Friday, February 6, 2015

Listening

Matutong Makinig na Gaya ng Isang Bata.
Sa Misa ngayong umaga dito sa aming parokya sa Mt. Carmel Parish, New Manila, Quezon City, isang malaking hamon para sa atin hinggil sa pagbisita ng Santo Papa ang iniwan sa amin ng aming Parish Priest na si Fr. Ernie Montuero, OCD. Ani niya, "Sana magkaroon ng impact sa atin ang Papal Visit na ito, hindi pang-ngayon lang kundi maging impact ito na pangmatagalan na babago sa paraan ng ating pamumuhay."
Sinabi pa niya na 'sana tayong mga Pilipino ay matutong makinig.' Sa dami raw ng sinabing magagandang pangaral sa atin ng Santo Papa, sana man lamang daw ay may napulot ang bawat isa sa atin na isang salita mula sa kanya na tumimo sa ating puso. Kung tayo raw ay marunong makinig, hindi raw natin igigiit sa anumang sitasyon at pagkakataon ang makasarili nating interes. Kung tayo ay nakikinig, nararamdaman daw natin ang nararamdaman ng iba at nailalagay natin sa kanila ang ating mga sarili. Mula sa mabuting pakikinig nakakagawa tayo ng malinaw na bahaginan ng ating sarili sa ating kapwa at mula doon ay sama-sama tayong nakakagawa ng mas matibay na desisyon para sa ikabubuti ng mas nakakarami bilang isang nagkakaisang komunidad.
Sa pista ng Santo Niño, sana magaya natin ang mga bata na marunong makinig at laging masunurin sa kanilang mga magulang. Maging inspirasyon nawa natin ang Diyos Ama na nasa langit, ang ating Tatay sa heaven; kasama si Bro. Jesus na gumawa ng mabuti sa ating kapwa sa araw-araw. Ikaw, ako at tayong lahat ay anak ng Diyos Ama; Ikaw, ako at tayong lahat ay kapatid ni Jesus Christ na tinatanggap natin sa ating buhay sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya!
God bless us always. den mar

No comments: