Ang Filipino at ang Pananampalataya sa Diyos
Kaming mga Filipino, araw-araw ay nakikibaka sa buhay. Laging nagbabakasakali at laging umaasa. Marami sa amin ay nangangamuhan lamang. Malimit, kami ang mga laborers na umaasa sa awa at habag ng mga kalimitang dayuhan na namumuhunan sa loob ng aming bansa. Dahil sa paghahangad na mas mapabuti ang aming mga pamilya, marami rin sa amin ang lumalabas ng aming bansa upang maging mga overseas workers (OFWs). Kung tutuusin, halos isang kahig at isang tuka ang bawat isa sa amin—kung hindi maghahanap buhay ngayon--malamang, walang kakainin o gagastusin bukas.
Kami ang bansang sinasalanta ng halos tatlumpung (30) bagyo kada-taon. Bukod pa dito ang mana-nakang lindol at mga pagsabog ng bulkan na gumugulantang sa aming katiwasayan. Eto na ata ang pang-araw-araw na buhay namin. Mula nang kami ay isinilang, ito na ang nakagisnan namin.
Kami rin ang bansang napasailalim sa mahabang panahon ng kolonisasyon at naging alipin sa mga kamay ng mga dayuhan. At nung ganap na nakamit namin ang aming kalayaan, kami rin ang bansa na inalipin ng sarili naming kapwa Filipino… pinagnanakawan, tinatanggalan ng dangal at patuloy na pinapaasa sa mga pangako na hindi naman tinutupad. Sa sistemang naghahari sa aming lipunan, ramdam namin ang epekto ng malawakang korupsyon na lumalamon sa aming pag-asa na magkaroon ng malawakang pagbabago sa aming bansa.
Sa kasalukuyan, lalong lumalaki diprensyang namamagitan sa kakaunting mayayaman at napakaraming mahihirap. Ang mga likas na yaman namin ay pinagpapasasahan ng mga nasa kapangyarihan… kinakalbo araw-araw ang mga kagubatan, sinusuyod hanggang sa masaid ang mga yamang dagat, minimina ng walang patumangga ang mga kabundukan na lumalason sa mga kanugnog nitong mga ilog at batisan… naglipana kasi ang mga iresponsableng factories na pumapatay sa likas na yaman ng aming bansa.
Sa sobrang dami ng hirap naming pinagdadaanan, Ang tanong na “Kung bakit pinababayaan ng Diyos ito na mangyari sa amin?” ay nananatiling walang nakakaalam ng eksaktong sagot. Sa pagdurusang nangyayari sa amin, ang alam lang naming ay kailangang ituloy ang buhay pagkatapos ng mga bagyo, ng mga lindol, o kahit ng mga pagputok ng bulkan.
Bilang mga manggagawa na nakakaranas ng mga kawalang katarungan, oo, nasasaktan din kami pero may pamilya kami na dapat naming buhayin kung kaya tinitiis na lang namin na kami ay dustahin at hamakin ng paganun-ganon na lamang ng aming mga pinaglilingkuran. Hindi kami manhid… nagkataong mayroong mga tao na nagmamahal sa amin at minamahal namin... sila ang mga kinakapitan namin upang maging matatag sa kabila ng napakaraming pagsubok sa buhay. Ang aming pamilya ang aming inspirasyon sa lahat ng mga hirap na ito… sila ang dahilan kung kaya kami ay nagtitiis… sila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon kami ay umaasa. Sana huwag naman ninyo kaming abusuhin... dahil nagkataong wala kaming mapupuntahan sa ngayon kundi kayo na sa amin ay tumanggap.
Mapapalad ang mga bansang katulad ninyo na mayayaman. Pinagpala kayo sa langis, ginto, teknolohiya at sa napakaraming likas na yaman. Ipinapanganak ang bawat isa sa inyo na mayroon na agad na magandang kinabukasang nakalaan. Tatanda ang bawat isa sa inyo na hindi na kailangang manlimos gaya ng nakararaming matatanda sa aming bayan upang may ipambili lamang ng mga gamot sa mga nananakit nilang katawan. Hindi na ninyo kailangang danasin ang pumila ng napakahaba para lamang maka-avail ng libreng check-up sa pampublikong health centers o sa mga pampulikong ospital kapag sumusuka na ng dugo o kapag nag-aagaw buhay.
