na sumasabay na rin pala kami sa kanya kasi marami na rin pala siyang modern songs na kaya nyang tipahin at kantahin.
Nung lumalim na ang gabi, bumaba na ang mga kapamilya nya sa kubong tinutuluyan nila. Ipinahiram na nila sa amin ang kubo para doon na rin kami matulog. Sila ay natulog naman sa kabilang kubo doon sa kabilang sapa.
Nakakatuwa, nung kami ay humiga na sa kubo... nakita namin ang mga tala... kasi ginagawa pa lang uli nila ang nasirang bubong ng kanilang kubo. Hindi nagtagal, isa-isang nang humina ang aming tawanan at kwentuhan... nangibabaw na ang mga hilik ng mga kasama naming Senior Scouts.
Nanatili kaming gising ni Scouter Eric. Marami kaming napag-usapan. Namilosopiya kami hanggang magkayayaang magpainit ng tubig at magkanaw ng kape doon sa may siga. Nang sinilip ko ang mga nahihimbing na Senior Scouts-- sina Roy, Alfie, Buddha, at Joey... hayun, pagod na pagod na nakasalampak sa kawayang sahig ng kubo... pero pare-parehong abot tenga ang mga ngiti habang sila ay natutulog.
Naalala ko pa, kinabukasan ng gabing iyon, mamimigay kami ng mga de-latang sardinas at ng mga paketeng noodles sa bawat kubo ng mga Dumagat. Marami kasing gustong magpaabot ng mga biyaya sa kanila kaya lang masyadong malayo para sadyain kaya kami ay nag-volunteer para ipunin at bitbitin ang mga may kabigatang pasalubong na gusto nilang ipadala sa mga Dumagat. May ilang gamot na over the counter drugs din para sa mga may sakit kaming naibahagi.
Mula noon hanggang ngayon, ginagawa pa rin namin ito. Hindi man kami ang direktang nagbibigay kundi ang mga taong may pusong bukaspalad na nakikipadala sa amin. Kahit na kami ay mga ordinaryong tigapaghatid lamang... alam kong pinagpapala rin kami ng Dyos dahil sa mga taong tulad nilang lahat.
Tama nga si Scouter Eric, hindi lahat ay natutunan sa loob ng silid aralan. Ang puso ang pinakamahusay na guro na nagturo sa aking magmahal at magmalasakit sa aking kapwa. Ang mga Scouts na aming laging kasama ni Scouter sa bawat 'mission impossible' namin, ang laging nagpapaalala sa akin na umaasa na may mangyayaring pagbabago...
Ito ay ang buhay misyonero... ang buhay na niyakap namin ng may buong galak at pagmamahal dahil kami ay mga Scouts!
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Adventures,
Scouting,
Self-givingTrust
Thoughts to ponder
Sunday, April 22, 2012
Pangako
sa sanlibong sinabi mo
na tila kaiga-igayang bulaklak
na naging musika ng aking pandinig
tanging ang kaisa-isa mong pangako
ang nananatiling laging sariwa
sa aking umiibig
at nasaling na damdamin
sinisiim lagi ng aking puso
ang dalisay na himig
na bumubukal
mula sa kaibuturan ng iyong masintahing pagkatao
na umaawit ng isang pangako
na ako ay laging mahahalin
mula ngayon hanggang kamatayan man
mula ngayon hanggang kaylan man.
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Saturday, April 21, 2012
Pagmamahal
Sa buhay na ito
Maaaring... totoo...
Mabibigo tayo sa paghahanap ng pag-ibig
Dahil walang pag-ibig ang mananatiling tapat
Sa isang pangako upang manatili
Dahil ang buhay ay may hangganan
Dahil ang buhay ay may wakas...
Kapag ikaw ay nabigong umibig
Lahat tayo ay nasasaktan
Kapag tayo ay nadapa, natinik, at nasugatan dahil sa pag-ibig
May pagkakataon sinisisi natin ang lahat
Nais natin silang makabahagi sa ating sakit na nararamdaman
Nais natin silang manatili sa ating piling hanggang tayo ay maghilom
Subalit ang bawat isa
Ay may kanya-kanyang landasing patutunguhan
May kanya-kanyang buhay na nais sundan
Kung saan tayo nagkasalubong, nagkatagpo
at kung saan nag-krus ang ating landas
Maaring ito na ang una
O ang huling pagniniig
Kung kaya,
Nais kong sulitin ang paglalaan ng sandali
Upang sa bawat paglisan
Masasabi kong
Tayo ay nasaling...
Isa-isang naglaan ng sandali
At pagdaka'y lumisan
Hanggang matagpuan natin ang ating mga sarili
Na mag-isa sa ating madilim na kinakatayuan
Kung saan nakatungtong
Ang ating mga paa...
Sa halip na pasasalamat
Galit ang nadarama
Dahil sa masidhing awa sa sarili
At kalunos-lunos na pangungulila
Matapos ang pagsusumamo
Sa ating pagmamakaawa na huwag tayong iwan
Matapos mapaos ang ating tinig
Na binasag ng takot
At walang katapusang pangamba
Nais natin silang lahat talikdan
Nais nating lahat sila ay kalimutan
Huwag nang balikan
Huwag nang muling makita...
Subalit...
Hindi natin napagtanto
Na si Kristo ay tahimik sa ating nakikiramay
Tahimik sa ating nakikiramay
Buong pusong sa atin ay nagmamahal ng tapat
Hindi tayo kailan man iniwan
Hindi kailan man pinabayaan
Kung bakit sa lahat...
Matapos ang napakaraming kabiguan
Nais pa rin nati Siyang talikuran
At ipagpalit sa kahit kailan sa atin ay hindi nagmahal
Lumisan man tayo sa daigdig na ito
Si Kristo ay kasama nating maglalakbay
Hanggang sa kabilang buhay...
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Sunday, April 8, 2012
Gahaman
May mga taong sabik sa kapangyarihan
Sila na naghahari subalit wala pa ring kasiyahan
Nais nilang idikta ang bawat paghinga ng bawat nilalang
Ang kontrolin ang buhay, ang italaga ang kamatayan
Walang sinuman ang maaaring manguwestiyon
Sa kanilang gawaing talamak na korupsyon
Walang kahihiyang nagnanakaw ng lantaran at garapalan
Habang nakatingin ang bayan na naghihikahos at binubusabos
Binihisan ang sarili at tinawag na kabanal-banalan
Ipinunla sa bawat puso ang takot at karahasan
Lahat ng nakasaksi at nagpahayag ng paglaban
Ay inilibing sa daigdig baon ang bigong katarungan
Sa bawat eleksyon pikit-mata natin silang sinasamba
Sa maliit na halaga pikit matang ibinubugaw ang sariling dangal
Kapalit ang panahon ng pagtitiis at pagdurasa
Sa mga taong iniluklok at naghari-harian upang tayo ay pahirapan…
Sila ay mga berdugo ng ating kapanahunan
Mala-lintang sumisipsip sa dugo ng inang sambayanan
Kung saan mga pangakong sinambit ay pawang kabulaan
Upang alipinin ang mamamayan na walang kalaban-laban
Sila'y nagtatagong halimaw sa gitna ng mapagpatawad na masa
Nang mamantikaan ang nguso ay ang puso ay naging tuso
Habang binababoy tayo na parang bayang ginagahasa
Pinagsasamantalahan ang ating kalayaan at kasarinlan...
Kailan tayo magigising sa ating pagbubulag-bulagan
Kung kailan huli na at ang tinig natin ay paos na?
Kailan tayo kikilos upang tulungan ang ating sarili
Mula sa kumunoy ng korupsyon na lumalason sa ating budhi?
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Kabalintunaan
Ang pamantayan natin
Ay ang yaman ng mundo
Mga kumikinang na kayamanan
Na ligaya ng bawat laman
Buong buhay natin
Ninanais itong angkinin
Kahit na mapanganyaya
Ang natuksong kaluluwa
Da-dalawang kamay
Na naghahangad ng kimpal na salapi
Na hindi kayang bigkisin
Nang palad na ganid
Matapos makatikim
Nang dugo ng Inang bayan
Mula sa korupsyon
Na bumulag sa lahat
Dahil sa kagutumang
Walang kabusugan
Lahat ay inangkin
Lahat ay inari…
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pagsusumamo
Nais kong sabihin sa iyo
Na mahal na mahal kita
Pero hindi mo nais itong mapakinggan
Dahil nakapaling sa iba ang iyong pandinig
Ni hindi mo nga ako magawang sulyapan
Kahit tapunan ng isang tingin
Dahil para sa iyo
Hindi ako nag-e-exist…
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Na mahal na mahal kita
Pero hindi mo nais itong mapakinggan
Dahil nakapaling sa iba ang iyong pandinig
Ni hindi mo nga ako magawang sulyapan
Kahit tapunan ng isang tingin
Dahil para sa iyo
Hindi ako nag-e-exist…
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Subscribe to:
Posts (Atom)