Papal Visit Chronicle-- 'Limang Segundo:' Sa Kalsada Ay May Langit Din.
Alas dos ng madaling araw, gising na kami sa seminaryo. Kasi kailangan na bandang ala-tres ng madaling araw ay bumiyahe na kami papuntang Maynila. Doon sa isang parokya na ina-administer ng congregation namin, yung Sta. Cruz Church, doon kami magkikita-kita upang isang grupo kami na sabay-sabay pumunta sa lugar na naka-assign sa amin para tumulong sa mga pulis na mag-human barricade.
Mula New Manila, kung nasaan ang aming seminaryo, ay bumiyahe kami. Sa awa ng Diyos, wala pang traffic, mabilis kaming nakarating sa Sta. Cruz Church kung saan ang mga tao ay nag-aagahan na ng lugaw na sinamahan ng nilagang itlog. Syempre, kwentuhan habang naghihigupan ng sabaw ng lugaw. Maraming mga tulad ko ang mga nagku-kwento sa mga nakababatang henerasyon ng aming mga experiences noong World Youth Day 1995. Well, 20 years na nga pala iyon, tumanda na kami pero eto ang mga kabataang ito, excited na maranasan yung sinasabi naming "NGINIG FACTOR."
Alas-kwatro ng madaling araw, nagsimula na kaming maglakad. Binagtas namin ang landas patungo sa Ayala Bridge na malapit sa Malacañang Palace. Ayon sa schedule na ipinalabas ng CBCP, doon manggagaling ang Pope mula sa meeting nya with President P-noy patungong Manila Cathedral.
Alas-singko na halos nung nakarating kami sa tulay. Tawanan kapag may nag-crack ng joke. Patayu-tayo lang pero nung medyo napagod na sa kakatayo ay sumalampak na rin ng walang kakiyeme-kiyeme sa kongkretong kalsada. Eto naman, timing si Kuya Magtataho, kainan na naman na parang nagpi-piknik habang nagse-selfie at groupie ang mga magkakabarkada at mga bagong nagkakilala sa lansangan.
Sa mahabang paghihintay ay nagkaroon kami ng pagkakataon na kamustahin ang aming mga katabing pumapalibot sa amin. Masaya kapag nalaman mo na may mga kababayan kang naroon din na kasama mo mag-serve. "Kabalo ka magbinisaya?" tapos sagot naman ako ng "lagi," tiga-Mindanao pala yung katabi kong pulis na naka-assign sa amin. Halos lahat ng lugar sa Pilipinas, mula Aparri hanggang Jolo, ay naroon at nakadaupang palad namin. High-tech na ngayon, kung dati address ang hinihingi ngayon ang sinasabi, "pa-accept naman sa FB" after kunin yung FB at email address namin. Naibulong ko sa aking sarili, iba na talaga ngayon ang panahon. Lahat halos ay may camera na. Lahat halos ay naghahangad na makunan ng larawan ang Santo Papa.
Alas-sais, isa-isa nang nagbubukas ang langit kasabay din ng mga nag-uumapaw na grasya. Yung natapatan naming destino ay saradong gasolinahan, yung may ari tinawagan ng guard sa celfon at dumating upang buksan para sa amin ang kanilang palikuran.
Medyo naboring na kami ng konti kaya nagsimula nang maglakad-lakad hanggang sa dulo ng ginawa naming pila. Nakita namin dumadami na ang mga tao. Merong mga may edad na, si Ate Mila, na ang-alok sa akin ng kape. Napa-kwento ng konti sa mga buhay-buhay at nadiskubre naming pareho pala kaming public school teacher dati. Siya ay retired na at ako naman nagresign na para pumasok sa seminaryo. Pinapasok nya ako sa bahay nya, naki-CR na rin ako doon. Tapos nagpaluto nung kanin at hotdog na may itlog, naki-agahan na rin. Sabi nya, tawagin ko raw yung mga ka-brothers ko kaya pinaunlakan namin siya. Halos lahat kami ay tumikim ng kanyang nilutong agahan. Kwentuhan uli, sharing, question and answer, kuhaan ng FB address, picture taking together habang kumakain... at bandang huli naghabilin kami na i-tagged na lang kami sa mga pics na kuha nila.