Pero marami pa rin sa inyo-- na mga tiga-ibang bansa na pawang mayayaman, ang hindi masaya sa buhay. Samantalang kaming mga Filipino, sa kabila ng mga problemang panlipunan at mga delubyo na sa amin ay dumarating at nananalasa… nakukuha pa rin naming ngumiti. Nakukuha pa rin naming tumawa. Kahit minsan, paniniwala namin na mailap sa amin ang swerte sa buhay ay palagi pa rin kaming umaasa...
Nakakalungkot dahil sa kabila ng kayaman ng inyong mga bansa… nakuha pa ninyong itakwil ang paniniwala sa Diyos na nagbigay sa inyo ng lahat ng mga yamang ito, samantalang kami… sa awa ng Poong Maykapal, hindi pa rin kami natitinag sa paniniwala sa Diyos. Ang Diyos pa nga ang ginawa naming saligan ng aming natitira at kakaunting pag-asa. Sa kasalatan ng aming buhay... tanging ang Diyos ang naging aming tanging kayamanan.
Sa kabila ng aming karukhaan nais naming sabihin sa inyo na mapapalad po kayo. Na kayo ay pinagpala ng Diyos. Hindi namin malilimot ang kabutihang loob ng marami sa inyo sa amin noong sinalanta kami ng bagyong Yolanda (Typhoon Hayain). Isang bansa kaming sumasaludo sa kabutihan ng kalooban ninyong lahat na para sa amin ay hinipo ng Diyos upang maging bukas-palad na kami ay matulungan. Kami, na kalimitan ay pawang mga abang tigapag-lingkod lamang ay buong puso ninyo ring pinaglingkuran noong kami ay nangangailangan... kaming mga Filipino... ay may ugaling tumanaw ng utang na loob, ngunit sa laki ng inyong naitulong sa amin, ipinapaubaya na namin sa Panginoong Manililikha ng lahat ng bagay ang pagtanaw ng utang na loob sa inyo dahil kung kami lamang... hindi po namin ito agad-agad masusuklian... hindi po namin ito agad-agad matutumbasan.
Salamat sa malasakit... sa pamamagitan ninyo, nakakapagsimula na kaming makapag-move on... mabagal man... pero nagsisimula na. Unti-unti na kaming nahihilom mula sa malagim na ala-ala ng kahapon lalo na ngayon na binisita kami ng Santo Papa. Sana ay maka-full circle na rin kami... nagsimula sa bagyo ang lahat... sana sa bagyong Amang na sumalubong sa aming engkwentro sa Papa, sana humupa na rin ang mga trauma na idinulot sa amin ng nakaraang sigwa. Ipagdasal nyo po kami... ipagdadasal din po namin kayo.
Oo, ang daming tanong ng bawat isang Filipino tungkol sa buhay-buhay. Pero kailanman… hindi kami nagalit sa Diyos dahil alam naming hindi niya kami pinababayaan kailanman. Magkakaiba man ang aming paniniwala bilang isang bansang Filipino; at malimit pa nga ay nag-aaway-away kami tungkol sa iba’t-ibang pag-unawa hinggil sa aming iba’t-ibang relihiyon-- pero ang suma-tutal, pare-pareho pa rin kaming nananampalataya sa Diyos.
Ang aking panalangin, sana dumating ang panahon na ang iisang Diyos na sinasamba namin ay pagbuklurin na kaming ganap. Sana tunawin nya ang makasariling paghahangad ng bawat isa sa amin. Sana hipuin nya ang bawat isa sa amin upang magmahal at ituring ang bawat isa bilang aming kapwa-Filipino at yakapin siya bilang aming kapatid. Sana isang araw ay mapagtanto namin ang kagustuhan ng Diyos para sa aming lahat nang dumating na ang panahon na isang araw… tunay na kabutihan at totoong pagmamahal na lamang ang maghari sa aming Inang Bayan.
Pananampalataya-- ito na marahil ang maihahandog namin sa buong mundo... ang ipadama na lagi kaming may nababanaag na pag-asa sa kabila ng kawalang pag-asa sa buhay sapagkat may Diyos na buhay na sa atin ay nananahan.
den mar
No comments:
Post a Comment