Bandang alas-nuwebe nung dumami na ang mga tao, yung kaninang mangilan-ngilan lang ay biglang kumapal. Dumating ang napakarami pang mga pulis na nai-deploy sa aming lugar. Syempre kwentuhan, kamustahan, etc. 'Et cetera' na lang ang sasabihin ko kasi parang the same din yung pattern... magwawakas sa "pa-tagged na lang ng mga pics. hahahaha!" May mga mababait na tao ang mga nagbibigay nang mga candy. Yung mga pulis at kaming mga members nung human barricades ay binigyan din. Merong mga mineral water. Merong kape... halos nakatatlo nga ako! At meron ding mga grupo ng kabataan na matiyagang nangongolekta ng mga basura kasi doon daw sila sa maintenance ng kalinisan naka-assign.
Habang nagkakape, eto naman at napakwento ako sa isang may edad na mag-asawa. Mga aktibista daw sila, pero ngayon ay retired na. Marami silang tanong tungkol sa buhay, tungkol sa social justice at tungkol sa mga bagay na may kinalaman kung nasaan nga ba si God sa lahat ng mga pait at sakit na nararanasan natin sa buhay. Naroong mangatwiran kami, mamilosopiya, at mag-theolohiya. Na-realized namin na sa kabila ng mga pasakit sa buhay, naroon pala ang Diyos at dahil sa kanyang mapagmahal na grasya, nakakayanan nating mabuhay at manatiling umamaasa bilang mga Filipino sa bawat araw. Sabi nga namin, lahat pala ng mga nangayayari sa atin ay may dahilan gaya na lang ng pagtatagpo namin kung saan maraming mga bagay ang naliwanagan sa amin, mula sa kanila natutunan ko ang realidad ng buhay at mula sa akin, nakapagbahagi ako ng tungkol sa konting natutunan ko mula sa aking pag-aaral ng Social Justice at Theology.
Alas-diyes, nagsimula nang tumirik ang araw, sabi sa mga bali-balita, nasa Malacañang na raw ang Santo Papa. Mayroong napadpad sa aming reporter kumuha ng picture at mga messages para sa kanilang interview. Feeling namin, "eto na, malapit na si Pope." Yung isang reporter merong walkie-talkie, naririnig namin yung nangyayari sa Malacañang, nag-speech si P-noy, tapos ang Santo Papa. Tapos, andami nang mga dumaraan na mga sasakyan galing sa Malacañang. Akala namin ay yun na, sigawan kami tapos nung wala namang Pope-mobile sa dulo nun ay tawanan kami. Wow mali! Sila pala yung mga sasakyang pinauna nang papuntahin sa susunod na venue, doon sa Manila Cathedral para i-media-cover naman yung meeting ni Pope Francis dun sa mga religious leaders.
Pahinga uli, wrong signal kasi. Kanya-kanyang silungan uli sa tabi-tabi. Yung mga nakasampa sa mga silya na may hawak na camera ay pansamantalang nag-unat-unat uli. Back to normal--bigayan ng candy, nguyaan ng chichiriya, tawanan at picture taking ng wagas at to the max. Maya't-maya na ang pagronda ng mga pulis na nakamotor na sumusuyod sa pila namin, sinisiguradong makakadaan ang convey ni Pope Francis. Swerte kami kasi cooperative ang mga nasa likod namin. Padungaw-dungaw sila sa aming likuran at nagka-crack ng mga jokes most of the time. Yung mga tao sa kabilang kalsada ay tawid pa rin ng tawid kasi ang comfort room ay nasa side namin. Sabi ng lady police, "after five minutes po, wala na pong tatawid..." yun na pala ang isa sa mga "go signal."
Sabi ng mga pulis, "eto na po, mag-human barricade na po tayo." Mabilis pa sa kidlat ay andun agad kami sa aming mga estasyon. Kapit bisig naman kami. Naririnig na namin yung sigawan ng mga tao doon sa kabilang tulay. Malapit na raw ang Pope!
Labasan ang camera. Kanya-kanyang shot ang mga may dala. Hayan na nga si Pope Francis sakay ng Pope-mobile. Kumakaway sa aming lahat. Nakangiti at masayang masaya na makita kaming sabik na sabik na naghihintay sa kanya. Nagsigawan kami at nagpapalakpakan. Naramdaman naming lahat yung "nginig factor" marami ang naiyak habang kumakaway sa kanya.
Limang segundo lang ang engkwentro namin sa kanya pero pang nag-slow motion ang lahat. Malinaw kong nakita ang kinang sa kanyang mga mata at ang abot taingang ngiti ng kaligayahan na nag-uumapaw mula sa kanyang puso.
Limang segundo ito ng nag-uumapaw na kaligayahan para sa akin at sa aming lahat dahil halos abot kamay lang namin si Lolo Kiko (Pope Francis). Ang nasabi ko na lamang sa gitna ng mga hiyawan ng mga tao... "kamukha nya yung napapanood ko sa TV." Natawa yung mga nakarinig sa akin, ang ibig sabihin ko kasi, naramdaman ko yung sincerity nya na akala ko ay nadadaan lamang sa magandang anggulo ng camera at mga magagandang memes na naipo-post sa FB. Para sa akin, natural pala talagang magiliw siyang tao. Malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang kabutihan at sa naramdamang kong "NGINIG FACTOR" masasabi kong katulad ni Pope John Paul II na isa nang Santo ngayon, sumasakanya rin ang Espiritu Santo na nagpaalab ng aking pananabik sa isang Ama na si Pope Francis na Tatay ng relihiyong Katoliko.
Limang segundo, pero hanggang ngayon habang isinusulat ko ang salaysay kong ito, "star strucked" pa rin ako. Pagkatapos nga ng maikling engkwentro namin ng Santo Papa, lahat kami ay nakangiti. Lahat kami ay masaya. Lahat kami ay na-inspired na magbigay din ng "mercy at compassion" sa aming kapwa... nasabi namin habang kami ay naglalakad pauwi... kung kaya ni Lolo Isko, kakayanin din natin.
Para sa akin, ang limang segundong ito ay isang napakagandang ala-ala na masarap balikbalikan. Kapag ipinipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko pa rin ang nakangiting si Pope Francis, nasasabi ko sa aking sarili, "ang sarap palang maging Katoliko" hindi dahil sa marami kami or marami kaming kayang gawin kapag magkakasama; kundi masarap maging Katoliko dahil sa pamamagitan ng kabutihan ng bawat isa sa pangunguna ng Santo Papa, naramdaman ko ang tunay at buhay na si Jesus Christ na nananahan mula sa aking kapwa.
Sa limang segundong iyon, kapwa namin nadama ang langit mula sa aming kinasasadlakan. Bata, matanda, may ngipin o wala, magkakaiba man ng relihiyon, magkakaiba man ng pananampalataya o kahit may pagkakaiba pa sa mga pananaw sa aming mga buhay... naroon kami, magkakasama-- isang masa ng dagat-dagatan ng mga tao na nakaramdam ng awa at habag mula sa Santo Papa. Sa gitna ng mainit na tirik ng araw at makapal na dami ng tao... nakakawala ng tensyon at pagod dahil sa sandaling iyon naramdaman namin ang pag-ibig ng Diyos mula sa langit na yumakap sa aming lahat.
Hay... limang segundo ng engkwentro with Pope Francis, pero hanggang ngayon ay napapangiti pa rin ako. Ito na nga siguro yung tinatawag nilang "POPE FRANCIS EFFECT" ... "limang segundo na pang-habambuhay na makalangit na kaligayahan!"
God bless us all. den mar
No comments:
Post a Comment